Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mamamana

Mamamana

[sa Ingles, archer].

Isang tao na gumagamit ng busog at palaso. Pagkaraan ng Baha, sa pamamagitan ng busog at palaso, naging posible sa tao na pumatay (para sa pagkain, pananamit, at tirahan) ng mga hayop na napakabibilis at napakamapanganib hulihin. Nang maging makapangyarihan si Nimrod, malamang na kabilang ang mga mamamana sa mga kinalap niya upang maglingkod sa kaniya.

Noong ika-20 siglo B.C.E., ang panganay na anak ni Abraham na si Ismael ay “naging isang mamamana” upang mapaglaanan ang kaniyang sarili sa ilang. (Gen 21:20) Si Esau na apo ni Abraham ay bihasa rin sa paggamit ng busog. (Gen 27:3) Pinatototohanan ng mga bantayog na noong sinaunang panahon, mga mamamanang mandirigma ang pangunahing ginagamit ng mga Ehipsiyo sa pag-atake, at makikita rin sa mga eskultura na may mga mamamanang Babilonyo. Noong mga araw ni Josue (Jos 24:12) at ni David (1Cr 12:1, 2), at pagkatapos nito, naging mahalagang bahagi ng hukbo ng Israel ang mga mamamana. (2Cr 14:8; 26:14) Mga mamamanang Filisteo, Siryano, at Ehipsiyo ang pumana sa mga haring sina Saul, Ahab, at Josias.​—1Sa 31:1-3; 1Ha 22:34, 35; 2Cr 35:20, 23.

Inilalarawan ng mga relyebe sa Nineve ang mga Asiryanong mamamana na nakasakay sa mga karo at may dalang dalawang busog, isang mahaba at isang maikli. Kapag nagpapahilagpos sila ng isang palaso, hawak nila sa kanilang kamay ang ilan pang palaso, sa gayon ay nakapapana sila nang mabilis at sunud-sunod. Sa pag-atake ng mga Asiryano, waring pinauulanan muna nila ng palaso ang mga kaaway, at pagkatapos ay tinutugis nila ang mga iyon gamit ang tabak at sibat.

Sinasabing ang mga Persiano ang pinakamahuhusay na mamamana sa buong daigdig. Ipinakikita ng mga relyebe mula sa Persepolis at Susa ang mga kawal na Mediano at Persiano na may sakbat na mga busog at mga talanga. Mula sa edad na 5 hanggang 20, ang mga batang lalaking Persiano ay tinuturuan ng pamamana at pagsakay sa kabayo; ang kanilang mga mangangabayo ay bihasang pumana kahit patalikod. Kailangang makakilos nang mabilis at walang sagabal ang mga mamamana; iyan ang kailangan sa estratehiya ng mga Persiano sa pag-atake sa kalaban sa pamamagitan ng pagpapaulan sa kanila ng mga palaso.

Hindi gaanong naging prominente ang busog at palaso sa pakikipagdigma ng Kanluraning mga imperyo ng Gresya at Roma, di-tulad sa mga bansang Silanganin, bagaman sa ilang pagkakataon ay malaking bahagi ang ginampanan ng mga mamamana sa kanilang mga tagumpay. Maaaring ito’y dahil hinahawakan ng mga Griego ang busog nang malapit sa katawan kapag isinisipat ang palaso, isang istilong hindi gaanong epektibo, sa halip na hawakan ang busog nang malapit sa pisngi o mata gaya ng ginagawa ng mga Ehipsiyo at mga Persiano. Waring mga mersenaryong Cretense at taga-Asia ang pinanggalingan ng dalubhasang mga mamamana, samantalang ang mga Griego at mga Romano naman ay umasa sa tabak at sibat.​—Tingnan ang ARMAS, BALUTI.

Makasagisag na Paggamit. Sinabi ni Jacob tungkol sa kaniyang anak na si Jose: “Patuloy siyang nililigalig ng mga mamamana [sa literal, mga may-ari ng mga palaso] at pinana siya.” (Gen 49:23) Dito’y maliwanag na inihuhula niya ang masamang pakikitungo kay Jose ng kaniyang mga kapatid. Sinabi naman ni Job nang sa pakiwari niya’y napopoot ang Diyos sa kaniya: “Pinalilibutan ako ng kaniyang mga mamamana.” (Job 16:13) Ang salitang Hebreo na rav, na isinalin dito bilang “mamamana,” ay nagmula sa ra·vavʹ, nangangahulugang “panain.” (Gen 49:23) Lumilitaw rin ang salitang Hebreo na rav sa Kawikaan 26:10, na nagsasabi: “Gaya ng mamamana na umuulos ng lahat ng bagay ay gayon ang umuupa sa hangal o ang umuupa sa mga nagdaraan.” Itinatawag-pansin ng kawikaang ito ang pinsalang maaaring idulot ng isang may mabigat na posisyon kapag isang taong di-kuwalipikado ang ginamit niya para sa isang partikular na atas.

[Larawan sa pahina 269]

Mamamana na kabilang sa bantay ng hari ng Persia