Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magpapalayok

Magpapalayok

Ang manggagawa ng luwad na mga palayok, pinggan, at iba pang mga sisidlan. Ang salitang Hebreo para sa magpapalayok (yoh·tserʹ) ay literal na nangangahulugang “tagapag-anyo” o “isa na bumubuo” (Jer 18:4, tlb sa Rbi8), samantalang ang terminong Griego (ke·ra·meusʹ) ay nagmula sa isang salitang-ugat na nangangahulugang “haluin,” anupat marahil ay tumutukoy sa pangangailangang haluan ng tubig ang putik o luwad upang maihanda ito para gamitin. Mula pa noong sinaunang mga panahon, hinuhubog na ng mga magpapalayok ang luwad upang gawing mga sisidlan at niluluto nila ang mga ito sa hurnuhan, sa gayo’y nakalilikha sila ng matitigas na kagamitang hindi lumalambot kahit mabasâ. Maaaring mag-isang gumawa ang magpapalayok, ngunit kung minsan ay mayroon siyang mga katulong, kalimita’y mga aprentis. Sa mga Hebreo, waring may panahon noon na nagkaroon ng isang grupo ng mga magpapalayok na naglilingkod sa hari.​—1Cr 4:21-23.

Ganito ang panimulang mga hakbang sa karaniwang paraan ng paggawa ng mga kagamitang luwad: hinuhugasan muna ang luwad at inaalisan ito ng dumi, inilalagay ito sa isang hantad na dako, at niyuyurakan ng paa ang mamasa-masang luwad upang lumagkit ito at maging madaling hubugin. (Isa 41:25) Pagkatapos, ang luwad ay nilalamas ng kamay at inilalagay sa ibabaw ng gulong ng magpapalayok.

Ang sinaunang gulong ng magpapalayok ay karaniwan nang gawa sa bato (bagaman kung minsan ay kahoy) at pangunahin na, ito’y lapad at bilog anupat may patayong ehe sa gitna at pinaiikot nang pahiga. Dahil mabigat ang gilid nito, matatag at tuluy-tuloy na umiikot ang gulong habang pinaiikot ito ng kamay. Nang maglaon, noong idagdag ang isang mas malaki at mas mabigat na gulong na pang-ibaba (sa mismong tagdan ng gulong na pang-ibabaw at umiikot din nang pahiga), naging posibleng paikutin ng nakaupong magpapalayok ang mga gulong sa pamamagitan ng kaniyang paa.

Matapos “ihagis” o ilagay sa ibabaw ng gulong ang walang-hugis na luwad, ginagamit ng magpapalayok ang kaniyang mga kamay sa paghubog ng isang sisidlan habang umiikot ang gulong. (Jer 18:3, 4) Pagkatapos, ang sisidlan ay maaaring ibilad sumandali at muling ilagay sa ibabaw ng gulong, kung saan maaari itong gamitan ng magpapalayok ng maliliit na bato, mga kabibi o iba pang kasangkapan upang pakinisin at pakintabin ito at lagyan ng disenyo sa ibabaw. Nagkakaiba-iba ang mga pamamaraan, ngunit maaari niya itong lagyan, halimbawa, ng disenyo ng lubid, sa pamamagitan ng paglalapat dito ng pinilipit na panali habang mamasa-masa pa ito. Kadalasan, ang mga sisidlan ay pinipintahan ng dekorasyon. Ang iba naman ay nilalagyan ng pampakintab (Kaw 26:23) at pagkatapos ay niluluto sa isang kalapit na hurnuhan ng mga kagamitang luwad. O kaya naman, maaari itong lagyan ng may-kulay na “slip” (ang tawag sa luwad ng magpapalayok na alanganing likido o solido) bilang dekorasyon, at pagkatapos ay muling iluluto sa hurnuhan ang kagamitang iyon.

