Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lobo

Lobo

[sa Heb., zeʼevʹ; sa Gr., lyʹkos; sa Ingles, wolf].

Hayop na kumakain ng karne at kahawig ng malaking aso na German shepherd, ngunit mas mahahaba ang binti, mas malalaki ang paa, mas malapad ang ulo, at mas malalakas ang panga. Sa Palestina at Sirya, iniulat na ang mga lobo ay kadalasang naninila nang mag-isa, nang dalawahan o tatluhan, ngunit hindi pangkat-pangkat. Naghahanap sila ng masisila sa kadiliman ng gabi, anupat nagtatago sa buong maghapon. (Hab 1:8; Zef 3:3) Ang mga lobo ay mababangis, matatakaw, matatapang, at sakim, anupat madalas pumatay ng mga tupa na higit kaysa makakain o makakaladkad nila. Kaya nga, ang pastol noong sinaunang mga panahon ay kailangang maging malakas ang loob at mapamaraan upang maprotektahan niya ang kawan laban sa mga lobo.​—Ju 10:12, 13.

Makatalinghaga ang karamihan sa mga pagtukoy ng Kasulatan sa lobo. Sa kaniyang hula noong malapit na siyang mamatay, inihalintulad ni Jacob ang kaniyang anak na si Benjamin sa isang lobo. Walang alinlangang tumutukoy ito sa kakayahan ng tribo sa pakikipaglaban. (Gen 49:27; tingnan ang BENJAMIN Blg. 2.) Ang walang-prinsipyong mga prinsipe ng Juda (Eze 22:27), mga bulaang propeta (Mat 7:15), mababagsik na mananalansang ng ministeryong Kristiyano (Mat 10:16; Luc 10:3), gayundin ang mga bulaang guro na magsasapanganib sa kongregasyong Kristiyano mula sa loob (Gaw 20:29, 30), ay inihalintulad sa mga lobo. Kabaligtaran ng kilabot na pananamsam ng mga lobo (Jer 5:6), ang lobo at ang kordero ay inilalarawang nasa kapayapaan at nanginginaing magkasama sa panahon ng pamamahala ng Mesiyas. Hindi lamang ito kapit sa mga pagbabagong magaganap sa buhay ng mga tao, kundi tiyak na lumalarawan ito sa gayong kapayapaan na iiral sa gitna ng mga hayop​—Isa 11:6; 65:25.