Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Marcos, Mabuting Balita Ayon kay

Marcos, Mabuting Balita Ayon kay

Ang kinasihan-ng-Diyos na rekord ng ministeryo ni Jesu-Kristo na isinulat ni Juan Marcos. Ang ulat na ito ng “mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo” ay nagsisimula sa gawain ng tagapagpauna ni Kristo, si Juan na Tagapagbautismo, at nagtatapos sa isang ulat ng mga pangyayaring nauugnay sa pagkabuhay-muli ni Jesus. Samakatuwid, sumasaklaw ito sa panahon mula sa tagsibol ng 29 hanggang sa tagsibol ng 33 C.E.​—Mar 1:1.

Ang Ebanghelyong ito, ang pinakamaikli sa apat, ay isang mabilis at deskriptibong rekord ng ministeryo ni Jesu-Kristo bilang ang mapaghimalang Anak ng Diyos. Malimit gamitin dito ang mga salitang “kaagad” o “karaka-raka.” (Mar 1:10, 12, 18, 21, 29) Halos pantay ang pagkakahati ng ulat sa pagitan ng pag-uusap at ng aksiyon.

Pinagkunan ng Impormasyon. Ipinakikita ng sinaunang tradisyon na si Pedro ang naglaan ng saligang impormasyon para sa Ebanghelyo ni Marcos, at kasuwato ito ng bagay na si Marcos ay kasama ni Pedro sa Babilonya. (1Pe 5:13) Ayon kay Origen, isinulat ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo “alinsunod sa mga tagubilin ni Pedro.” (The Ecclesiastical History, Eusebius, VI, XXV, 3-7) Sa kaniyang akdang “Against Marcion” (IV, V), sinabi ni Tertullian na ang Ebanghelyo ni Marcos ay “masasabing talagang kay Pedro, na ang interprete ay si Marcos.” (The Ante-Nicene Fathers, Tomo III, p. 350) Inilahad ni Eusebius ang pananalita ni “Juan na presbitero” gaya ng pagkakasipi ni Papias (mga 140 C.E.): “At ganito ang sinasabi noon ng Presbitero, ‘Si Marcos ay naging interprete ni Pedro at may-katumpakan niyang isinulat ang lahat ng natatandaan niya, hindi nga ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga bagay na sinabi o ginawa ng Panginoon. . . . Hindi naman mali ang ginawa ni Marcos sa pagsulat nang gayon sa isahang mga punto ayon sa natatandaan niya. Sapagkat may isang bagay na binigyan niya ng pansin, na huwag kaligtaan ang anumang narinig niya at huwag maglagay ng maling mga pananalita sa mga iyon.’⁠”​—The Ecclesiastical History, III, XXXIX, 12-16.

Maliwanag na si Juan Marcos ay may iba pang mga pinagkunan ng impormasyon. Yamang nagtitipon noon sa tahanan ng kaniyang ina ang unang mga alagad ni Jesus (Gaw 12:12), tiyak na may kakilala si Marcos na iba pang mga tao, bukod kay Pedro, na lubos na nakakakilala kay Jesu-Kristo, mga indibiduwal na nakakita sa pagsasagawa Niya ng Kaniyang gawain at nakarinig sa Kaniyang pangangaral at pagtuturo. Dahil malamang na siya ang “kabataang lalaki” na tinangkang dakpin ng mga umaresto kay Kristo ngunit “tumakas na hubad,” lumilitaw na si Marcos mismo sa paanuman ay nagkaroon ng personal na pakikipag-ugnayan kay Jesus.​—Mar 14:51, 52.

Maliwanag na Isinulat Para sa mga Di-Judio. Bagaman ang mabuting balita ayon kay Marcos ay magiging kawili-wili at kapaki-pakinabang para sa mga mambabasang Judio, lumilitaw na hindi ito espesipikong isinulat para sa kanila. Waring pangunahin itong isinulat para sa mga mambabasang di-Judio, lalo na sa mga taga-Roma. Ang pagiging maikli at tahasan nito ay itinuturing na partikular na angkop sa kaisipan ng mga mambabasang taga-Roma. Ang mga terminong Latin ay tinutumbasan kung minsan ng transliterasyon tungo sa Griego, gaya nang gamitin ang salitang Griego na prai·toʹri·on para sa terminong Latin na praetorium. (Mar 15:16, Int) Gayundin, ang salitang Griego na ken·ty·riʹon ay ginamit para sa salitang Latin na centurio, isang opisyal na namamahala sa isang daang kawal.​—Mar 15:39, Int.

