Maaca
Ang pangalan ng ilang tao at ng isang kaharian.
[1-9: posibleng mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “pisain”]
1. Isang anak na isinilang kay Nahor, kapatid ni Abraham, ng kaniyang babaing si Reuma. Ang bata ay maliwanag na isang lalaki, yamang hinalaw ng isang kaharian at ng mga tumatahan dito ang kanilang pangalan mula sa taong ito.—Gen 22:23, 24; 2Sa 10:6, 8.
2. Asawa ng Manasitang si Makir.—1Cr 7:14-16.
3. Isa sa mga babae ni Caleb (ang anak ni Hezron) na nagsilang ng ilan sa mga anak nito.—1Cr 2:18, 48, 49.
4. Ang asawa ni Jeiel “ang ama ni Gibeon.”—1Cr 8:29; 9:35.
5. Isa sa mga asawa ni David at ang anak ni Talmai na hari ng Gesur. Siya ang ina ni Absalom.—2Sa 3:2, 3; 1Cr 3:1, 2.
6. Ama o ninuno ni Hanan, isang makapangyarihang lalaki mula sa mga hukbong militar ni David.—1Cr 11:26, 43.
7. Ama o ninuno ni Sepatias, isang prinsipe ng Israel na inatasang lider ng mga Simeonita sa pag-oorganisa ni David ng paglilingkod sa hari.—1Cr 27:1, 16, 22.
8. Ama ni Akis, hari ng Gat, na sa kaniya tumakas ang mga alipin ni Simei noong maagang bahagi ng paghahari ni Solomon. (1Ha 2:39) Maaaring ang Maaca na ito rin ang Maoc ng 1 Samuel 27:2.—Tingnan ang MAOC.
9. Apo ni Absalom, ang pinakamamahal na asawa ng Judeanong si Haring Rehoboam at ang ina ni Haring Abias (Abiam). (2Cr 11:20-22; 1Ha 15:1, 2, 9, 10) Itinuring siya na “ginang” sa kaharian, palibhasa’y inang reyna, hanggang noong alisin siya ng kaniyang apong si Haring Asa, nang isauli nito ang tunay na pagsamba, “sapagkat gumawa siya ng isang kakila-kilabot na idolo sa sagradong poste,” o Asera. (1Ha 15:9-13; 2Cr 15:16) Tinatawag siyang Micaias sa 2 Cronica 13:2.
10. Isang maliit na kahariang umiral sa H Palestina noong panahon ng pagsalakay ng Israel, tinawag ding Maacat. Maliwanag na sasakupin sana ng teritoryo ng tribo ni Manases ang lugar na ito, ngunit ipinakikita ng ulat na hindi itinaboy ng mga Israelita ang mga tumatahan sa lupain, kung kaya ‘patuloy silang nanahanan sa gitna ng Israel.’ (Deu 3:14; Jos 13:13) Yamang karaniwang iniuugnay sa karatig na kaharian ng Gesur, lumilitaw na ang Maaca ay nasa dakong H ng kahariang iyon at naging kahangga ng rehiyon ng Basan. (Jos 12:5) Kadalasang itinuturing na sinaklaw nito ang lugar na mula sa mga timugang dalisdis ng Bundok Hermon pababa sa Lunas ng Hula at mula sa Ilog Jordan pasilangan sa gilid ng Disyerto ng Sirya, o, pangunahin nang sa hilagaang bahagi ng kasalukuyang distrito ng Golan.
Ang Maaca ay isang kahariang Arameano (Siryano), anupat ang mga tao nito marahil ay nagmula sa anak ni Nahor na may gayunding pangalan. (Gen 22:24; 1Cr 19:6) Nang makipagdigma ang mga Ammonita laban kay Haring David, binayaran nila ang paglilingkod ng hari ng Maaca, kabilang na ang iba. Ang maliit na bilang ng mga hukbo na inilaan ng Maaca, kung ihahambing doon sa mga ibang kaalyado, ay maaaring nagpapahiwatig ng kaliitan ng kahariang Maacateo. (2Sa 10:6-8) Ang tagumpay ni Joab laban sa mga Ammonita at sa kanilang mga kaalyadong Siryano ay nasundan ng isa pang tagumpay laban sa mga Siryano sa pamamagitan ni Haring David. (2Sa 10:13-19) Mula sa mas huling mga ulat, malamang na ang kaharian ng Maaca nang bandang huli ay napasailalim sa pamumuno ng kaharian ng Damasco.