Manugang na Babae
Ang asawa ng anak na lalaki. Ang mga salitang Hebreo (kal·lahʹ) at Griego (nymʹphe) na isinaling “manugang na babae” ay isinasalin din kung minsan bilang “kasintahang babae.”—Sol 4:8-12; Isa 61:10; Jer 7:34; Ju 3:29; Apo 18:23; 21:2, 9; 22:17.
Yamang ang ama ang kadalasang nagsasaayos ng pag-aasawa ng kaniyang anak na lalaki noong panahon ng mga patriyarka, sa kalakhang bahagi ay siya ang pumipili ng kaniyang magiging manugang na babae. (Gen 24) Ang babae ay tinatanggap sa sambahayan ng kaniyang biyenan, at kapag lumipat ang sambahayan, kasama rin siyang lumilipat. (Gen 11:31) Ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pakikipagtalik ng isang lalaki sa kaniyang manugang na babae anupat kamatayan ang parusa sa sinumang lalabag dito.—Lev 18:15; 20:12; Eze 22:11.
Lubhang nagkakaiba-iba ang saloobin at pakikitungo ng mga manugang na babae sa kanilang mga biyenan. Halimbawa, si Ruth ay naging isang napakamatapat na kasama ng kaniyang biyenang si Noemi, higit kaysa kay Orpa, anupat sinabi niya kay Noemi, “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamamatay ay mamamatay ako.” (Ru 1:6-17, 22; 4:14, 15) Ang mga Hiteong asawa naman ni Esau ay naging sanhi ng pighati ng kanilang mga biyenang sina Isaac at Rebeka. (Gen 26:34; 27:46) Inihula ni Kristo Jesus na dahil sa mensahe ng Kaharian ay magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga manugang na babae at mga biyenang babae.—Luc 12:53.