Ang ulat ay naglalaman ng mga paliwanag na hindi na kakailanganin pa ng mga mambabasang Judio. Sinasabi nito na ang Jordan ay isang ilog at na makikita ang templo mula sa Bundok ng mga Olibo. (Mar 1:5; 13:3) Binabanggit nito na ang mga Pariseo ay nagsasagawa ng “pag-aayuno” at na ang mga Saduceo ay “nagsasabing walang pagkabuhay-muli.” (2:18; 12:18) Ipinaliliwanag din ng Ebanghelyong ito na ang hayop na Pampaskuwa ay inihahain sa “unang araw ng mga tinapay na walang pampaalsa” at na ang “Paghahanda” ay “ang araw bago ang sabbath.”​—14:12; 15:42.

Bagaman karaniwan nang hindi kailangang ipaliwanag ang mga terminong Semitiko para sa mga mambabasang Judio sa pangkalahatan, ang Ebanghelyo ni Marcos ay naglalaan ng maraming gayong paliwanag. Ibinigay ang kahulugan ng “Boanerges” (“Mga Anak ng Kulog”), “Talita kumi” (“Dalagita, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!”), “korban” (“isang kaloob na inialay sa Diyos”), at “Eli, Eli, lama sabaktani?” (“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”).​—Mar 3:17; 5:41; 7:11; 15:34.

Panahon at Lugar ng Pagsulat. Ayon sa sinaunang tradisyon, ang Ebanghelyo ni Marcos ay unang inilabas sa Roma, anupat pinatotohanan ito ng sinaunang mga manunulat gaya nina Clemente, Eusebius, at Jerome. Si Marcos ay nasa Roma noong panahon ng unang pagkakabilanggo roon ni Pablo. (Col 4:10; Flm 1, 23, 24) Nang maglaon, kasama siya ni Pedro sa Babilonya. (1Pe 5:13) Pagkatapos, noong panahon ng ikalawang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma, hiniling ni Pablo kay Timoteo na pumaroon sa kaniya sa lalong madaling panahon at isama si Marcos. (2Ti 4:11) Malamang na bumalik si Marcos sa Roma noong panahong iyon. Yamang hindi binabanggit ang pagkawasak ng Jerusalem bilang katuparan ng hula ni Jesus, lumilitaw na isinulat ni Marcos ang kaniyang ulat bago maganap ang pangyayaring iyon noong 70 C.E. Ang pagkanaroroon niya sa Roma nang minsan, posible na dalawang beses pa nga, noong mga taóng 60-65 C.E. ay nagpapahiwatig na maaaring doon natapos ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo noong mga taóng iyon.

Ilang Namumukod na Katangian ng Ulat ni Marcos. Bagaman sa kalakhan ay sumaklaw si Marcos ng materyal na kahawig niyaong kina Mateo at Lucas, naglaan din siya ng mga suplementaryong detalye. Binibigyang-liwanag ng ilan sa mga ito kung ano ang nadama ni Jesus tungkol sa ilang bagay. ‘Napighati siya dahil sa pagkamanhid ng mga puso’ ng mga taong tumutol sa pagpapagaling niya ng isang lalaki na may tuyot na kamay sa panahon ng Sabbath. (Mar 3:5) Nang hindi malugod na tanggapin si Jesus ng mga tao sa kaniyang sariling teritoryo, “siya ay nagtaka sa kanilang kawalan ng pananampalataya.” (6:6) At siya’y “nakadama ng pag-ibig” sa mayamang binata na nagtanong kung ano ang mga kahilingan upang matamo ang buhay na walang hanggan.​—10:21.

Ang isa pang natatangi sa ulat ni Marcos ay ang ilang detalye may kinalaman sa katapusan ng buhay ni Jesus sa lupa. Iniulat niya na noong litisin si Jesus, hindi nagkakasuwato ang mga bulaang saksi. (Mar 14:59) Ang lalaking nagdaraan na pinilit maglingkod upang bumuhat ng pahirapang tulos ni Jesus ay si Simon ng Cirene, “ang ama nina Alejandro at Rufo.” (15:21) At iniulat ni Marcos na tiniyak ni Pilato na patay na si Jesus bago niya pinahintulutan si Jose ng Arimatea na kunin ang katawan upang mailibing.​—15:43-45.

