Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manases

Manases

[Isa na Nagpapangyaring Maging Malilimutin; Isa na Nagpapalimot].

1. Panganay na anak ni Jose at isang apo ni Jacob. Pagkatapos na si Jose ay maging administrador ng pagkain sa Ehipto, ibinigay sa kaniya ni Paraon si Asenat, na anak ni Potipera na saserdote ng On, bilang asawa, at ipinanganak nito kay Jose ang dalawang lalaki, sina Manases at Efraim. Ang ipinangalan ni Jose sa kaniyang panganay ay Manases, sapagkat, ang sabi niya: “Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking kabagabagan at ang buong sambahayan ng aking ama.”​—Gen 41:45, 50-52.

Nang pagpalain ni Jacob sina Manases at Efraim, nagpumilit siyang ipatong ang kaniyang kanang kamay kay Efraim at ang kaniyang kaliwa kay Manases, sa gayon ay inilagay ang nakababatang si Efraim na una kay Manases. (Gen 48:13-20) Ayon sa ipinahihiwatig nito, magiging mas dakila si Efraim kaysa kay Manases.

Si Manases ay nagkaroon ng mga anak sa kaniyang Siryanong babae (1Cr 7:14), at tumagal pa ang buhay ni Jose anupat nakita niya ang mga anak ng anak ni Manases na si Makir.​—Gen 50:22, 23.

2. Ang tribo ng Israel na nagmula sa anak ni Jose na si Manases at binubuo ng pitong pantribong pamilya. Mga isang taon pagkaalis ng mga Israelita sa Ehipto, ang matitipunong lalaki ng Manases mula 20 taóng gulang pataas ay may bilang na 32,200. (Bil 1:34, 35) Tiyak na kabilang dito si Gaddi, isa sa sampung lalaki na nagbalik ng masamang ulat pagkatapos na maniktik sa Lupang Pangako. (Bil 13:1, 2, 11, 25-33) Noong panahong kunin ang ikalawang sensus pagkalipas ng halos apat na dekada, ang mga rehistradong lalaki ng tribo ay dumami at naging 52,700, anupat mas marami nang 20,200 kaysa sa Efraim. (Bil 26:28-34, 37) Kaya maliwanag na ang nakabababang papel ng Manases sa hinaharap ang tinukoy nang magsalita si Moises hinggil sa “sampu-sampung libo ni Efraim” ngunit “libu-libo ni Manases.”​—Deu 33:17.

Sa ilang, ang tribo ni Manases, sa ilalim ng pangunguna ng pinuno nito na si Gamaliel na anak ni Pedazur, ay nagkampo sa K ng tabernakulo, kasama ng tribo nina Efraim at Benjamin. Ang tatlong-tribong pangkat na ito ang ikatlo sa pagkakasunud-sunod ng paghayo.​—Bil 1:10, 16; 2:18-24; 7:54; 10:23.

Pananakop sa Magkabilang Panig ng Ilog Jordan. Nang matalo ng mga Israelita ang mga Amoritang hari na sina Sihon at Og, ang lupaing nasakop nila ay ipinagkaloob ni Moises sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahati ng tribo ni Manases sa kundisyon na makikibahagi ang mga tribong ito sa pananakop sa teritoryo sa K ng Jordan. (Bil 32:20-33; 34:14, 15; Deu 29:7, 8) Lumilitaw na ang hilagaang seksiyon ng lupain sa S ng Jordan ay pangunahin nang nakuha dahil sa pagsisikap ng mga Manasita, anupat ang ilang bahagi nito ay nasakop nina Jair, Noba, at ng “mga anak ni Makir.” Dahil dito ay iniatas ni Moises sa kanila ang rehiyong ito.​—Bil 32:39-42; Deu 3:13-15; 1Cr 2:21, 22.

Nang maglaon, ang mga lalaki mula sa “kalahati ng tribo ni Manases” na tumanggap na ng kanilang mana ay tumawid ng Jordan at nakibahagi sa pagbihag sa lupain sa dakong kanluran. (Jos 1:12-18; 4:12) Kasama rin sila sa mga nagkatipon sa harap ng Bundok Gerizim noong “binasa [ni Josue] nang malakas ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa.” (Deu 27:12; Jos 8:33, 34) Sa ilalim ng pangunguna ni Josue, iginupo ng mga Israelita ang kapangyarihan ng mga Canaanita, anupat tinalo ang 31 hari sa loob ng mga anim na taon. (Jos 12:7-24) Pagkatapos nito, bagaman may natitira pang teritoryo na hindi pa nakukubkob, hinati-hati ni Josue, sa tulong ng mataas na saserdoteng si Eleazar at ng mga inatasan-ng-Diyos na kinatawan mula sa sampung tribo (kasama ang Manasitang si Haniel na anak ni Epod), ang lupain sa mga bahaging mana.​—Bil 34:17, 23; Jos 13:1-7.

