Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malta

Malta

Isang pulo sa Mediteraneo na mga 100 km (60 mi) sa T ng Sicilia at may lawak na mga 246 na km kuwadrado (95 mi kuwadrado). Sa Malta nawasak ang barkong sinasakyan ng apostol na si Pablo, at nanatili siya roon nang tatlong buwan. Noong panahong iyon ay pinagaling niya ang ama ni Publio at ang iba pa na may mga sakit.​—Gaw 28:1, 7-9, 11.

Noon, iniugnay ng ilan ang salitang Griego na isinaling “Malta” (Me·liʹte) sa Mljet (o, sa Italyanong Meleda) na malapit sa K baybayin ng Balkan Peninsula, sapagkat noong sinauna, ang pulong ito ay tinatawag na Melita. Ngunit itinuturo ng tradisyon at ng katibayan sa Kasulatan ang Malta bilang lugar kung saan nawasak ang barkong sinasakyan ni Pablo. Ang katawagang “dagat ng Adria,” na sinasabing kinaroroonan ng barko nang papalapit na ito sa Malta, nang maglaon ay sumaklaw sa katubigan ng Mediteraneo sa S ng Sicilia at sa K ng Creta, kaya naman masasabing kahangga ng Malta ang dagat na ito.​—Gaw 27:27.

Pagkawasak ng Barkong Sinasakyan ni Pablo. Ilang panahon pagkaraan ng Araw ng Pagbabayad-Sala (Setyembre o Oktubre), ang barkong sinasakyan ni Pablo bilang isang bilanggo ay lumisan sa Cretenseng daungan na tinatawag na Magagandang Daungan at pinanaigan ng isang maunos na hangin (ang Euroaquilo), lumilitaw na mula sa SHS. Itinaboy nito ang barko palayo sa baybayin ng Creta patungong Cauda, at ikinatakot ng mga marinero na masadsad sila sa “Sirte,” ang mga kumunoy sa kahabaan ng mga baybayin ng hilagang Aprika. (Gaw 27:8, 9, 13-17) Hindi maaaring ipadpad ng SHS hangin ang sasakyang-dagat patungong Mljet, na mga 1,000 km (600 mi) sa HHK ng Cauda. Maliwanag na pagkatapos itong anurin nang mga dalawang linggo, ang barko ay naipadpad malapit sa Malta, mga 870 km (540 mi) sa KHK ng Cauda.​—Gaw 27:33; tingnan ang EUROAQUILO.

Ang tinatawag ngayon na St. Paul’s Bay, na nasa HS panig ng Malta, ay maaaring marating sa pamamagitan ng isang KHK landas nang hindi na dumadaong sa ibang bahagi ng pulo ng Malta. Marahil nang marinig ng kanilang sinanay na mga pandinig ang mga daluyong na humahampas sa mabatong Koura Head, na nakausli sa Mediteraneo mula sa silanganing panig ng St. Paul’s Bay, inakala ng mga magdaragat na papalapit na sila sa katihan. Ang mga lalim na “dalawampung dipa” at “labinlimang dipa” (ang isang dipa ay katumbas ng 1.8 m; 6 na piye) na sinukat nila ay halos katumbas ng mga pag-arok na ginawa noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo sa lugar ng St. Paul’s Bay.​—Gaw 27:27, 28.

Posibleng dahil mas pamilyar sila sa isa pa sa mga daungan ng Malta, kahit araw na ay hindi nakilala ng mga marinero na ang lupaing iyon ay ang Malta na. Ang pinakamalaki at pinakakilalang daungan ng pulo ay nasa Valletta, 13 km (8 mi) sa TS ng St. Paul’s Bay.​—Gaw 27:39.

May dalawang ilug-ilugan sa kahabaan ng kanluraning panig ng St. Paul’s Bay. Malamang na sa isa sa mga ito ay umaasa ang mga magdaragat na ‘maisasadsad nila ang barko’ ngunit hindi sila nagtagumpay, anupat ang sanhi ng kabiguang ito (ayon sa literal na tekstong Griego) ay dahil ‘napunta sila sa isang lugar ng dalawang dagat.’ Maaaring nangangahulugan ito na ang barko ay napadako sa “isang lugar na pinagsasalubungan ng dalawang dagat” (AS) o sa “isang dakong mababaw na hinahampas ng dagat sa bawat panig.” (NW) O, ang sasakyang-dagat ay naipit sa pagitan ng nagsasalubungang mga agos at sumadsad. (Ihambing ang JB, NE.) Ang unahan ng barko ay di-makilos sapagkat nabaon ito, marahil ay sa burak at putik na nasa lalim na tatlong dipa sa ilang bahagi ng St. Paul’s Bay, samantalang ang popa naman ay nagkawasak-wasak dahil sa alon.​—Gaw 27:39-41.

Ang karanasan ni Pablo sa Malta. Nang pagkakataong iyon ay ipinasiya ng mga kawal na patayin si Pablo at ang iba pang mga bilanggo. Marahil ito ay dahil sa mahigpit na disiplina sa militar ng Roma kung saan pinananagot ang mga bantay kapag nakatakas ang mga bilanggong nasa ilalim ng kanilang kontrol. (Ihambing ang Gaw 12:19; 16:27.) Palibhasa’y pinigilan ng opisyal ng hukbo (senturyon) ang mga kawal dahil kay Pablo, ang lahat niyaong nakasakay, na may bilang na 276, ay nakaligtas sa pagkawasak ng barko, alinman sa pamamagitan ng paglangoy patungo sa baybayin o pagpapaanod patungo sa lupa gamit ang mga tabla at iba pang lumulutang na mga bagay mula sa nawasak na sasakyang-dagat.​—Gaw 27:37, 42-44.

Ang mga tumatahan sa Malta na di-nakapagsasalita ng Griego ay nagpakita ng pambihirang makataong kabaitan sa mga nakaligtas, anupat nagpaningas pa ng apoy ang mga ito para sa kanila upang makapagpainit sila. Nang maglagay ang apostol na si Pablo ng isang bungkos na kahoy sa apoy na ito, isang makamandag na ulupong ang lumabas at kumapit sa kaniyang kamay. Palibhasa’y namangha na hindi namintog o namatay si Pablo, sinimulan siyang malasin ng mga tao ng Malta bilang isang diyos.​—Gaw 28:1-6.

Sa ngayon ay wala nang mga ulupong na katutubo sa Malta. Malaki na ang ipinagbago nito mula noong unang siglo C.E. Bagaman ang Malta sa ngayon ay isa sa mga bansa sa daigdig na may pinakamakapal na populasyon, anupat may mga 1,280 katao sa bawat km kuwadrado (3,330 sa bawat mi kuwadrado), maaaring may malalawak na kakahuyan doon noong panahon ni Pablo. Maaaring nagkaroon ng kapansin-pansing epekto sa mga tirahan ng mga hayop-gubat ang pagdami ng populasyon. Dahil dito ay maaaring agad na naglaho ang lahat ng mga ulupong, gaya ng nangyari sa Arran, isang pulo na malapit sa TK baybayin ng Scotland. Gayunman, noon lamang 1853, isang ulupong ang iniulat na nakita malapit sa St. Paul’s Bay.