Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lunsod

Lunsod

Isang maliit na lugar na pinamamayanan, bagaman sa lawak, populasyon, o kahalagahan ay nakahihigit kaysa sa isang bayan o nayon. Sa Kasulatan, ang salitang Hebreo na ʽir, isinaling “lunsod,” ay lumilitaw nang halos 1,100 ulit. Kung minsan, ang salitang qir·yahʹ (bayan) ay ginagamit bilang singkahulugan nito o kaya’y kasama nito sa isang paralelismo​—halimbawa, “Pagkatapos nito ay tatawagin kang Lunsod [ʽir] ng Katuwiran, Tapat na Bayan [qir·yahʹ],” o “Ano’t hindi pinabayaan ang lunsod [ʽir] ng kapurihan, ang bayan [qir·yathʹ] ng pagbubunyi?”​—Isa 1:26; Jer 49:25.

Ang “mga pamayanan” (sa Heb., chatse·rimʹ), “mga sakop na bayan” (sa Heb., ba·nothʹ), at “mga nayon” (sa Heb., kepha·rimʹ), na binabanggit din sa Hebreong Kasulatan, ay ipinakikitang naiiba sa “mga lunsod” at “mga bayan” sa diwa na ang mga ito ay hindi mga komunidad na may mga pader kundi, sa halip, iniuugnay sa lantad na lupain. (1Sa 6:18) Kung ang mga ito ay nasa mga karatig-pook o nasa mismong kapaligiran ng isang nakukutaang lunsod o bayan, inilalarawan ang mga komunidad na ito bilang “mga sakop na bayan,” anupat literal na nangangahulugang “mga anak na babae” ng lunsod na may mga pader. (Bil 21:25; tingnan ang SAKOP NA BAYAN, MGA.) Ipinakita rin ng Kautusan ni Moises na may legal na pagkakaiba sa pagitan ng mga lunsod at mga bayan na may pader at ng mga pamayanan at mga nayon na walang pader. Kapag ipinagbili ng isang taong naninirahan sa isang pamayanan na walang pader ang kaniyang bahay, may karapatan siyang tubusin iyon kailanma’t naisin niya, ngunit kung hindi niya kayang tubusin iyon, ibabalik ito sa kaniya sa taon ng Jubileo. Sa kabilang dako, kapag isang bahay na nasa isang lunsod na may pader ang ipinagbili, kailangang tubusin iyon ng nagbenta sa loob ng sumunod na taon, anupat kung hindi ay magiging permanenteng pag-aari iyon ng bumili, maliban sa kaso ng mga lunsod ng mga Levita. (Lev 25:29-34) Makikita rin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pagkakaibang ito, at doon ang poʹlis ay kadalasang tumutukoy sa isang “lunsod” na may pader at ang koʹme naman ay sa isang “nayon” na walang pader. Sa Marcos 1:38, ang salitang Griego na ko·moʹpo·lis ay maaaring isalin bilang ‘bayang nayon’ o ‘lunsod na nayon.’ (Ihambing ang Int.) Tinawag ni Juan ang Betlehem bilang ang “nayon na dating kinaroroonan ni David,” at tinukoy naman ito ni Lucas bilang isang lunsod yamang batid niya na pinatibay ni Rehoboam ang nayong ito.​—Ju 7:42; Luc 2:4; 2Cr 11:5, 6.

