Linta
[sa Heb., ʽalu·qahʹ; sa Ingles, leech].
Isang uod na sumisipsip ng dugo at may katawang lapád, baha-bahagi at papakitid sa magkabilang dulo ngunit pinakamalapad sa hulihan. Ang mga linta ay may haba na mula mahigit sa 1 sentimetro (0.5 pulgada) hanggang mahigit sa 10 sentimetro (4 na pulgada).
Ang mga nilalang na ito ay may panipsip sa magkabilang dulo ng katawan, at yaong nasa uluhan ay may mga pangang pangkagat.Napakaraming linta sa mga batis at ilog ng Gitnang Silangan. Ang mga anak ng lintang Limnatis nilotica, kapag nalulon kasama ng tubig na iniinom, ay kumakapit sa mga nasal cavity, sa babagtingan, o sa epiglottis ng kanilang biktima. Mabilis silang lumalaki at mahirap tanggalin. Nakahahadlang sila sa paghinga at ito naman, pati ang pagkaubos ng dugo, ang kung minsa’y pumapatay sa biktima.
Ang tanging pagbanggit sa linta (sa Heb., ʽalu·qahʹ) ay sa Kawikaan 30:15, kung saan tinutukoy ang walang-kabusugang kasakiman, anupat sinabi roon na “ang mga linta ay may dalawang anak na babae na sumisigaw: ‘Magbigay ka! Magbigay ka!’” Iminumungkahi ng Commentary ni F. C. Cook na ang kasakiman ng linta ay minamalas dito bilang “anak na babae nito,” anupat tinukoy sa anyong pangmaramihan upang magpahayag ng tindi. Ipinapalagay naman ng iba na ang “dalawang anak na babae” ay tumutukoy sa dalawang labi ng panipsip nito ng dugo. Kayang ubusin ng linta ang dugo na tatlong ulit ng timbang nito, at dahil sa isang malakas na anticoagulant sa laway nito ay tuluy-tuloy ang pagdaloy ng dugo mula sa biktima nito.