Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malaking Punungkahoy

Malaking Punungkahoy

[sa Heb., ʼe·lahʹ; ʼe·lohnʹ], Dambuhalang Punungkahoy [sa Heb., ʼal·lahʹ, ʼal·lohnʹ].

Ang mga salitang Hebreo na ito ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “ensina,” “elm,” at “teil tree” sa King James Version, gayundin bilang “terebinth” sa American Standard Version. Gayunman, kinikilala ng maraming awtoridad na noong panahon ng Bibliya, maaaring ang mga salitang ito ay basta ikinapit sa malalaking punungkahoy sa pangkalahatan.

Sa Amos 2:9, ang taas ng mga taong Amorita ay itinulad sa sedro at ang kanilang lakas ay itinulad naman sa “mga dambuhalang punungkahoy.” Ang “mga dambuhalang punungkahoy” na ito ay lalo nang sagana sa Basan, sa S ng Jordan, at ginagamit sa mga paghahambing kasama ng mga sedro ng Lebanon. (Isa 2:13; Zac 11:1, 2) Ang mga gaod ay yari sa kahoy ng mga ito. (Eze 27:6) Si Debora ay inilibing sa ilalim ng gayong punungkahoy sa Bethel, anupat naging dahilan upang panganlan iyon ng Alon-bacut, na nangangahulugang “Dambuhalang Punungkahoy ng Pagtangis.” (Gen 35:8) Dahil sa lokasyon ng gayong mga punungkahoy sa mga burol at sa matataas na dako, ang mga ito ay naging popular na mga dakong malilim kung saan nagsagawa ng idolatrosong mga gawain ang mga huwad na mananamba.​—Os 4:13.

Walang alinlangang kabilang sa mga dambuhalang punungkahoy ang ensina. Palibhasa’y kilalá sa kanilang tatag at tibay, ang mga punong ensina ay nabubuhay nang napakatagal. May ilang uri ng ensina na tumutubo pa rin sa Basan at gayundin sa matatayog na bahagi ng Hauran, Gilead, Galilea, at Lebanon. Ang ilan sa mga ito ay evergreen, samantalang ang iba naman ay deciduous (samakatuwid nga, nalalagas ang mga dahon nila tuwing taglagas). Ang kanilang bunga, ang acorn, ay waring nakasuksok sa isang kopa at ito ay mayaman sa tannin. Pinaniniwalaan na ang kulay para sa sinulid na “iskarlatang kokus” na ginamit sa santuwaryo (Exo 25:4; 26:1) ay kinuha mula sa isang scale insect na nagdudulot ng sakit sa mga sanga ng isang uri ng ensina.​—Tingnan ang TINA, PAGTITINA.

Ang isang puno na itinuturing na malamang na kabilang sa “malalaking punungkahoy” ng Bibliya ay ang terebinth, o punong agwaras (Pistacia palaestinaPistacia atlantica). (Gen 12:6; 14:13) Isa itong karaniwang punungkahoy sa Palestina at may katawang mataba at sangang mahahaba. May ilang uri na maaaring umabot sa taas na 15 m (50 piye), anupat nakapaglalaan ng napakahusay na lilim. Sa pamamagitan ng mga paghiwa sa talob nito, makakakuha ng mabangong resina na ginagawang agwaras.