Si Cain ang unang nagtayo ng lunsod, at ipinangalan niya ang lunsod na iyon sa kaniyang anak na si Enoc. (Gen 4:17) Kung nagkaroon man ng iba pang mga lunsod bago ang Baha, ang mga iyon ay naglaho na sa Delubyo noong 2370 B.C.E. Pagkaraan ng Baha, ang mga lunsod ng Babel, Erec, Acad, at Calne sa lupain ng Sinar ang nagsilbing pundasyon ng kaharian ni Nimrod. Pagkatapos ay pinalawak niya ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng Nineve, Rehobot-Ir, Cala, at Resen (inilalarawan sa kabuuan bilang “ang dakilang lunsod”) sa dakong H sa Libis ng Mesopotamia. (Gen 10:10-12) Sa kabilang dako naman, ang mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay hindi nagtayo ng mga lunsod kundi tumahan sila sa mga tolda bilang mga naninirahang dayuhan kahit noong makipamayan sila sa mga bayan at mga nayon sa Canaan at Ehipto. (Heb 11:9) Gayunman, pagkaraan ng mahabang panahon, iniulat ng mga tiktik na pumasok sa Canaan na maraming matitibay at nakukutaang lunsod sa lupaing iyon.​—Bil 13:28; Deu 9:1.

Layunin ng Pagtatayo. Ang mga tao ay nagsimulang magtayo ng mga lunsod sa iba’t ibang kadahilanan: para sa proteksiyon, industriya, komersiyo, at relihiyon. Kung ibabatay sa dami at laki ng mga templong natuklasan ng mga arkeologo, tiyak na relihiyon ang isa sa mga naging pangunahing pangganyak sa pagtatayo ng maraming sinaunang lunsod. Ang isang halimbawa ay ang lunsod ng Babel at ang toreng panrelihiyon nito. “Halikayo!” ang sabi ng mga tagapagtayo nito sa isa’t isa, “Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit, at gumawa tayo ng bantog na pangalan para sa ating sarili, dahil baka mangalat tayo sa ibabaw ng buong lupa.” (Gen 11:4-9) Dahil din sa panganib na maging mga alipin ng paladigmang mga indibiduwal na determinadong manakop, napilitan ang matatakuting mga tao na magsama-sama upang bumuo ng mga lunsod. Sa lahat ng kaso, binabakuran nila at kinukulong ng mga pader ang mga lunsod na ito, at isinasara nila ang mga pintuang-daan sa gabi at sa mga panahon ng panganib.​—Jos 2:5; 2Cr 26:6.

Kadalasan na, ang hanapbuhay noon ng mga nakatira sa lunsod ay may kaugnayan sa agrikultura at pag-aalaga ng mga hayop, mga gawaing isinasagawa sa labas ng mga pader ng lunsod; ang karaniwang magsasaka ay sa loob pa rin ng lunsod naninirahan at hindi sa kaniyang bukid. Naging abala naman ang iba sa mga industriya ng mga gawang-kamay. Ang mga lunsod ay nagsilbi ring mga imbakang depo, mga sentro ng kalakalan, at mga pamilihan para sa pamamahagi ng paninda. Ang mga lunsod naman na gaya ng Tiro, Sidon, at Jope ay pangunahin nang naging mga sentro ng pagbabarko at ng pagpapalitan ng mga kalakal sa pagitan ng mga sasakyang naglalayag sa karagatan at ng mga pulutong na naglalakbay sa katihan.​—Eze 27.

Maraming lunsod ang nagsimula bilang mga simpleng nayon lamang, pagkatapos ay lumawak at naging isang bayan o umunlad at naging isang lunsod, anupat kung minsan ay nagiging malalaking estadong-lunsod pa nga na kumokontrol sa buhay ng daan-daang libong tao. Kasabay ng gayong pagsulong, ang pamamahala at ang hudisyal na kapangyarihan ay napapasakamay na lamang ng iilang lider ng pulitika at militar, at, kadalasan na, isang herarkiya ng makapangyarihang mga saserdote ang may hawak sa nangingibabaw na kapangyarihang nagdidikta ng pamumuhay sa lunsod. Kaya naman kitang-kita ang pagkakaiba nang magsimulang lumitaw sa tanawin ng daigdig ang mga Israelitang lunsod, yamang ang pamamahala sa mga ito ay nasa mga kamay ng mga administrador na inatasan sa teokratikong paraan at may tungkuling ipatupad ang bigay-Diyos na mga kautusan ng konstitusyon ng Israel. Sa bansang iyon, si Jehova ang Hari, Tagapagbigay-Kautusan, at Hukom, at kapag may-katapatang ginagampanan ng kaniyang nakikitang mga kinatawan ang kanilang mga tungkulin, ang bayan ay nagsasaya.​—Isa 33:22; Ezr 7:25, 26; Kaw 29:2.

