Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manna

Manna

Ang pangunahing pagkain ng mga Israelita noong panahon ng kanilang 40-taóng paglalakbay sa ilang. (Exo 16:35) Unang naglaan si Jehova ng manna sa Ilang ng Sin noong huling kalahatian ng ikalawang buwan mula nang lumabas sa Ehipto ang Israel noong 1513 B.C.E. (Exo 16:1-4) Nagsilbi itong pagkain para sa kanila hanggang sa makapasok sila sa Canaan noong 1473 B.C.E. at makakain sila ng bunga ng Lupang Pangako.​—Jos 5:10-12.

Noon, lumilitaw ang manna sa lupa kapag sumingaw na ang latag ng hamog na namumuo sa kinaumagahan, anupat “sa ibabaw ng ilang ay may pinong bagay na malaniyebe, pinong tulad ng nagyelong hamog sa ibabaw ng lupa.” Nang una itong makita ng mga Israelita, sinabi nila, “Ano ito?” o, sa literal, “man huʼ?” (Exo 16:13-15; Bil 11:9) Dito malamang na nagmula ang pangalan, anupat nang maglaon ay tinawag mismo ng mga Israelita ang pagkaing ito bilang “manna.”​—Exo 16:31.

Paglalarawan. Ang manna ay “maputi na tulad ng buto ng kulantro” at ang “hitsura” ay tulad ng sahing ng bedelio, isang malinaw na substansiya na parang pagkit anupat ang anyo ay nahahawig sa perlas. Ang lasa nito ay maihahambing sa “tinapay na lapad na may pulot-pukyutan” o “nilangisang tinapay na matamis.” Pagkatapos itong gilingin sa gilingang pangkamay o dikdikin sa almires, ang manna ay pinakukuluan o niluluto at ginagawang tinapay.​—Exo 16:23, 31; Bil 11:7, 8.

Walang natural na substansiyang kilala ngayon ang lubusang tumutugma sa paglalarawan ng Bibliya sa manna, kaya naman walang gaanong saligan para iugnay ito sa isang kilalang produkto. Lalo pa nga’t may makahimalang mga aspektong nasasangkot sa paglalaan ni Jehova ng manna sa mga Israelita. Ang paglitaw ng manna ay hindi nakadepende sa panahon ng taon o sa partikular na lokasyon sa ilang. Bagaman nagkakaroon ng mga uod at nagsisimulang bumaho ang manna sa lahat ng ibang mga araw kapag inimbak nang magdamag, ang karagdagang omer ng manna na tinipon sa ikaanim na araw, na magsisilbing pagkain sa panahon ng Sabbath, ay hindi nasisira. Walang masusumpungang manna sa panahon ng Sabbath, anupat naipatutupad nito sa mga Israelita ang pangingilin ng Sabbath.​—Exo 16:19-30.

Ang ulo ng pamilya ang siyang nagtitipon o nangangasiwa sa pagtitipon ng manna para sa buong sambahayan. Yamang natutunaw ang manna kapag uminit na ang araw, tiyak na mabilis niyang tinitipon ang tinatayang suplay na kailangan ng sambahayan at pagkatapos ay tinatakal iyon. Kaunti man o marami ang natipon, depende sa laki ng sambahayan, ang dami ng nakolekta ay laging nagiging isang omer (2.2 L; 2 tuyong qt) para sa bawat tao. (Exo 16:16-18) Tinukoy ito ng apostol na si Pablo nang pasiglahin niya ang mga Kristiyano sa Corinto na gamitin ang kanilang labis na materyal na tinatangkilik upang punan ang kakulangan sa materyal ng kanilang mga kapatid.​—2Co 8:13-15.

Layunin. Pinabayaan ni Jehova na magutom ang mga Israelita sa ilang at saka niya sila pinaglaanan ng manna upang ituro sa kanila na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” Ginawa ito ni Jehova ‘sa layuning pagpakumbabain sila at ilagay sila sa pagsubok upang mapabuti sila sa kanilang wakas.’ (Deu 8:3, 16) Nang magsawa ang mga Israelita sa manna at pasimulan nila itong tawaging “kasuklam-suklam na tinapay,” pinarusahan sila ni Jehova sa kanilang paghihimagsik sa pamamagitan ng pagsusugo sa gitna nila ng makamandag na mga serpiyente, na naging sanhi ng kamatayan ng marami.​—Bil 21:5, 6.

Tinukoy ng salmista ang manna bilang “ang butil ng langit” (Aw 78:24), “tinapay mula sa langit” (Aw 105:40), at “ang mismong tinapay ng mga makapangyarihan” (Aw 78:25). Yamang inilalarawan ang mga anghel bilang “makapangyarihan sa kalakasan” (Aw 103:20), kung gayon ay maaari silang tawaging “mga makapangyarihan.” Gayunman, hindi ito nangangahulugan na aktuwal na kumakain ng manna ang mga anghel kundi, maaaring ginamit sila ng Diyos nang paglaanan niya ng manna ang mga Israelita. (Ihambing ang Gal 3:19.) O, yamang ang langit ay tahanang dako ng “mga makapangyarihan,” maaaring tinutukoy lamang ng pananalitang “tinapay ng mga makapangyarihan” na ito’y nagmula sa langit.

Upang makita ng panghinaharap na mga salinlahi ang manna, inutusan si Aaron na mag-ingat sa harap ni Jehova ng isang banga na naglalaman ng isang omer (2.2 L; 2 tuyong qt) ng manna. Nang mayari na ang ginintuang kaban ng tipan, isang “ginintuang banga” na may manna ang inilagay sa loob ng sagradong kaban na ito. (Exo 16:32-34; Heb 9:4) Gayunman, pagkaraan ng mga limang siglo, nang ilipat ang Kaban mula sa toldang itinayo para rito ni David patungo sa templong itinayo naman ni Solomon, wala na ang ginintuang banga. (2Sa 6:17; 1Ha 8:9; 2Cr 5:10) Natupad na nito noon ang layunin nito.

Makasagisag na Paggamit. Bagaman ang manna ay paglalaan ng Diyos (Ne 9:20), hindi ito nagdulot ng walang-hanggang buhay sa mga Israelita. Idiniin ni Jesu-Kristo ang bagay na ito, at pagkatapos ay idinagdag niya: “Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman; at, ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Ju 6:30-33, 48-51, 58) Kumakain ang tapat na mga tagasunod ni Kristo ng makalangit na manna, o “tinapay ng buhay,” na ito. Ginagawa nila iyon sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa kapangyarihang tumubos ng inihaing laman at dugo ni Jesus. Sa paggawa niyaon, nabubuksan sa kanila ang pag-asang mabuhay magpakailanman, sa langit man kasama ni Kristo o sa Paraiso sa lupa.

Ginamit din ni Kristo sa makasagisag na paraan ang banga na may manna nang tiyakin niya sa kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod na yaong mga mananaig ay tatanggap ng “nakatagong manna,” isang di-nasisirang panustos na pagkain o ang bunga ng gayong panustos, anupat sa kaso nila, imortalidad at kawalang-kasiraan sa langit.​—Apo 2:17; 1Co 15:53.