Lupaing Mana. Sabihin pa, tinanggap na ng kalahati ng tribo ni Manases ang mana nito sa S ng Jordan. Kasama rito ang Basan at ang isang bahagi ng Gilead. (Jos 13:29-31) Nasa dakong T ang Gad, anupat ang kahanggang lunsod ay ang Mahanaim. (Jos 13:24-26, 30) Ang kalakhan ng rehiyong ito ay isang mataas na talampas, na may katamtamang taas na mga 610 m (2,000 piye). Ito ang kinaroroonan ng Golan, isa sa anim na kanlungang lunsod, at ng Beestera (Astarot), isa pang lunsod ng mga Levita.​—Jos 20:8, 9; 21:27; 1Cr 6:71.

Ang nalalabing kalahati ng mga Manasita ay tumanggap ng teritoryo sa K ng Jordan bilang kanilang mana. (Jos 17:2, 5) Ang hangganan nito sa T ay ang Efraim, sa HK ay ang Aser, sa HS ay ang Isacar, at sa K ay ang Dagat Mediteraneo. Mula sa Micmetat, ang hanggahan sa pagitan ng Efraim at Manases ay umaabot sa Tapua, nagpapatuloy sa kahabaan ng agusang libis ng Kana, at nagtatapos sa Mediteraneo. (Ihambing ang Jos 16:5-8; 17:7-10.) Samantalang ang mga Efraimita ay may ilang nakapaloob na lunsod sa Manases, ang mga Manasita naman ay inatasan ng mga nakapaloob na lunsod (Bet-sean, Ibleam, Dor, En-dor, Taanac, at Megido, pati ang mga sakop na bayan ng mga ito) kapuwa sa Isacar at Aser. (Jos 16:9; 17:11) Hindi napalayas ng mga Manasita ang mga Canaanita mula sa mga nakapaloob na lunsod na ito ngunit, nang maglaon, isinailalim nila ang mga ito sa puwersahang pagtatrabaho. (Jos 17:11-13; Huk 1:27, 28; ihambing ang 1Cr 7:29.) Ang dalawa sa mga nakapaloob na lunsod na ito, ang Taanac (Aner?) at ang Ibleam (Bileam o Gat-rimon?), ay iniatas sa mga Kohatitang Levita.​—Jos 21:25, 26; 1Cr 6:70.

Kasaysayan. Nang matapos ang pamamahagi ng lupain, pinagpala ni Josue ang mga lalaki ng Ruben, Gad, at ng “kalahati ng tribo ni Manases” sa silangan at pinatibay-loob sila na patuloy na maglingkod kay Jehova. (Jos 22:1-8) Nilisan nila ang Shilo, naglakbay patungong Jordan, at pagkatapos ay nagtayo ng isang altar malapit sa ilog na iyon. Muntik na itong humantong sa digmaang sibil, palibhasa’y itinuring ito ng ibang mga tribo bilang isang gawang kawalang-katapatan at paghihimagsik. Gayunman, mapayapang nalutas ang usapin nang maipaliwanag na ang altar ay itinayo, hindi para sa paghahain, kundi upang magsilbing pinakaalaala ng katapatan kay Jehova.​—Jos 22:9-31.

Noong mas dako pang huli, ang Manasitang si Hukom Gideon ang ginamit ni Jehova upang iligtas ang mga Israelita mula sa paniniil ng mga Midianita. (Huk 6:11-16, 33-35; 7:23; 8:22) Maliwanag na si Jepte ay isa pang hukom mula sa tribo ni Manases. Noong panahon ng kaniyang pagiging hukom ay napalaya ang Israel mula sa panliligalig ng mga Ammonita.​—Huk 11:1, 32, 33.

