Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Marah

Marah

[Kapaitan].

Isa sa mga unang pinagkampuhan ng Israel sa Peninsula ng Sinai. Pinanganlan itong “Marah” dahil sa mapait na tubig na matatagpuan dito. (Exo 15:23; Bil 33:8) Bagaman katatapos pa lamang silang iligtas mula sa mga Ehipsiyo sa Dagat na Pula, ang mga Israelita ay nagbulung-bulungan dahil sa kawalan ng pananampalataya nang hindi nila mainom ang tubig sa Marah. Nang maglaon, ayon sa utos ni Jehova, si Moises ay naghagis ng punungkahoy sa tubig, at ang tubig ay tumamis. Hindi binabanggit ng Bibliya kung anong uri ng punungkahoy ito, kaya naman walang saligan para matukoy ito. Sabihin pa, maaaring itinuro ni Jehova si Moises sa isang punungkahoy na may natural na mga sangkap na nagpapatamis ng tubig. Gayunpaman, hindi na kailangan pang humanap ng makasiyentipiko o likas na paliwanag hinggil dito, yamang ang pagbuti ng tubig ay walang alinlangang makahimala.​—Exo 15:23-25; ihambing ang 2Ha 2:19-22; 4:38-41.

Ginamit ni Jehova ang mga kalagayan sa Marah upang subukin ang pananampalataya ng mga Israelita sa kakayahan niyang pangalagaan sila. Ang masamang tubig ay makapagdudulot ng sakit. (2Ha 2:19) Kaya naman, inilalarawan ng pagpapatamis sa tubig ang kakayahan ni Jehova na ingatan ang mga Israelita mula sa mga karamdamang naranasan ng mga Ehipsiyo. Ito ang “tuntunin” na itinuro ni Jehova sa mga Israelita: Kung susunod sila sa kaniya bilang kanilang Diyos, hindi sila dadapuan ng mga karamdamang inilagay niya sa mga Ehipsiyo.​—Exo 15:25, 26.

Karaniwang ipinapalagay na ang Marah ay ang ʽEin Hawwara na 80 km (50 mi) sa TTS ng makabagong Suez, mga ilang kilometro lamang papaloob mula sa Dagat na Pula.