Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liryo

Liryo

Malamang na ang terminong Hebreo na shu·shanʹ at ang katumbas nito sa Griego na kriʹnon, kapuwa isinaling “liryo,” ay sumasaklaw sa maraming uri ng mga bulaklak, gaya ng mga tulip, anemone, jacinto, iris, at gladyola. Ayon kina Koehler at Baumgartner, ang katawagang Hebreo ay hinalaw sa isang salitang Ehipsiyo na nangangahulugang “malaking bulaklak.” (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 958) Tinukoy ng Griegong istoryador na si Herodotus (II, 92) ang Ehipsiyong lotus bilang “liryo,” at naniniwala ang marami na sa mga pagtukoy ng Kasulatan sa “liryo” o “yaring liryo” sa mga palamuti, ang tinutukoy ay ang Ehipsiyong lotus, isang liryong pantubig (water lily). (1Ha 7:19, 22, 26; 2Cr 4:5) Gayunman, yamang nagkaroon ng malaking bahagi ang lotus sa mga sagisag ng huwad na relihiyon ng Ehipto, ang pag-uugnay ng liryo sa lotus ay kuwestiyunable.

Ang mga liryo sa rekord ng Kasulatan ay matatagpuan sa mababang kapatagan, kasama ng matinik na mga panirang-damo, at sa mga pastulan kung saan nanginginain ang mga kawan at mga gasela. (Sol 2:1, 2, 16; 4:5) Maaaring itinanim din ang mga ito sa mga hardin (Sol 6:2, 3), at may pagtukoy sa mabangong amoy nito. (Sol 5:13) Posibleng may kaugnayan sa kagandahan ng liryo, binanggit ni Oseas, nang ihula niya ang pagsasauli ng Israel, ang panahon kapag ang bayan ng Diyos ay mamumulaklak na gaya ng liryo.​—Os 14:5.

Noong ipinakikita ni Jesu-Kristo na hindi dapat pag-ukulan ng labis na pagpapahalaga ang materyal na mga bagay, gaya ng ginagawa ng karamihan, binanggit niya na kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian nito ay hindi nagayakan na singganda ng mga liryo sa parang. Iminumungkahi na ang malamang na nasa isip ni Jesus ay ang anemone. Gayunman, maaaring ang tinutukoy lamang niya ay ang tulad-liryong mga bulaklak sa pangkalahatan, gaya ng maaaring ipalagay mula sa bagay na ang “mga liryo sa parang” ay ginamit bilang katumbas ng “pananim sa parang.”​—Mat 6:28-30; Luc 12:27, 28.

Hindi alam kung ano ang kahulugan ng mga pananalitang “Liryo,” “Mga Liryo,” na lumilitaw sa mga superskripsiyon ng Awit 45, 60, 69, at 80.