Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manggagapas, Paggapas

Manggagapas, Paggapas

Noong sinaunang panahon, inaani ang mga butil sa pamamagitan ng pagputol sa mga butil gamit ang isang karit (Deu 16:9; Mar 4:29), o kung minsan, sa pamamagitan ng pagbunot dito mula sa lupa. Sa huling nabanggit na pamamaraan, buong tangkay ang inaani sa pamamagitan ng pagbunot sa mga ugat nito mula sa lupa, yamang mahalaga ito sa mga tuyong lupain kung saan kakaunti ang dayami at hindi gaanong tumataas ang mga halamang butil.

Ang sinaunang karit ay gawa sa kahoy o buto ng hayop na sinuksukan ng mga piraso ng batong-pingkian na nagsilbing talim nito. Nang maglaon, ginamit naman ang mas pamilyar na nakakurbang metal na talim. Hinahawakan ng manggagapas ang mga tangkay sa isang kamay at pinuputol ang mga ito gamit ang kabilang kamay.

Inutusan ang mga Israelita na huwag gapasin ang mga gilid ng kanilang mga bukid. Sa halip, dapat silang mag-iwan ng kaunting halamang butil na nakatayo “para sa napipighati at sa naninirahang dayuhan.” (Lev 19:9, 10) Matapos gapasin ang mga butil, tinitipon ito, itinatali sa mga tungkos, at isinasalansan sa mga bunton, marahil ay sa giikan.​—Gen 37:6, 7; Ru 3:6, 7.

Makasagisag na Paggamit. Sa Kasulatan, ang mga salitang “gumapas” at “mag-ani” ay madalas gamitin sa makasagisag na paraan upang lumarawan sa resulta ng mga gawa ng isa, maging mabuti man o masama. Ang simulain ng Diyos ay nagsasabi: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Ipinakita ni Pablo na, samantalang ang isa na naghahasik may kinalaman sa laman ay nag-aani ng kasiraan mula roon, “siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu,” at tiniyak niya sa mga Kristiyanong taga-Galacia na mag-aani sila kung hindi sila manghihimagod. (Gal 6:7-9; Kaw 22:8; Os 8:1, 7) Noong pinasisigla niya ang mga taga-Corinto na magpakita ng Kristiyanong pagkabukas-palad sa nagdarahop na mga kapananampalataya sa Judea, sinabi ng apostol sa kanila: “Siya na naghahasik nang kaunti ay mag-aani rin nang kaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.”​—2Co 9:5-7.

Isinugo ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad upang ‘gumapas,’ anupat nagpapahiwatig na ang mga tutugon ay titipunin nila bilang kaniyang mga alagad. (Ju 4:35-38) Ayon sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa makasagisag na “trigo” at “mga panirang-damo,” sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang anghelikong mga manggagapas upang ‘tipunin mula sa kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na sanhi ng ikatitisod at yaong mga gumagawa ng katampalasanan.’ Ang “mga panirang-damo” na ito (“ang mga anak ng isa na balakyot”) ay ihahagis sa isang makasagisag na maapoy na hurno, samantalang “ang trigo” (“ang mga anak ng kaharian”) ay pananatilihing buháy at sila ay “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”​—Mat 13:24-30, 36-43.

Ipinakikita ng pangitain ni Juan sa Apocalipsis na ang niluwalhati at iniluklok na si Jesu-Kristo ang nangangasiwa sa gawaing pag-aani at pagbubukud-bukod na ito. Sa pangitaing iyon, inilalarawan si Kristo bilang isa na “tulad ng isang anak ng tao, na may ginintuang korona sa kaniyang ulo at isang matalas na karit sa kaniyang kamay.” Bilang tugon sa sigaw ng anghel, “Gamitin mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras upang gumapas, sapagkat ang aanihin sa lupa ay lubusang hinog na,” nakita ni Juan na ‘isinulong ni Kristo ang kaniyang karit sa lupa, at ang lupa ay nagapasan.’ Namasdan din ng apostol na pagkatapos nito, ang “punong ubas ng lupa” ay tinipon at inihagis sa “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.”​—Apo 14:14-20; ihambing ang Apo 19:11-16.

Tingnan din ang PAG-AANI.