Pagpili ng Pagtatayuan ng mga Lunsod. Ang pagpili ng lokasyon para sa isang lunsod ay depende sa ilang salik. Yamang karaniwan nang ang pagdedepensa rito ang pinakamahalaga, kadalasa’y sa matataas na lugar itinatayo ang sinaunang mga lunsod. Bagaman nakahantad sila dahil dito, mahirap namang marating ang mga ito. (Mat 5:14) Iba naman ang kaso ng mga baybaying lunsod at niyaong mga nasa pampang ng ilog. Bilang karagdagan sa likas na mga harang, kadalasang nagtatayo noon sa palibot ng lunsod ng pagkalaki-laking mga pader o ng isang kayariang binubuo ng mga pader at mga tore; sa ilang kalagayan ay humuhukay pa nga ng mga bambang sa palibot nito. (2Ha 9:17; Ne 3:1–4:23; 6:1-15; Dan 9:25) Habang lumalaki ang mga lunsod, kung minsan ay kinakailangang iusod ang mga pader upang magkaroon ng mas malawak na lugar. Ang mga pasukan sa mga pader ay nilalagyan ng matitibay na pintuang-daan na makatatagal sa patuluyang pagkubkob. (Tingnan ang KUTA; PADER, DINGDING; PINTUANG-DAAN.) Nasa labas ng mga pader ang mga bukid, mga pastulan, at mga karatig-pook na kadalasa’y hindi naipagtatanggol sa panahon ng pagsalakay.​—Bil 35:1-8; Jos 21:41, 42.

Napakahalaga ang isang suplay ng tubig na sagana at malapit at hindi ito dapat kaligtaan kapag pumipili ng pagtatayuan ng isang lunsod. Sa dahilang ito, itinuturing na angkop na angkop kung may mga bukal o mga balon sa loob ng mga hangganan ng mga lunsod. Sa ilang kaso, partikular na ang Megido, Gibeon, at Jerusalem, ang mga lunsod ay may mga paagusan ng tubig sa ilalim ng lupa at mga padaluyan na nagdadala ng tubig sa loob ng mga pader mula sa mga bukal sa labas. (2Sa 5:8; 2Ha 20:20; 2Cr 32:30) Kadalasang gumagawa noon ng mga reservoir at mga imbakang-tubig bilang panahod at tipunan ng tubig sa panahon ng tag-ulan upang magamit iyon sa ibang pagkakataon. Kung minsan, mistulang bahay-pukyutan ang mga imbakang-tubig sa lupain dahil sa dami, palibhasa’y nagsisikap ang bawat sambahayan na magkaroon ng sarili nilang suplay ng tubig.​—2Cr 26:10.

Dahil pare-pareho ang mga tunguhin at mga layunin sa pagtatayo ng sinaunang mga lunsod, maraming pagkakatulad ang disenyo at pagkakaayos ng mga ito. At, yamang kaunti lamang ang ipinagbago ng mga bagay-bagay sa paglipas ng maraming siglo, ang ilang lunsod sa ngayon ay halos walang ipinagkaiba sa kalagayan ng mga ito dalawa o tatlong milenyo na ang nakararaan. Pagpasok sa mga pintuang-daan, mabubungaran ng isa ang isang malawak at hantad na lugar, ang pamilihan ng lunsod o ang liwasan, kung saan isinasagawa ang lahat ng uri ng bentahan at bilihan at kung saan pinagkakasunduan at tinatatakan ang mga kontrata sa harap ng mga saksi. (Gen 23:10-18; 2Ha 7:1; Na 2:4) Ito ang pampublikong dako kung saan tinatanggap at ikinakalat ang mga balita (Ne 8:1, 3; Jer 17:19), kung saan idinaraos ng matatanda ang mga pagdinig (Ru 4:1-10), at kung saan maaaring magpalipas ng gabi ang isang manlalakbay sakaling walang sinumang magpatuloy sa kaniya. (Huk 19:15-21) Kung minsan naman ay may iba pang matutuluyan ang mga bisita sa lunsod.​—Jos 2:1; Huk 16:1; Luc 2:4-7; 10:35; tingnan ang BAHAY-TULUYAN.

