Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mansanas

Mansanas

[sa Heb., tap·puʹach].

Maraming pala-palagay hinggil sa kung anong punungkahoy at bunga ang tinutukoy ng salitang Hebreo na tap·puʹach. Ang salitang ito mismo ay nagpapahiwatig ng isang bagay na natatangi dahil sa bangoamoy nito. Nagmula ito sa salitang-ugat na na·phachʹ, nangangahulugang “humihip; humingal; maghabol ng hininga.” (Gen 2:7; Job 31:39; Jer 15:9) May kinalaman dito, si M. C. Fisher ay sumulat: “Ang kaugnayan [sa na·phachʹ] ay waring malayo kung ibabatay sa semantika, ngunit ang mga ideya ng ‘paghinga’ at ‘paglalabas ng amoy sa hininga’ ay magkaugnay. Ang kaugnay na anyong puah ay kapuwa nangangahulugang ‘humihip’ (nauugnay sa hangin) at ‘maglabas ng kaayaayang amoy sa hininga, maging mabango.’⁠”​—Theological Wordbook of the Old Testament, inedit ni R. L. Harris, 1980, Tomo 2, p. 586.

May ilang prutas na iminumungkahi para sa tap·puʹach sa halip na mansanas, kasama na rito ang kahel, citron, quince, at apricot. Pangunahin nang tinututulan ang mansanas bilang katumbas ng tap·puʹach dahil mainit at tuyo ang klima ng kalakhang bahagi ng Palestina anupat hindi angkop sa pagtatanim ng mansanas. Gayunman, ang kaugnay na salitang Arabe na tuffah ay pangunahin nang nangangahulugang “mansanas,” at kapansin-pansin na ang Hebreong pangalan ng mga lugar ng Tapua at Bet-tapua (malamang na pinanganlan nang gayon dahil pangkaraniwan ang prutas na ito sa kapaligiran ng mga iyon) ay nasa anyong Arabe pa rin sa pamamagitan ng paggamit ng salitang iyon. (Jos 12:17; 15:34, 53; 16:8; 17:8) Ang mga lugar na ito ay hindi matatagpuan sa mabababang lupain kundi nasa maburol na lupain, kung saan karaniwan nang katamtaman ang klima. Karagdagan pa, posibleng nagkaroon ng mga pagbabago ng klima noon. Sa ngayon ay may mga puno ng mansanas na tumutubo sa Israel, na katugmang-katugma naman ng paglalarawan sa Bibliya. Si William Thomson, na gumugol ng maraming taon sa Sirya at Palestina noong ika-19 na siglo, ay nag-ulat pa nga na nakakita siya ng mga taniman ng mansanas sa lugar ng Askelon sa Kapatagan ng Filistia.​—The Land and the Book, nirebisa ni J. Grande, 1910, p. 545, 546.

Ang puno ng mansanas (Pyrus malus) ay pangunahin nang binabanggit sa Awit ni Solomon, kung saan ang mga kapahayagan ng pag-ibig ng pastol na kaibigan ng Shulamita ay inihalintulad sa kaayaayang lilim ng puno ng mansanas at sa tamis ng bunga nito. (Sol 2:3, 5) Inihambing ng hari ang hininga ng Shulamita sa bango ng mga mansanas. (Sol 7:8; tingnan din ang 8:5.) Sa Mga Kawikaan (25:11), ang pananalitang angkop at nasa tamang panahon ay inihahalintulad sa “mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak.” Ang tanging iba pang pagtukoy sa mansanas ay nasa Joel 1:12. Ang karaniwang paniniwala na mansanas ang bungang ipinagbawal sa Eden ay walang anumang saligan sa Kasulatan. Gayundin, ang pananalitang Ingles na “apple of the eye” na matatagpuan sa King James Version (Aw 17:8; Kaw 7:2; at iba pa) ay hindi pananalitang Hebreo, yamang ang literal na salin nito ay “balintataw ng mata [ng isa].”