Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mabangong Kahoy

Mabangong Kahoy

Kabilang sa mararangyang bagay na dinala ng mga negosyante sa makasagisag na “Babilonyang Dakila” ay mga kagamitang yari sa “mabangong kahoy,” o sa “thyine wood.” (Apo 17:5; 18:11, 12, tlb sa Rbi8) Ang gayong kahoy, malamang na mula sa H Aprika, ay minamahalaga ng sinaunang mga Romano para sa paggawa ng napakamamahaling mga muwebles. Ang pinakamamahaling kahoy ay yaong mula sa ibabang bahagi ng katawan nito, ito ay dahil sa pagkakasari-sari ng hilatsa at malalapad na seksiyon ang makukuha rito. Ang kahoy ay mabango, matigas, at napakikintab nang husto; at dahil sa alun-alon o paikid na mga guhit sa hilatsa, may ilang mesa na tinawag na “mga mesang tigre” o “mga mesang pantera.” Sa mga Griego, ang mahalimuyak na kahoy na ito ay ginamit sa pagsamba sa templo, at ang pangalan nito ay hinalaw sa terminong Griego para sa paghahandog ng mga handog na sinusunog.

Ang punungkahoy na pinagmumulan ng mabangong kahoy na ito ay kinikilala bilang ang punong sandarac (Tetraclinis articulata), isang punong coniferous (may tulad-karayom na mga dahon at namumunga ng mga kono) na katutubo sa H Aprika at mula sa pamilya ng mga sipres, anupat tumataas nang 4.5 hanggang 7.5 m (15 hanggang 25 piye). Ang kahoy nito ay kulay matingkad na kayumangging mamula-mula at pino ang hilatsa.