Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lucas

Lucas

Isang manggagamot at tapat na kasamahan ng apostol na si Pablo. Siya ang manunulat ng Ebanghelyo ni Lucas at ng Mga Gawa ng mga Apostol. Makikita sa mga isinulat ni Lucas na mataas ang kaniyang pinag-aralan. Mapapansin din sa paggamit niya ng mga medikal na termino na isa siyang doktor.​—Luc 4:38; Gaw 28:8.

Hindi tinukoy ni Lucas ang kaniyang sarili bilang isang saksi sa mga pangyayari sa buhay ni Kristo na nakatala sa kaniyang ulat ng Ebanghelyo. (Luc 1:2) Kaya lumilitaw na naging mananampalataya siya pagkaraan ng Pentecostes ng 33 C.E.

Sa aklat ng Mga Gawa, si Lucas ay tinutukoy sa di-tuwirang paraan sa pamamagitan ng mga panghalip na “kami” at “amin.” (Gaw 16:10-17; 20:5–21:18; 27:1–28:16) Kasama siya ni Pablo sa Troas noong ikalawang paglalakbay ng apostol bilang misyonero at sinamahan niya ito mula roon patungong Filipos, kung saan siya maaaring nanatili hanggang sa pagbalik ni Pablo noong ikatlong paglalakbay nito bilang misyonero. Sinamahan ni Lucas si Pablo patungong Judea sa pagtatapos ng paglalakbay na iyon (Gaw 21:7, 8, 15), at habang nakabilanggo ang apostol nang mga dalawang taon sa Cesarea, malamang na doon isinulat ni Lucas ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo (mga 56-58 C.E.). Sinamahan niya si Pablo sa paglalakbay nito patungong Roma para sa paglilitis. (Gaw 27:1; 28:16) Yamang ang aklat ng Mga Gawa ay sumasaklaw sa mga pangyayari mula 33 C.E. hanggang noong dalawang taóng pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma ngunit hindi iniuulat ang kinahinatnan ng pag-apela ni Pablo kay Cesar, malamang na sa Roma natapos ni Lucas ang aklat ng Mga Gawa noong mga 61 C.E.

Nakiisa si Lucas kay Pablo sa pagpapadala ng mga pagbati sa mga Kristiyano sa Colosas nang sulatan sila ni Pablo mula sa Roma (mga 60-61 C.E.), at tinukoy siya ng apostol bilang “ang minamahal na manggagamot.” (Col 4:14) Nang sumulat si Pablo kay Filemon mula sa Roma (mga 60-61 C.E.), inilakip niya ang mga pagbati mula kay Lucas, at tinukoy niya ito bilang isa sa kaniyang “mga kamanggagawa.” (Flm 24) Ang pananalita ni Pablo na, “si Lucas lamang ang kasama ko,” ay nagpapakita na hindi iniwan ni Lucas si Pablo at na kasama siya ng apostol bago ito mamatay bilang martir.​—2Ti 4:11.

Ipinapalagay ng ilan na si Lucas ay isang Gentil, anupat pangunahin nang ibinabatay ito sa Colosas 4:11, 14. Sa dahilang unang binanggit ni Pablo ang “mga tuli” (Col 4:11) at saka tinukoy si Lucas (Col 4:14), sinasabi nila na si Lucas ay hindi kabilang sa mga tuli at sa gayon ay hindi Judio. Ngunit hindi tiyak ang bagay na ito. Sinasabi sa Roma 3:1, 2 na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga Judio ang kaniyang kinasihang mga pananalita. Isa si Lucas sa mga pinagkatiwalaan ng gayong kinasihang mga pananalita.

Gayundin, walang saligan sa Kasulatan upang ipalagay na si Lucas ang Lucio na binanggit sa Gawa 13:1 o ang “kamag-anak” ni Pablo na may gayunding pangalan na tinukoy sa Roma 16:21.