Ang isa sa apat na ilustrasyon ni Jesus na masusumpungan sa Ebanghelyo ni Marcos ay natatangi sa aklat na ito. (Mar 4:26-29) Bumabanggit ang ulat ng di-kukulangin sa 19 na himala na isinagawa ni Jesu-Kristo. Ang dalawa sa mga ito (ang pagpapagaling sa isang lalaking bingi na may kapansanan din sa pagsasalita at sa isang lalaking bulag) ay matatagpuan lamang sa Ebanghelyo ni Marcos.​—Mar 7:31-37; 8:22-26.

Mga Pagtukoy sa Hebreong Kasulatan. Bagaman waring pangunahin nang sumulat si Marcos para sa mga taga-Roma, ang rekord na ito ay naglalaman ng mga pagtukoy at mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. Ang gawain ni Juan na Tagapagbautismo ay ipinakikitang isang katuparan ng Isaias 40:3 at Malakias 3:1. (Mar 1:2-4) Masusumpungan din sa ulat ang ilang halimbawa na doo’y ikinapit, sinipi, o tinukoy ni Jesus ang Hebreong Kasulatan. Kabilang sa mga ito: Ang paglilingkod sa Diyos nang hanggang salita lamang (Mar 7:6, 7; Isa 29:13); ang pagpaparangal sa mga magulang (Mar 7:10; Exo 20:12; 21:17); ang paglalang sa lalaki at babae at ang pagtatatag ng pag-aasawa (Mar 10:6-9; Gen 1:27; 2:24); ang iba’t ibang utos (Mar 10:19; Exo 20:12-16; Lev 19:13); ang mga komento ni Jesus may kinalaman sa templo (Mar 11:17; Isa 56:7; Jer 7:11); ang pananalita niya tungkol sa pagtatakwil sa kaniya (Mar 12:10, 11; Aw 118:22, 23); ang mga salita ni Jehova kay Moises sa nagniningas na tinikang-palumpong (Mar 12:26; Exo 3:2, 6); ang dalawang dakilang utos tungkol sa pag-ibig (Mar 12:29-31; Deu 6:4, 5; Lev 19:18); ang makahulang mga salita ni Jehova sa Panginoon ni David tungkol sa pagsupil sa mga kalaban (Mar 12:36; Aw 110:1); ang pangangalat ng mga alagad ni Jesus (Mar 14:27; Zac 13:7); ang pananalita ni Jesus tungkol sa pagpapabaya sa kaniya ng Diyos (Mar 15:34; Aw 22:1); ang mga tagubilin niya sa isang ketongin na pinagaling (Mar 1:44; Lev 14:10, 11); at ang kaniyang makahulang pananalita may kinalaman sa kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang (Mar 13:14; Dan 9:27).

Malinaw na ipinakikita ng mga pagtukoy ng ulat ni Marcos mula sa Hebreong Kasulatan na si Jesu-Kristo ay nagtiwala rito at na ginamit niya ang Kasulatang ito sa kaniyang ministeryo. Ang Ebanghelyo ay naglalaan din ng saligan upang higit na makilala ang Anak ng tao, na “dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.”​—Mar 10:45.

Mahaba at Maikling Konklusyon. Inaakala ng ilan na ang Marcos 16:8, na nagtatapos sa mga salitang “at wala silang pinagsabihan ng anuman, sapagkat natatakot sila,” ay masyadong bitin upang maging orihinal na katapusan ng Ebanghelyong ito. Gayunman, hindi angkop ang palagay na iyan kung isasaalang-alang ang pangkalahatang istilo ni Marcos. Isa pa, sumasang-ayon ang mga iskolar na sina Jerome at Eusebius ng ikaapat na siglo na ang tunay na rekord ay nagwawakas sa mga salitang “sapagkat natatakot sila.”​—Jerome, liham 120, tanong 3, gaya ng inilathala sa Corpus Scriptorum Ecclesiasticorum Latinorum, Vienna at Leipzig, 1912, Tomo LV, p. 481; Eusebius, “Ad Marinum,” I, gaya ng inilathala sa Patrologia Græca, Paris, 1857, Tomo XXII, tud. 937.

