Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Luz

Luz

[Punong Almendras].

1. Dating pangalan ng bayan ng Bethel. Maliwanag na ang mga Canaanitang naninirahan dito ang nagbigay ng pangalang ito. Ikinapit ni Jacob ang pangalang Bethel (na nangangahulugang “Bahay ng Diyos”) sa lugar kung saan siya tumanggap ng isang panaginip na naglalaman ng pagsisiwalat mula sa Diyos. Nagkampo rin noon si Abraham sa lugar na iyon. (Gen 28:16-19; 35:6) Ipinapalagay na ang lokasyon ng Luz ay ang mga guho sa tabi ng nayon ng Beitin, mga 17 km (11 mi) sa H ng Jerusalem. Lumilitaw na nang bandang huli, marahil ay noong panahong sakupin ng Israel ang Canaan, tuluyan nang napalitan ng pangalang Bethel ang pangalang Luz. (Huk 1:22) Sa salin ng King James Version at Revised Standard Version sa Josue 16:2, ang hangganan ng Efraim ay inilarawan na “mula sa Beth-el hanggang sa Luz.” Dahil dito, ipinapalagay ng iba na ang mga lugar na ito’y magkaiba at magkabukod na mga bayan. Gayunman, ang ibang makabagong salin ay kababasahan ng “Beth-el-luz” (JP), “Bethel-luz” (JB), “Bethel (samakatuwid nga, Luz)” (AT), o “Bethel na sakop ng Luz” (NW). Pagkatapos ng kabanata 1 ng aklat ng Mga Hukom, ang pangalang Luz ay hindi na ginamit.​—Tingnan ang BETHEL Blg. 1.

Ang salitang Hebreo (na luz) na katumbas ng pangalan ng bayan ay ginamit din sa Genesis 30:37 at tumutukoy sa mga baston na mula sa punong almendras na ginamit ni Jacob.

2. Pangalan ng isang lunsod sa “lupain ng mga Hiteo.” Itinayo ito ng isang lalaki na mula sa Bethel (Luz). Nakipagtulungan ang lalaking ito sa mga mandirigmang Israelita na mula sa sambahayan ni Jose upang pabagsakin ang Bethel. Tulad ni Rahab at ng pamilya nito, ang nabanggit na lalaki at ang kaniyang pamilya ay pinayaon nang walang pinsala. Ngunit, di-tulad ni Rahab, at marahil ay indikasyon ito na ang kaniyang pagtulong ay hindi salig sa tunay na pagkatakot at pagpapahalaga kay Jehova na Diyos ng Israel, hindi nakisama sa Israel ang lalaking ito. Mas ginusto niyang pumunta sa lupain ng mga Hiteo at magtayo roon ng kaniyang lunsod, na pinanganlan niyang Luz, tiyak na bilang pag-alaala sa kaniyang sariling bayan. Hindi siya pinarangalan ng Bibliya sa pamamagitan ng pagbanggit sa kaniyang pangalan gaya ng ginawa nito kay Rahab. (Huk 1:23-26) Itinuturing ng ilan na malamang na ang pangalan ng lunsod sa paanuman ay makikita sa mga guho ng el-Louaize, na mga 20 km (12 mi) sa STS ng Sidon.