Marcos
Ang Romanong huling pangalan ng anak ni Maria ng Jerusalem. Ang kaniyang pangalang Hebreo ay Juan, nangangahulugang “Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap; Si Jehova ay Nagmagandang-loob.” (Gaw 12:12, 25) Si Marcos ay pinsan ni Bernabe, naging kasama siya sa paglalakbay ni Bernabe at ng iba pang sinaunang mga misyonerong Kristiyano, at kinasihan siya upang isulat ang Ebanghelyo na nagtataglay ng kaniyang sariling pangalan. (Col 4:10) Si Marcos ang Juan Marcos na binanggit sa aklat ng Mga Gawa at ang Juan ng Gawa 13:5, 13.
Lumilitaw na siya ay isa sa mga unang mananampalataya kay Kristo. Ang tahanan ng kaniyang ina ay ginamit bilang isang dako ng pagsamba ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, na maaaring nangangahulugan na kapuwa siya at si Marcos ay naging mga tagasunod ni Jesus bago namatay si Gaw 12:12) Yamang si Marcos lamang ang bumabanggit ng bahagyang nadaramtang kabataang lalaki na tumakas noong gabi ng pagkakanulo kay Jesus, may dahilan upang maniwalang si Marcos mismo ang kabataang lalaking iyon. (Mar 14:51, 52) Kaya malamang na si Marcos ay naroroon nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga 120 alagad ni Kristo noong Pentecostes 33 C.E.—Gaw 1:13-15; 2:1-4.
Kristo. (Pagkatapos nilang maisakatuparan ang tulong bilang paglilingkod sa Jerusalem, sina Bernabe at Saul (Pablo) ay ‘bumalik at isinama nila si Juan, ang may huling pangalang Marcos.’ Lumilitaw na si Marcos ay nagsilbi bilang kanilang tagapaglingkod, marahil ay nag-aasikaso ng kanilang pisikal na mga pangangailangan habang naglalakbay sila. (Gaw 12:25; 13:5) Sa isang di-isiniwalat na dahilan, nang dumating sila sa Perga sa Pamfilia, “si Juan [Marcos] ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.” (Gaw 13:13) Nang maglaon, nang naghahanda si Pablo sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero, bagaman determinado si Bernabe na isama si Marcos, “hindi iniisip ni Pablo na wastong isama nila ang isang ito, yamang humiwalay ito sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.” “Isang matinding pagsiklab ng galit” ang sumunod, at sila ay naghiwalay; isinama ni Bernabe si Marcos patungong Ciprus at isinama naman ni Pablo si Silas patungong Sirya at Cilicia.—Gaw 15:36-41.
Gayunman, ilang panahon pagkatapos nito, anumang hidwaan ang namagitan kina Pablo, Bernabe, at Marcos ay maliwanag na naayos na, sapagkat si Marcos ay kasama ni Pablo sa Roma at nakiisa sa kaniya sa pagpapadala ng mga pagbati sa mga Kristiyanong taga-Colosas (mga 60-61 C.E.). Maganda ang pagkakatukoy sa kaniya ni Pablo, sa pagsasabing: “Si Aristarco na aking kapuwa bihag ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, at gayundin si Marcos na pinsan ni Bernabe, (na may kinalaman sa kaniya ay tumanggap kayo ng mga utos na tanggapin siya kung sakaling paririyan siya sa inyo).” (Col 4:10) Si Marcos ay kabilang din sa mga binanggit ni Pablo na nagpadala ng mga pagbati kay Filemon nang sulatan ito ng apostol mula sa Roma (mga 60-61 C.E. rin). (Flm 23, 24) Nang maglaon (mga 65 C.E.), noong si Pablo ay muling nabilanggo sa Roma, espesipikong hiniling niya kay Timoteo na “kunin mo si Marcos at isama mo siya, sapagkat kapaki-pakinabang siya sa akin sa paglilingkod.”—2Ti 4:11.
Si Juan Marcos ay nakasama rin ni Pedro sa Babilonya, sapagkat binanggit siya na nagpadala ng mga pagbati sa unang liham ng apostol (isinulat mga 62-64 C.E.). Tinawag siya ni Pedro na “Marcos na aking anak,” marahil ay nagpapahiwatig ng matibay na buklod ng Kristiyanong pagmamahal na umiral sa pagitan nila. (1Pe 5:13; ihambing ang 1Ju 2:1, 7.) Sa gayon, si Marcos, na minsang naging sanhi ng suliranin, ay nagtamo ng papuri at pagtitiwala ng mga prominenteng lingkod ng Diyos at nagtamasa ng mas malaking pribilehiyo ng pagiging kinasihan upang isulat ang isang ulat ng ministeryo ni Jesus.—Tingnan ang JUAN Blg. 4; MARCOS, MABUTING BALITA AYON KAY.