Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lucas, Mabuting Balita Ayon kay

Lucas, Mabuting Balita Ayon kay

Isang ulat na pangunahin nang naglalahad ng mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus sa lupa. Layunin nito na magharap ng isang tumpak na rekord ayon sa lohikal na pagkakasunud-sunod, anupat pinatutunayan kay Teofilo ang katiyakan ng mga itinuro sa kaniya nang bibigan. (Luc 1:3, 4) Gaya ng ipinahihiwatig ng pagkakaroon nito ng dako sa kanon ng Bibliya, makikinabang din sa rekord na ito ang maraming iba pang tao, kapuwa mga Judio at mga di-Judio. Bagaman kung minsan ay waring nangingibabaw ang pagkakaayos ayon sa paksa, ang Ebanghelyong ito ay may pangkalahatang balangkas na nasa kronolohikal na pagkakasunud-sunod.

Manunulat at Panahon ng Pagsulat. Bagaman hindi binanggit sa aklat ang kaniyang pangalan, ang manggagamot na si Lucas (Col 4:14) ay karaniwan nang kinikilala bilang ang manunulat ng ulat na ito. Sinusuportahan ito ng nasusulat na katibayan na mula pa noong ikalawang siglo C.E., anupat sa Muratorian Fragment (mga 170 C.E.) ay kinikilalang si Lucas ang sumulat ng Ebanghelyo. Ang ilang aspekto ng Ebanghelyong ito ay maituturing din na indikasyon na isang manggagamot na may mataas na pinag-aralan ang manunulat nito. Mas malawak ang bokabularyo nito kaysa sa pinagsama-samang bokabularyo ng tatlong iba pang Ebanghelyo. Kung minsan, ang mga paglalarawan sa mga sakit na pinagaling ni Jesus ay mas espesipiko kaysa sa iba pang mga ulat.​—Ihambing ang Mat 8:14; Mar 1:30; Luc 4:38; Mat 8:2; Mar 1:40; Luc 5:12.

Maliwanag na natapos na ni Lucas ang kaniyang Ebanghelyo bago niya isulat ang aklat ng Mga Gawa. (Gaw 1:1, 2) Yamang sumama siya kay Pablo sa Jerusalem sa katapusan ng ikatlong paglalakbay ng apostol bilang misyonero (Gaw 21:15-17), maaari niyang matalunton nang may katumpakan ang mga bagay na may kinalaman kay Jesu-Kristo sa mismong lupain kung saan isinagawa ng Anak ng Diyos ang kaniyang gawain. Pagkatapos ng pag-aresto kay Pablo sa Jerusalem at noong panahon ng pagkabilanggo ni Pablo sa Cesarea nang dakong huli, malamang na nagkaroon ng maraming pagkakataon si Lucas na makipag-usap sa mga saksi at kumonsulta sa mga nakasulat na rekord. Kaya makatuwirang ipalagay na ang Ebanghelyo ay maaaring isinulat sa Cesarea noong panahong nakabilanggo roon si Pablo sa loob ng mga dalawang taon (mga 56-58 C.E.).​—Gaw 21:30-33; 23:26-35; 24:27.

