Lot
Isang apo ni Tera at anak ng kapatid ni Abraham (Abram) na si Haran; samakatuwid, pamangkin ni Abraham.—Gen 11:27.
Ang ama ni Lot na si Haran ay namatay sa Ur ng mga Caldeo. Sa gayon, sumama si Lot kina Tera, Abram, at Sarai mula sa Ur patungo sa lunsod ng Haran, kung saan namatay ang lolo niya na si Tera. (Gen 11:28, 31, 32) Pagkatapos ay naglakbay si Lot patungo sa Canaan kasama nina Abram at Sarai, at nang maglaon ay sumama siya sa kanila patungo at pabalik mula sa Ehipto. (Gen 12:4, 5; 13:1) Dahil dumami na ang natipong pag-aari nina Lot at Abram, hindi na sila nakayanang tustusan ng lupain nang bumalik sila sa Canaan. Gayundin, isang away ang bumangon sa pagitan ng kani-kanilang tagapag-alaga ng kawan. (Gen 13:5-7) Yamang hindi nais ni Abram na magpatuloy ang gayong kalagayan, iminungkahi niyang maghiwalay sila, anupat ang kaniyang pamangkin ang pinapili niya ng gusto nitong lupain. Pinili ni Lot ang isang lugar na natutubigang mainam, ang buong distrito ng Mababang Jordan. Inilipat niya ang kaniyang kampo sa S at nang bandang huli ay nagtolda siya malapit sa Sodoma. (Gen 13:8-12) Ngunit hindi tinularan ni Lot ang mga Sodomita. Pinatunayan niya na isa siyang “taong matuwid” na “sa kaniyang nakita at narinig habang naninirahan sa gitna nila sa araw-araw, ay napahihirapan ang kaniyang matuwid na kaluluwa dahilan sa kanilang mga gawang tampalasan.”—2Pe 2:8.
Noong panahong talunin ng apat na sumasalakay na magkakaalyadong hari ang limang hari sa lugar na iyon, kabilang na ang hari ng Sodoma, sinamsaman ng mga nagtagumpay ang lunsod at kinuhang bihag si Lot. Nang mabalitaan ito, pinisan ni Abram ang 318 alipin, nilupig ang mga mambibihag, binawi ang lahat ng ari-arian, at iniligtas si Lot.—Gen 14:1-16.
Dinalaw ng mga Anghel. Pagkaraan nito, nang dalawin si Lot ng dalawang anghel noong malapit nang puksain ang Sodoma, malugod niya silang pinatuloy. Ngunit pinalibutan ng mga lalaki ng lunsod ang bahay at mapilit nilang sinabi na ilabas sa kanila ang mga bisita para sa imoral na layunin. Sinikap ni Lot na ipagsanggalang ang kaniyang mga panauhin anupat inialok pa nga niya sa mga mang-uumog ang kaniyang dalawang anak na dalaga. Dahil sa galit, ipinagtulakan nang matindi ng mga mang-uumog si Lot, kung kaya ipinasok siya ng kaniyang mga panauhing anghel sa loob ng bahay at binulag ang balakyot na mga Sodomita.—Gen 19:1-11.
Iniligtas mula sa Sodoma. Pagkatapos ay ipinabatid ng mga anghel kay Lot na ang daing ng paghiyaw laban sa mga tumatahan sa Sodoma ay lumakas sa harap ni Jehova at na isinugo sila upang puksain ang lunsod. Ayon sa tagubilin, binabalaan ni Lot ang kaniyang magiging mga manugang, na maliwanag na nagbabalak kunin ang kaniyang mga anak upang maging mga asawa ngunit hindi pa iyon naisasagawa. (Ihambing ang Gen 19:8, 14.) Ngunit hindi siya pinakinggan ng kaniyang mga manugang. (Gen 19:12-14) Nang magbukang-liwayway na ay inapura sila ng dalawang anghel na umalis, anupat sinunggaban pa nga ang mga kamay ni Lot, ng kaniyang asawa, at ng kaniyang dalawang anak. Alinsunod sa kahilingan ni Lot, pinahintulutan siya ng mga anghel na tumakas patungo sa kalapit na lunsod ng Zoar. Pagdating doon ni Lot, pinasapit ni Jehova sa Sodoma at Gomorra ang maapoy na pagpuksa. Ngunit ang asawa ni Lot (na ang pangalan ay hindi binanggit sa Kasulatan) ay sumuway nang ito’y “lumingon mula sa likuran niya,” marahil ay nanghihinayang sa mga bagay na naiwan. Dahil dito, siya “ay naging haliging asin.”—Gen 19:15-26.
Nang maglaon ay nilisan ni Lot ang Zoar at nanahanan sa isang yungib sa isang bulubunduking pook. Palibhasa’y namatay sa Sodoma ang magiging mga manugang ni Lot, wala nang mapapangasawa ang kaniyang mga anak. Dahil dito, gumawa sila ng paraan upang makipagtalik sa kanila ang kanilang ama nang hindi nito namamalayan habang ito ay nasa impluwensiya ng alak. Ginawa nila ito upang makapagpanatili sila ng supling mula sa kanilang ama. Bilang resulta, ang mga anak ni Lot ay nagsilang ng tig-isang anak na lalaki, na siyang pinagmulan ng mga Moabita at ng mga Ammonita.—Gen 19:30-38; Deu 2:9, 19.
Isang Babala. Ang autentisidad ng ulat ng Kasulatan tungkol kay Lot ay pinatotohanan ni Jesu-Kristo. Ipinakita niya na “sa mga araw ng Anak ng tao,” o sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, ang mga kalagayan ay magiging katulad niyaong sa mga araw ni Lot nang ang mga tao ay walang pagkabahalang kumakain, umiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim, at nagtatayo hanggang noong umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. Ipinakita ni Kristo na sa panahong iyon sa hinaharap, hindi dapat balikan ng mga tao ang mga bagay na nasa likuran, at nagbigay siya ng isang mariing halimbawa upang ipakita ang napakasaklap na ibubunga ng paggawa ng gayon, sa pagsasabing: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.”—Luc 17:26-32.