Noong panahong naghahari ang unang hari ng Israel, si Saul, ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang “kalahati ng tribo ni Manases” sa silangan ay nagtamo ng isang pangkatapusang tagumpay laban sa mga Hagrita at sa mga kaalyado ng mga ito. (1Cr 5:10, 18-22) Noong mga panahon ding iyon, ang ilang Manasita, kasama ang mga lalaking may namumukod-tanging kagitingan, ay kabilang sa mga tumakas mula kay Saul upang sumama kay David. (1Cr 12:19-21) Pagkamatay ni Saul at ng kaniyang kahaliling si Is-boset, 18,000 Manasita mula sa rehiyon sa K ng Jordan at libu-libo pa mula sa lugar na nasa S ng Jordan ang pumaroon sa Hebron upang gawing hari si David sa buong Israel (1070 B.C.E.).​—1Cr 12:31, 37, 38.

Pagkalipas ng maraming taon, ang malawakang mga reporma sa relihiyon na isinagawa ng Judeanong si Haring Asa ay nag-udyok sa maraming Manasita na humiwalay sa hilagang kaharian “nang makita nila na si Jehova na kaniyang Diyos ay sumasakaniya.” (2Cr 15:8, 9) Sa okasyon ng isang malaking kapulungan noong ika-15 taon ng paghahari ni Asa (963 B.C.E.), nakisama sila sa iba sa paggawa ng isang tipan upang hanapin si Jehova. (2Cr 15:10, 12) Gayundin, noong naghahari ang Judeanong si Haring Hezekias (745-717 B.C.E.), bagaman nilibak ng marami ang mga mensaherong isinugo niya upang ipaabot ang paanyaya na pumaroon sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa, ang ibang Manasita ay handang magpakumbaba at malugod na tumugon. Pagkatapos, ang mga ito na handang tumugon ay nakibahagi sa pagwasak sa mga kagamitan sa idolatriya.​—2Cr 30:1, 10, 11, 18; 31:1.

Mas maaga rito (mga 760 B.C.E.), dinala ni Tiglat-pileser (Tilgat-pilneser) III sa pagkatapon ang mga Manasita na nakatira sa S ng Jordan. (1Cr 5:23-26) Nang mga panahon ding ito, lumilitaw na may umiiral na mga pantribong alitan sa pagitan ng Efraim at ng Manases. Ngunit ang mga tribong ito ay kapuwa nagkaisa sa kanilang pagsalansang sa Juda.​—Isa 9:20, 21.

Halos isang siglo pagkatapos na magwakas ang sampung-tribong kaharian, pinalawak ng Judeanong si Haring Josias ang kaniyang pagwasak sa mga altar, mga patungan ng insenso, mga sagradong poste, at mga imahen, na pawang ginagamit sa huwad na pagsamba, hanggang sa mga wasak na dako ng Manases at sa iba pang mga lugar sa labas ng Juda (mula 648 B.C.E. at pagkatapos nito). Ipinakumpuni rin ng Judeanong haring ito ang templo, anupat ang gawain mismo ay tinustusan ng mga abuloy na tinanggap mula sa mga Israelita sa iba’t ibang tribo, kasama na ang Manases.​—2Cr 34:1-11.

Pagkabalik mula sa pagkatapon sa Babilonya (537 B.C.E.), ang ilang Manasita ay nanirahan sa Jerusalem.​—1Cr 9:1-3.

Sa pangitain ni Ezekiel, ang atas na lupain ng Manases ay nasa pagitan ng Neptali at Efraim. (Eze 48:4, 5) Ang Manases ay may kinatawan din bilang isa sa mga tribo ng espirituwal na Israel.​—Apo 7:6.

3. Isang pangalan na lumilitaw sa tekstong Masoretiko sa Hukom 18:30, dahil sa pagbabagong ginawa ng mga eskriba. Ang ulat ay may kinalaman sa pag-aapostata ng mga Danita, at sinasabi sa Bagong Sanlibutang Salin na “si Jonatan na anak ni Gersom, na anak ni Moises, siya at ang kaniyang mga anak ay naging mga saserdote sa tribo ng mga Danita.” (Tingnan din ang AT; Mo; Ro; RS.) Ang mga eskribang Judio ay nagsingit ng isang nakataas na titik (nun = n) sa pagitan ng unang dalawang titik sa orihinal na pangalang Hebreo upang kabasahan ng “ni Manases” sa halip na “ni Moises,” anupat ginawa ito dahil sa pagsasaalang-alang kay Moises. Sa gayon ay sinikap ng mga eskriba na pagtakpan ang kadustaan o kahihiyan na maaaring idulot sa pangalan ni Moises ng pagkilos ni Jonatan. Bukod pa sa binagong tekstong Masoretiko, “ni Manases” ang lumilitaw sa Vatican Manuscript No. 1209 ng Griegong Septuagint at sa Syriac na Peshitta. Gayunman, “ni Moises” ang matatagpuan sa Alexandrine Manuscript ng Griegong Septuagint at sa Latin na Vulgate sa Hukom 18:30.

