Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Luwad

Luwad

Isang likas na materyal na pinung-pino at parang lupa, anupat malambot at madaling hubugin kapag basâ ngunit matigas kapag tuyo, lalo na kung pinatuyo sa pamamagitan ng apoy. Sa kalakhan ay binubuo ito ng mga hydrous aluminum silicate. Ang salitang Hebreo na choʹmer ay ginagamit upang tumukoy sa “luwad” ng magpapalayok (Isa 41:25), sa “luwad” sa ilalim ng pantatak (Job 38:14), sa “luwad” sa mga lansangan (Isa 10:6), sa “argamasa” sa pagitan ng mga laryo (Gen 11:3), at, bilang metapora, sa tao na gaya ng “luwad” sa mga kamay ng kaniyang Tagapag-anyo, ang Diyos na Jehova (Isa 45:9; ihambing ang Job 10:9). Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pe·losʹ ay tumutukoy sa “luwad” ng magpapalayok (Ro 9:21) at sa mamasa-masang “putik,” o luwad, na ginamit ni Jesus upang pagalingin ang isang lalaking bulag (Ju 9:6, 11, 14, 15; tingnan din ang PAGKABULAG), samantalang ang ke·ra·mi·kosʹ naman ay naglalarawan sa mga sisidlang gawa sa “luwad” ng magpapalayok.​—Apo 2:27.

Makasusumpong ng saganang luwad sa mabababang lupain ng Israel, at noong panahon ng Bibliya, ginagamit ito sa paggawa ng mga kagamitang luwad at mga laryo. (Jer 18:4, 6; Exo 1:14; Na 3:14; tingnan ang MAGPAPALAYOK.) Dahil bumabakat dito ang marka kapag mamasa-masa pa ito at nananatili ang bakat kahit natuyo na, naging kapaki-pakinabang ito sa paggawa ng mga tapyas na luwad at sa paglalagay ng mga marka ng pantatak sa mga dokumento at mga liham. Ginagamit din noon ang luwad upang tatakan, o takpan nang mahigpit, ang mga kagamitang luwad para sa alak o para sa pag-iingat ng mahahalagang rekord, gaya ng kasulatan ng ari-arian ni Jeremias. (Jer 32:14) Pangunahin nang naingatan ang Dead Sea Scrolls dahil sa mga bangang luwad na pinaglagyan sa mga ito.

Ang pagkakahawig ng luwad sa lupa ay tinutukoy ng mga ekspresyong gaya ng “luwad sa mga lansangan,” ‘ang tao ay gawa mula sa luwad,’ o ang tao ay ‘ibinababa sa luwad.’ (Job 10:9; 30:19; 33:6; Isa 10:6) May isa pang metapora na iniuugnay sa kasabihang ang tao ay gawa mula sa luwad; ito ay ang pagiging Magpapalayok ni Jehova. (Isa 29:16; 45:9; 64:8; Ro 9:21) Hindi matibay na materyal ang luwad kahit lutuin pa ito hanggang sa tumigas, at ang pinaghalong bakal at luwad ay walang kabuluhan. (Dan 2:33-35, 41-43, 45) Kakaunting proteksiyon, kung mayroon man, ang nailalaan ng luwad. (Job 4:19; 13:12; Isa 41:25) Palibhasa’y isang bagay na napakapangkaraniwan, napakaliit lamang ng halaga nito bilang paninda.​—Job 27:16.