Ang magpapalayok ay gumagawa ng iba’t ibang kagamitan, mula sa malalaking banga (Pan 4:2) hanggang sa mga lampara, mga pugon, at mga laruang gaya ng mga manika at mga pigura ng mga hayop. Kabilang din sa kaniyang mga produkto ang mga mangkok, kopa, prasko, at iba pang mga sisidlan. (Lev 15:12; 2Sa 17:28; Jer 19:1; Luc 22:10) Nakalilikha rin siya ng mga palayok at ilang ihawan. Kung minsan, ang mga kagamitang luwad ay tinatatakan upang ipakita kung saang lugar ginawa ang mga ito. Kalimitan, itinatatak ng magpapalayok ang kaniyang sariling “trademark” sa hawakan ng isang palayok.

Kung minsan, gumagamit ang magpapalayok ng bukás na molde kung saan inilalapat ang luwad upang mahulma rito ang mga detalye niyaon. Nang maglaon, ito na ang paraan na kadalasang ginagamit sa paggawa ng mga lampara, anupat pinagdurugtong ang dalawang bahagi kapag ang luwad ay halos kasintigas na ng katad. Paminsan-minsan, may mga bagay na hinuhubog sa pamamagitan lamang ng mga kamay at hindi na ginagamitan ng gulong. Ngunit kadalasan, gumagamit ng gulong ang magpapalayok.

Madalas makatuklas ng basag na mga piraso ng mga kagamitang luwad sa mga lugar na pinaghuhukayan ng mga arkeologo, at kung minsan ay pagkarami-rami ng mga ito. (Tingnan ang PALAYOK, BASAG NA.) Ang sari-saring uri ng kagamitang luwad na natatagpuan ay itinuturing ng mga arkeologo bilang mga pantulong sa pagkilala sa iba’t ibang kultura at gayundin sa pagtaya ng yugto ng paninirahan batay sa iba’t ibang suson ng lupa sa mga lugar na iyon. Sinisikap din nilang tayahin ang dami ng populasyon ng isang partikular na lugar noong sinaunang mga panahon batay sa dami ng mga bibinga na natutuklasan doon.

Sa makasagisag na paraan, ang awtoridad ng magpapalayok sa luwad ay ginagamit upang ipakita ang kataas-taasang kapangyarihan ni Jehova sa mga indibiduwal at sa mga bansa. (Isa 29:15, 16; 64:8) Sa paningin ng Diyos, ang sambahayan ng Israel ay “gaya ng luwad sa kamay ng magpapalayok,” anupat Siya ang Dakilang Magpapalayok. (Jer 18:1-10) Ang tao ay wala sa posisyong lumaban sa Diyos, kung paanong hindi maaaring hamunin ng luwad ang isa na humuhubog dito. (Isa 45:9) Kung paanong ang isang sisidlang luwad ay maaaring basagin at pagdurug-durugin, sa katulad na paraan, kayang magpasapit ni Jehova ng mapangwasak na kapahamakan sa isang bayan bilang kaparusahan sa paggawa nila ng masama.​—Jer 19:1-11.

Hinggil sa paggamit ng Mesiyanikong Hari ng bigay-Diyos na awtoridad laban sa mga bansa, ganito ang inihula: “Babaliin mo sila sa pamamagitan ng isang setrong bakal, dudurugin mo silang gaya ng sisidlan ng magpapalayok.”​—Aw 2:9; ihambing ang Dan 2:44; Apo 2:26, 27; 12:5.

Mula sa iisang limpak ng luwad, ang magpapalayok ay makagagawa ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ng isa naman para sa walang-dangal, pangkaraniwan, o ordinaryong gamit. Sa katulad na paraan, si Jehova ay may awtoridad na humubog ng mga indibiduwal ayon sa kaniyang kinalulugdan at nagparaya siya sa mga balakyot, “mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa,” ngunit ito’y naging sa kapakinabangan ng “mga sisidlan ng awa,” mga taong bumubuo sa espirituwal na Israel.​—Ro 9:14-26.