4. Hari ng Juda na anak at kahalili ni Haring Hezekias. (2Ha 20:21; 2Cr 32:33) Ang ina ni Manases ay si Hepziba. Siya’y 12 taóng gulang nang lumuklok siya sa trono bilang ang ika-14 na hari ng Juda mula kay David at namahala nang 55 taon (716-662 B.C.E.) sa Jerusalem. (2Ha 21:1) Ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova, anupat itinayong muli ang matataas na dako na winasak ng kaniyang ama, nagtayo ng mga altar para kay Baal, sumamba sa “buong hukbo ng langit,” at nagtayo ng mga altar ng huwad na relihiyon sa dalawang looban ng templo. Pinaraan niya sa apoy ang kaniyang mga anak, nagsagawa ng mahika, gumamit ng panghuhula, at nagtaguyod ng mga espiritistikong gawain. Inilagay rin ni Manases sa bahay ni Jehova ang nililok na imahen ng sagradong poste na ginawa niya. Iniligaw niya ang Juda at Jerusalem “upang gawin ang masama nang higit pa kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.” (2Ha 21:2-9; 2Cr 33:2-9) Bagaman nagsugo si Jehova ng mga propeta, hindi pinakinggan ang mga ito. Nagkasala rin si Manases ng pagbububo ng pagkarami-raming dugong walang-sala (2Ha 21:10-16), na ayon sa panitikan ng mga Judiong rabbi ay kasama yaong kay Isaias, na sinasabi nila na nilagari sa utos ni Manases.​—Ihambing ang Heb 11:37.

Pinarusahan si Manases dahil sa hindi pagbibigay-pansin sa mensahe ni Jehova, anupat dinala siyang bihag ng hari ng Asirya sa Babilonya, isa sa mga maharlikang lunsod ng Asiryanong monarka. (2Cr 33:10, 11) Si ‘Manases ng Juda’ ay binabanggit sa talaan ng Asiryanong si Haring Esar-hadon ng 22 nagbabayad-tributong “mga hari ng Hatti, ng baybay-dagat at ng mga pulo.” Lumilitaw rin ang pangalan ni Manases sa isang talaan ng mga hari na nagbibigay ng tributo kay Ashurbanipal.​—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 291, 294.

Samantalang nasa pagkabihag, si Manases ay nagsisi, nagpakumbaba, at nanalangin kay Jehova. Dininig ng Diyos ang kaniyang paghiling ng lingap at isinauli siya sa paghahari sa Jerusalem. (2Cr 33:12, 13) Pagkatapos ay “nagtayo [si Manases] ng pader sa dakong labas para sa Lunsod ni David,” naglagay ng mga pinuno ng militar sa mga nakukutaang lunsod ng Juda, at inalis ang mga banyagang diyos at ang imaheng idolo mula sa bahay ni Jehova, gayundin ang mga altar na itinayo niya “sa bundok ng bahay ni Jehova at sa Jerusalem.” Inihanda ni Manases ang altar ni Jehova at nagsimula siyang maghain sa ibabaw nito, anupat pinatitibay-loob din ang iba na maglingkod kay Jehova. Gayunman, ang bayan ay naghahain pa rin sa matataas na dako, bagaman para kay Jehova. (2Cr 33:14-17) Nang mamatay si Manases, hinalinhan siya sa paghahari ng kaniyang anak na si Amon.​—2Cr 33:20.

5. Isang Israelita “sa mga anak ni Pahat-moab” na kabilang sa mga tumanggap ng mga asawang banyaga at nagpaalis sa mga ito ‘pati na sa mga anak’ noong mga araw ni Ezra.​—Ezr 10:30, 44.

6. Isa pang Israelita, “sa mga anak ni Hasum,” kabilang sa mga nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga dahil sa masigasig na paninindigan ni Ezra para sa dalisay na pagsamba.​—Ezr 10:33, 44.