Maala
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “manghina; magkasakit”].
1. Isa sa mga anak na babae ni Zelopehad na mula sa tribo ni Manases. Hiniling ni Maala at ng kaniyang mga kapatid na babae ang mana ng kanilang ama, yamang wala itong mga anak na lalaki kundi limang anak na babae lamang. Sumangguni si Moises kay Jehova, na nagpasiya na ang mana ay dapat mapunta sa mga anak na babae ni Zelopehad. (Bil 26:28-33; 27:1-11) Pagkatapos nito, iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises na si Maala at ang iba pang mga anak na babae ni Zelopehad ay dapat mag-asawa sa loob lamang ng tribo ni Manases, upang ang mana ay hindi mapasalin sa ibang tribo. Kaya naman si Maala at ang kaniyang mga kapatid na babae ay “naging mga asawa ng mga anak ng mga kapatid na lalaki ng kanilang ama.” (Bil 36:1-6, 10-12) Ang hudisyal na pasiyang iyon ay naging isang saligan may kinalaman sa mana. (Bil 36:7-9) Nang maglaon ay pumaroon sila sa harap ni Eleazar na saserdote at ni Josue, binanggit nila ang utos ni Jehova, at binigyan sila ng “mana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama.”—Jos 17:3, 4.
2. Isang inapo ni Manases na ang ina ay si Hamoleket. Hindi sinasabi kung ito ay anak na lalaki o anak na babae.—1Cr 7:17, 18.