Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Listra

Listra

Isang lunsod ng Licaonia, isang rehiyon na nasa timog at gitnang bahagi ng Asia Minor. Iniuugnay ang Listra sa isang gulod sa dakong H ng Hatunsaray, nasa isang lugar na mataba at natutubigang mainam na mga 32 km (20 mi) sa TTK ng Konya (Iconio).

Sa Listra na nasa Romanong probinsiya ng Galacia nakarating ang apostol na si Pablo at si Bernabe pagkatapos silang mapilitan na lisanin ang Iconio dahil sa pagtatangkang batuhin sila. Noon ay isang kolonyang Romano ang lunsod na ito, yamang mas maaga rito ay ginawa ito ni Augusto na isang kolonya. Gayunman, ang mga katutubo roon ay nagsasalita pa rin ng wikang Licaonia. Matapos pagalingin ni Pablo ang isang lalaking pilay mula pa nang kapanganakan nito, inakala ng mga pulutong na siya at si Bernabe ay mga diyos na nagkatawang-tao, sina Hermes at Zeus. Halos hindi nila mapigilan ang mga tao sa paghahain sa kanila. Ngunit nang maglaon, gayon na lamang ang panunulsol ng mga Judiong nagmula sa Iconio at sa Antioquia ng Pisidia sa mga tumatahan sa Listra laban kay Pablo anupat pinagbabato nila siya at kinaladkad ang kaniyang katawan sa labas ng lunsod, sa pag-aakalang patay na siya. Pagkatapos nito, nang palibutan siya ng mga kapuwa Kristiyano, bumangon si Pablo, pumasok sa Listra, at pagkatapos, kasama si Bernabe, umalis siya nang sumunod na araw patungong Derbe.​—Gaw 14:1, 5-20.

Pagkatapos ng kanilang gawain sa Derbe, sina Pablo at Bernabe ay bumalik sa Listra, Iconio, at Antioquia. Pinalakas at pinatibay-loob nila ang mga alagad na kaugnay sa bagong-tatag na mga kongregasyong Kristiyano sa mga lunsod na iyon at humirang sila ng matatandang lalaki.​—Gaw 14:21-23.

Nang maglaon, pagkatapos na malutas ng mga apostol at matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem ang usapin ng pagtutuli (mga 49 C.E.), muling dumalaw si Pablo sa Derbe at Listra. Ang pagtukoy rito sa Gawa 16:1 ay maaaring nangangahulugan na ang kabataang lalaki na si Timoteo ay naninirahan noon alinman sa Listra o sa kalapit na Derbe. Ngunit ang katibayan ay waring pumapabor sa Listra. Sapagkat bagaman ang Derbe ay hindi na muling binanggit may kaugnayan kay Timoteo, espesipikong sinasabi sa Gawa 16:2 na si Timoteo ay “may mabuting ulat mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Tingnan din ang 2Ti 3:10, 11.) Napakahusay ng naging pagsulong ni Timoteo anupat pinili siya ni Pablo bilang kasamahan sa paglalakbay.​—Gaw 16:3.

Nang dumalaw ang apostol na si Pablo sa iba’t ibang lugar sa “lupain ng Galacia” noong kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, maaaring tumigil din siya sa Listra.​—Gaw 18:23.