Natatanging mga Punto. Gaya ng tatlong iba pang Ebanghelyo, ang ulat ni Lucas ay naglalaan ng saganang katibayan na si Jesus nga ang Kristo, ang Anak ng Diyos. Isinisiwalat nito na si Jesus ay isang taong mapanalanginin, isa na lubos na nanalig sa kaniyang makalangit na Ama. (Luc 3:21; 6:12-16; 11:1; 23:46) Naglalaman ito ng maraming suplementaryong detalye na kapag idinagdag sa mga masusumpungan sa tatlong iba pang Ebanghelyo ay bumubuo ng isang mas kumpletong larawan ng mga pangyayaring nauugnay kay Kristo Jesus. Halos ang buong mga kabanata 1 at 2 ay walang kahalintulad sa iba pang mga Ebanghelyo. Natatangi sa aklat na ito ang di-kukulangin sa anim na espesipikong himala at mahigit sa isang dosenang ilustrasyon. Ang mga himala ay: ang pagpapangyari ni Jesus na makahimalang makahuli ng maraming isda ang ilan sa kaniyang mga alagad (5:1-6), ang pagbabangon niya sa anak na lalaki ng babaing balo sa Nain (7:11-15), gayundin ang pagpapagaling niya sa isang babaing hukot na hukot (13:11-13), sa isang lalaking minamanas (14:1-4), sa sampung ketongin (17:12-14), at sa tainga ng alipin ng mataas na saserdote (22:50, 51). Kabilang sa mga ilustrasyon: ang dalawang taong may utang (7:41-47), ang madamaying Samaritano (10:30-35), ang hindi namumungang puno ng igos (13:6-9), ang malaking hapunan (14:16-24), ang nawawalang baryang drakma (15:8, 9), ang alibughang anak (15:11-32), ang di-matuwid na katiwala (16:1-8), ang taong mayaman at si Lazaro (16:19-31), at ang babaing balo at ang di-matuwid na hukom (18:1-8).

Ang materyal na lumilitaw sa Ebanghelyong ito hinggil sa kronolohiya ay tumutulong upang matukoy kung kailan isinilang si Juan na Tagapagbautismo at si Jesus at kung kailan nila sinimulan ang kani-kanilang ministeryo.​—Luc 1:24-27; 2:1-7; 3:1, 2, 23; tingnan ang PAGPAPAREHISTRO, PAGREREHISTRO.

Autentisidad. Ang autentisidad ng Ebanghelyo ni Lucas at ang pagkakasuwato nito at ng iba pang mga aklat ng Bibliya ay ipinahihiwatig ng maraming pagtukoy nito sa Hebreong Kasulatan at ng mga pagsipi nito mula roon. (Ihambing ang Luc 2:22-24; Exo 13:2; Lev 12:8; Luc 3:3-6; Isa 40:3-5; Luc 7:27; Mal 3:1; Luc 4:4, 8, 12; Deu 8:3; 6:13, 16; Luc 4:18, 19; Isa 61:1, 2.) Higit pang nagpapatotoo sa autentisidad ng aklat ang katuparan ng hula ni Jesus may kinalaman sa pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito.​—Luc 19:41-44; 21:5, 6.

[Kahon sa pahina 223]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG LUCAS

Ang ulat ni Lucas tungkol sa buhay ni Jesus, isinulat upang pagtibayin ang katiyakan ng mga pangyayaring nauugnay sa buhay ni Kristo at sa paraang makaaakit sa mga tao ng lahat ng mga bansa

Ang ikalawang Ebanghelyo na isinulat; malamang na inirekord ito sa pagitan ng 56 at 58 C.E.

Mga pangyayari bago ang pangmadlang ministeryo ni Jesus (1:1–4:13)

Patiunang ipinatalastas ni Gabriel kay Maria na isisilang nito ang Anak ng Diyos; noong ipanganak si Jesus, tinukoy siya ng mga anghel bilang ang “Kristo na Panginoon”

Sa edad na 12 taon, si Jesus ay nagtanong sa mga guro sa templo

Noong bautismuhan siya ni Juan, bumaba kay Jesus ang banal na espiritu at isang tinig mula sa langit ang nagpakilala kay Jesus bilang ang Anak ng Diyos

Nabigo si Satanas sa paulit-ulit na pagsisikap na tuksuhin si Jesus

Maagang bahagi ng ministeryo ni Jesus, sa kalakhan ay sa Galilea (4:14–9:62)

Sa sinagoga sa Nazaret, binasa ni Jesus ang kaniyang atas mula sa balumbon ng Isaias; tinangka siyang patayin ng mga nakikinig

Nagturo siya sa sinagoga sa Capernaum, nagpalayas ng demonyo, at nagpagaling ng maraming maysakit

Hinamon siya sa mga usaping gaya ng pagpapatawad ng mga kasalanan at pagpapagaling sa panahon ng Sabbath