Maraming manuskrito at bersiyon ang nagdaragdag ng isang mahaba o isang maikling konklusyon pagkatapos ng mga salitang ito. Ang mahabang konklusyon (binubuo ng 12 talata) ay masusumpungan sa Alexandrine Manuscript, Codex Ephraemi Syri rescriptus, at Codex Bezae Cantabrigiensis. Lumilitaw rin ito sa Latin na Vulgate, Curetonian Syriac, at Syriac na Peshitta. Ngunit wala ito sa Sinaitic Manuscript, Vatican Manuscript No. 1209, Sinaitic Syriac codex, at Armenian Version. Ang maikling konklusyon naman ang matatagpuan sa ilang mas huling manuskrito at bersiyon. Kapuwa mababasa sa Codex Regius ng ikawalong siglo C.E. ang dalawang konklusyon, anupat ibinibigay muna ang mas maikli. Naglalakip ito ng isang nota sa bawat konklusyon, na nagsasabing ang mga bahaging iyon ay ginagamit ng ilang grupo, bagaman maliwanag na hindi nito kinikilala ang alinman sa dalawa bilang mapananaligan.

Sa pagkokomento sa mahaba at maikling konklusyon ng Ebanghelyo ni Marcos, ang tagapagsalin ng Bibliya na si Edgar J. Goodspeed ay nagsabi: “Ang Maikling Konklusyon ay mas angkop na karugtong ng Marcos 16:8 kaysa sa Mahaba, ngunit ang alinman sa mga ito ay hindi maituturing na orihinal na bahagi ng Ebanghelyo ni Marcos.”​—The Goodspeed Parallel New Testament, 1944, p. 127.

[Kahon sa pahina 309]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MARCOS

Ang maikli at mabilis na ulat ni Marcos tungkol sa buhay ni Jesus, anupat ipinakikilala si Jesus bilang ang mapaghimalang Anak ng Diyos

Ito ang pinakamaikling Ebanghelyo, anupat ikatlong isinulat (mga 60-65 C.E.), maliwanag na para sa mga di-Judio

Nagsagawa si Jesus ng isang puspusang kampanya ng pangangaral ng Kaharian

Si Jesus ay binautismuhan at nagsimulang mangaral, “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na” (1:9-11, 14, 15)

Inanyayahan niya sina Simon, Andres, Santiago, at Juan na iwan ang hanapbuhay na pangingisda at maging kaniyang mga tagasunod (1:16-21)

Pagkatapos na mangaral sa sinagoga sa Capernaum, nangaral siya sa buong Galilea (1:21, 22, 35-39)

Si Levi, isang maniningil ng buwis, ay tumugon sa paanyaya na maging tagasunod ni Jesus (2:14-17)

Bumuo si Jesus ng isang pangkat ng 12 apostol na mangangaral (3:13-19)

Gumamit siya ng maraming ilustrasyon sa pagtuturo tungkol sa Kaharian ng Diyos upang yaon lamang mga karapat-dapat ang makakuha sa ganap na diwa ng sinasabi niya (4:1-34)

Napaharap si Jesus sa kawalan ng pananampalataya samantalang nagpapatotoo sa kaniyang sariling teritoryo (6:1-6)

Pinag-ibayo ni Jesus ang gawaing pangangaral sa pamamagitan ng pagsusugo sa kaniyang mga apostol (6:7-13)

Ang kaniyang gawain ay umabot sa Fenicia at sa Decapolis (7:24, 31)

Nagbagong-anyo si Jesus taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian (9:1-8)

Sa labas ng Jerusalem, inihula niya ‘ang pagdating ng Anak ng tao taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian’ (13:1-37)

Ang mapaghimalang Anak ng Diyos

Sa sinagoga sa Capernaum, pinalaya niya ang isang tao mula sa pag-ali ng demonyo; pagkatapos, pinagaling niya ang biyenang babae ni Simon gayundin ang maraming iba pa na may iba’t ibang karamdaman (1:23-34, 40-42)

Sa pamamagitan ng pagpapagaling sa isang paralitiko, ipinakita ni Jesus ang kapangyarihan niya na magpatawad ng mga kasalanan (2:1-12)

