Lipi
Isang malaking grupo sa lipunan na may iisang mana at halos sinlaki ng isang tribo.
Sa tatlong pagkakataon na lumilitaw ang salitang Hebreo na ʼum·mahʹ, tumutukoy ito sa isang malaking grupo ng mga di-Israelita at isinasalin ito bilang “lipi.” Halimbawa, ang mga inapo ng 12 anak ni Ismael ay inilalarawan bilang “mga lipi” sa maagang bahagi ng kasaysayan ng etnikong grupong iyon. (Gen 25:16) Totoo rin ito sa mga inapo ni Midian. (Bil 25:15) Ang terminong ito ay matatagpuan din sa tulang Hebreo sa Awit 117:1, kung saan lumilitaw ito sa isang paralelismo kasama ng “mga bansa.”
Ang salitang Hebreo na sheʹvet, na kadalasang isinasalin bilang “tribo,” ay isinasalin bilang “lipi” sa Bilang 18:2. Isa itong eksepsiyon upang palitawin ang pagkakaibang ipinakikita ng tekstong Hebreo, sapagkat sa talatang ito ay lumilitaw ang mga salitang mat·tehʹ at sheʹvet, na kapuwa karaniwang isinasalin bilang “tribo.”