Pagkapanalangin nang buong magdamag, pinili ni Jesus ang kaniyang 12 apostol

Binigkas niya ang Sermon sa Bundok

Pinagaling niya ang alipin ng isang opisyal ng hukbo at binuhay-muli ang anak na lalaki ng isang babaing balo

Inilahad ni Jesus ang mga talinghaga tungkol sa dalawang taong may utang at sa manghahasik; nagsagawa siya ng marami pang himala, kasama na rito ang pagbuhay-muli sa anak na babae ni Jairo

Isinugo ang mga apostol upang ipangaral ang Kaharian ng Diyos

Kinilala ni Pedro si Jesus bilang ang Kristo; di-nagtagal, nasaksihan niya at ng dalawa pang apostol ang pagbabagong-anyo

Ang ministeryo ni Jesus nang dakong huli, sa kalakhan ay sa Judea at Perea (10:1–19:27)

Isinugo ni Jesus ang 70 upang mangaral

Inilahad niya ang talinghaga tungkol sa madamaying Samaritano

Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad kung paano mananalangin, pagkatapos ay pinasinungalingan niya ang paratang na nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub

Nagbabala si Jesus laban sa materyalismo at hinimok niya ang mga alagad na hanapin ang Kaharian ng Diyos; binanggit niya ang tungkol sa munting kawan at sa tapat na katiwala

Pinagaling niya ang isang babaing hukot na hukot at sinagot niya ang mga pagtutol sa pagsasagawa nito sa panahon ng Sabbath

Ipinakita niya na yaong mga nais maging alagad ay dapat na humarap sa kaakibat na mga pananagutan

Naglahad siya ng mga talinghaga, kasama na rito ang tungkol sa alibughang anak at sa taong mayaman at kay Lazaro

Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad tungkol sa pagtisod sa iba; ipinaghalimbawa niya ang pangangailangan na maging mapagpakumbaba

Nagpagaling siya ng sampung ketongin, ngunit isa lamang, isang Samaritano, ang bumalik upang magpasalamat sa kaniya

Inihambing ni Jesus ang “mga araw ng Anak ng tao” sa mga araw ni Noe at ni Lot

Idiniin niyang muli ang pangangailangan na maging mapagpakumbaba​—lalo na ng mayayaman​—pagkatapos ay naglakbay siya patungong Jerico, kung saan nakumberte si Zaqueo

Sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga mina, ipinakita niya na ang Kaharian ay hindi pa darating sa panahong iyon

Ang panghuling pangmadlang ministeryo ni Jesus, sa loob at sa palibot ng Jerusalem (19:28–24:53)

Sakay ng isang asno, si Jesus ay pumasok sa Jerusalem at ibinunyi ng mga tao, ngunit tinangisan niya ang lunsod at inihula ang pagkatiwangwang nito

Pinalayas niya sa templo yaong mga nagtitinda; pagkatapos ay may iniharap sa kaniya na mapandayang mga tanong tungkol sa mga buwis at sa pagkabuhay-muli

Nang inihuhula ang pagkawasak ng templo at ang pagbagsak ng Jerusalem, binanggit din ni Jesus ang katapusan ng mga takdang panahon ng mga bansa

Pinasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, at pagkatapos nito ay ipinagkanulo siya; nang tagpasin ni Pedro ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote, pinagaling ni Jesus ang lalaki

Matapos arestuhin, si Jesus ay dinala sa bahay ng mataas na saserdote, sa Sanedrin, at kay Pilato; pagkatapos ay ipinadala siya kay Herodes at nang dakong huli ay ibinalik kay Pilato

Ibinayubay si Jesus; sa tulos, binanggit niya ang tungkol sa Paraiso sa isang manggagawa ng kasamaan na nakabayubay na kasama niya; noong mamamatay na siya, isang kadiliman ang sumapit sa lupa at ang kurtina ng santuwaryo ay nahati sa gitna

Inilibing ang kaniyang katawan, ngunit sa loob ng tatlong araw ay nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa kaniyang mga tagasunod

Sa katapus-tapusan, si Jesus ay nagsimulang umakyat sa langit samantalang nakatingin sila