Mamre
[posible, Binusog].
1. Isang pinunong Amorita. Siya at ang kaniyang mga kapatid na sina Aner at Escol ay sumuporta kay Abraham upang talunin si Haring Kedorlaomer at ang mga kaalyado nito. Maliwanag na ginawa nila ito dahil sila’y mga kakampi o kaalyansa ni Abraham.—Gen 14:13, 24.
2. Isang lugar na karaniwang iniuugnay sa er-Ramat el-Khalil, na mga 3 km (2 mi) sa H ng Hebron. Gayunman, kasuwato ng Genesis 23:17, ipinapalagay ng ilan na ito’y nasa gawing K. (Tingnan ang MACPELA.) Dito nanirahan si Abraham sa loob ng mahabang panahon, at pansamantala ring nanirahan dito si Isaac. Nang dakong huli, sila at ang kani-kanilang mga asawa gayundin sina Jacob at Lea ay inilibing sa kalapit nitong yungib ng Macpela. (Gen 13:18; 35:27; 49:29-33; 50:13) Sagana sa tubig at maraming bukal ang lugar na ito. Noong panahon ni Abraham ay may isang dako ng malalaking punungkahoy sa Mamre, at dito’y nagtayo siya ng isang altar para kay Jehova. (Gen 13:18) Sa ilalim ng isa sa mga punungkahoy na iyon ay inasikaso niya ang mga anghel bago ang pagkapuksa ng Sodoma at Gomorra. (Gen 18:1-8) Dito rin siya pinangakuan ni Jehova ng isang anak na lalaki kay Sara. (Gen 18:9-19) Malapit sa Mamre ay matatanaw ni Abraham ang buong kapaligiran pababa hanggang Sodoma at doon niya nakita ang makapal na usok na pumapailanlang bilang resulta ng maapoy na pagkapuksa ng lugar na iyon.—Gen 19:27-29.
Mula pa noong panahon ni Josephus hanggang sa makabagong panahon, ang malalaking punungkahoy (na karaniwa’y mga ensina) sa lugar na iniuugnay ngayon sa Mamre ay patuloy na pinag-uukulan ng pansin. Sa nakalipas na mga siglo ay may mga dambanang itinayo roon, kadalasa’y may kaugnayan sa isang sinaunang punungkahoy na ipinapalagay na sa ilalim niyaon nakipag-usap si Abraham sa mga anghel. Nagtayo si Herodes na Dakila ng batong pader sa palibot ng tradisyonal na lugar na iyon. Noong ikaapat na siglo C.E., pagkatapos dumalaw sa lugar na iyon ang kaniyang biyenang babae, si Emperador Constantino ay nagpatayo roon ng isang basilika. Pinakundanganan din ng mga manlulupig na Muslim ang lugar na iyon.