Ang ilang lunsod ay itinayo para sa pantanging mga layunin, gaya halimbawa ng Pitom at Raamses na itinayo sa pamamagitan ng mga aliping Israelita bilang mga imbakang dako para kay Paraon (Exo 1:11); nariyan din ang mga imbakang lunsod ni Solomon, ang kaniyang mga lunsod ng karo, at ang mga lunsod para sa kaniyang mga mangangabayo (1Ha 9:17-19), gayundin ang mga imbakang lunsod ni Jehosapat. (2Cr 17:12) Apatnapu’t walong lunsod ang ibinukod para sa mga Levita​—ang 13 ay para sa mga saserdote, at ang 6 ay mga kanlungang lunsod para sa nakapatay nang di-sinasadya.​—Bil 35:6-8; Jos 21:19, 41, 42; tingnan ang KANLUNGANG LUNSOD, MGA; LUNSOD NG KARO, MGA; LUNSOD NG MGA SASERDOTE, MGA.

Matatantiya ang laki ng maraming sinaunang lunsod batay sa mga labí ng mga pader ng mga ito, ngunit imposibleng matiyak ang laki ng populasyon ng mga ito. Tungkol sa Nineve, sinasabi sa atin na isa itong napakalaking metropolis: “[Ang] Nineve na dakilang lunsod, kung saan may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa.”​—Jon 4:11; 3:3.

Ang pangalang ibinigay sa mga lunsod na binabanggit sa Bibliya ay kadalasang may kahulugan at layunin​—isinisiwalat ng marami sa mga pangalang ito ang kanilang lokasyon, katangian, pinagmulang angkan ng mga tumatahan, at maging ang kanilang makahulang kahulugan. (Gen 11:9; 21:31; Huk 18:29) Kung minsan, upang ipakita ang pagkakaiba ng dalawang lunsod na magkapangalan, idinaragdag ang pangalan ng tribong kinaroroonan ng mga ito, gaya sa kaso ng “Betlehem sa Juda,” yamang may Betlehem din sa Zebulon. (Huk 17:7; Jos 19:10, 15) Ang mga nakapaloob na lunsod ay mga lunsod na pag-aari ng isang tribo ngunit nasa teritoryo naman ng ibang tribo.​—Jos 16:9; tingnan ang NAKAPALOOB NA LUNSOD, MGA.

Makasagisag na Paggamit. Sa Hebreong Kasulatan, ang mga lunsod ay ginagamit sa makasagisag na paraan. (Kaw 21:22; Jer 1:18) Mababasa natin na gumamit si Jesus ng mga lunsod sa kaniyang mga ilustrasyon (Mat 12:25; Luc 19:17, 19), at gumamit din si Pablo ng lunsod sa isang tayutay. (Heb 11:10, 16; 12:22; 13:14) Sa Apocalipsis, ginagamit ang mga lunsod upang ilarawan ang ilang bagay: “ang banal na lunsod” na niyurakan ng mga bansa (Apo 11:2), ang “dakilang lunsod” na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto (Apo 11:8), ang “dakilang lunsod, [ang] Babilonya” (Apo 18:10-21; 17:18), at “ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.”​—Apo 21:2-27; 22:14, 19; 3:12.