Ang mga maysakit na naghahanap ng lunas ay dumagsa mula sa lahat ng dako (3:1-12)

Matapos pahupain ang bagyo sa Dagat ng Galilea, pinalayas niya ang mga demonyo mula sa isang lalaki at pinahintulutan niya silang pumasok sa isang kawan ng mga baboy (4:35–5:17)

Pinagaling niya ang isang babaing inaagasan ng dugo at binuhay niyang muli ang anak na babae ni Jairo (5:21-43)

Pagkatapos magpakain ng 5,000 sa pamamagitan ng dalawang isda at limang tinapay, si Jesus ay lumakad sa ibabaw ng Dagat ng Galilea na noo’y hinahampas ng hangin (6:35-52)

Pinalayas niya ang demonyo mula sa anak na babae ng isang babaing Sirofenisa at pinagaling niya ang isang lalaking bingi na may kapansanan sa pagsasalita (7:24-37)

Nagpakain siya ng 4,000 sa pamamagitan ng pitong tinapay; sa Betsaida, pinanauli niya ang paningin ng isang lalaking bulag (8:1-9, 22-26)

Mula sa isang pipi at binging batang lalaki, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo na hindi mapaalis ng mga alagad; pinanauli niya ang paningin ng isang pulubing bulag sa Jerico (9:14-29; 10:46-52)

Isinumpa niya ang isang puno ng igos, na nang maglaon ay nalanta (11:12-14, 20)

Hindi nagtagumpay ang mga sumasalansang sa Anak ng Diyos

Pagkatapos ng mga pagsisikap ni Satanas na tuksuhin si Jesus sa ilang, si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel (1:12, 13)

Nang punahin si Jesus ng mga eskriba ng mga Pariseo dahil sa pagkain niyang kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, sila ay pinasinungalingan ni Jesus (2:15-17)

Nang maglaon, tumutol ang mga Pariseo sa pangingitil ng kaniyang mga alagad ng mga uhay ng butil sa panahon ng Sabbath at sa pagpapagaling ni Jesus sa panahon ng Sabbath; nakiisa sila sa mga Herodiano sa paghahangad na patayin siya (2:23–3:6)

Buong-husay na pinasinungalingan ni Jesus ang akusasyon na nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Satanas (3:20-30)

Pinugutan ng ulo ang tagapagpauna ni Jesus na si Juan na Tagapagbautismo, ngunit nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo (6:14-29, 34)

Nagreklamo ang mga Pariseo at mga eskriba na winawalang-halaga ng mga alagad niya ang kanilang tradisyon tungkol sa paghuhugas ng mga kamay; inilantad ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw at ipinaliwanag ang tunay na pinagmumulan ng karumihan (7:1-23)

Tinanong ng mga Pariseo si Jesus tungkol sa diborsiyo upang subukin siya, ngunit hindi sila nagtagumpay (10:1-12)

Kinuwestiyon ng mga punong saserdote, mga eskriba, at matatandang lalaki ang awtoridad ni Jesus pagkatapos niyang linisin ang templo, ngunit napatahimik niya sila (11:15-18, 27-33)

Inilahad niya ang talinghaga tungkol sa ubasan upang ilantad ang pagsalansang ng mga lider ng relihiyon sa kalooban ng Diyos at ang layunin nilang patayin si Jesus; hinangad nilang dakpin siya ngunit natatakot sila sa pulutong (12:1-12)

Tinanong ng mga Pariseo at mga Herodiano si Jesus kung tama bang magbayad ng mga buwis kay Cesar; nagharap ang mga Saduceo ng mahirap na tanong tungkol sa pagkabuhay-muli. Pawang nabigo ang mga ito na hulihin si Jesus (12:13-27)

Ipinagkanulo ni Hudas si Jesus; natisod ang mga alagad; inaresto si Jesus at hinatulan ng Sanedrin bilang nararapat sa kamatayan; gayunpaman, inihula niya na ‘uupo siya sa kanan ng kapangyarihan at darating na kasama ng mga ulap sa langit’ (14:1, 2, 10, 11, 17-21, 27-65)

Ginipit si Pilato upang hatulan si Jesus ng kamatayan; si Jesus ay namatay sa tulos at inilibing (15:1-47)

Ipinatalastas ng mga anghel ang pagkabuhay-muli ni Jesus (16:1-8)