Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Macpela

Macpela

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “doble,” posibleng ipinahihiwatig nito na ang yungib ay may dobleng pasukan o dalawang pinakalooban].

Ang pangalang ito ay ginamit upang tukuyin ang isang parang at isang yungib sa kapaligiran ng Hebron. Binili iyon ni Abraham kay Epron na Hiteo sa halagang 400 siklong pilak (mga $880). Ang yungib ay nagsilbing dakong libingan ng asawa ni Abraham na si Sara at ng limang iba pa: sina Abraham, Isaac, Rebeka, Jacob, at Lea.—Gen 23:14-19; 25:9; 49:30, 31; 50:13.

Ang yungib na libingan ay karaniwang iniuugnay sa Meʽarat HaMakhpela, na nasa makabagong Hebron, sa ilalim ng isang moskeng Muslim na nasa loob ng isang bakuran na tinatawag na Haram el-Khalil.

Sa Genesis 23:17 ang terminong Hebreo na tumutukoy sa lokasyon ng yungib ng Macpela may kaugnayan sa Mamre ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “silangan ng” (RS), “sa harap” (AS), “malapit” (BE), “katapat” (JB), at “nasa tapat ng Mamre” (NW). Kung tama ang kinikilalang lokasyon ng Mamre (er-Ramat el-Khalil), ang salin na “silangan ng Mamre” ay hindi magiging angkop, yamang ang lugar na ito ay mga 3 km (2 mi) sa H ng makabagong Hebron. Ang pariralang “Mamre, na siyang Hebron” (Gen 23:19), ay maaaring nangangahulugan na ang Mamre ay nasa distrito ng Hebron.