Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maria

Maria

[mula sa Heb. na Miriam, posibleng nangangahulugang “Mapaghimagsik”].

May anim na Maria na binanggit sa Bibliya.

1. Si Maria na ina ni Jesus. Siya ang anak ni Heli, bagaman sa talaangkanan na ibinigay ni Lucas ay itinatala ang asawa ni Maria na si Jose bilang ang “anak ni Heli.” Sinasabi ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1881, Tomo III, p. 774): “Sa pagbuo sa mga talahanayan ng kanilang angkan, batid ng marami na tanging mga lalaki ang pinagbabatayan ng mga Judio, anupat inaalis, kapag ang dugo ng lolo ay naipasa sa apong lalaki sa pamamagitan ng isang anak na babae, ang pangalan ng anak na babae mismo, at ibinibilang ang asawa ng anak na babaing iyon na anak na lalaki ng lolo sa panig ng ina (Bil. xxvi, 33; xxvii, 4-7).” Tiyak na ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng istoryador na si Lucas na si Jose ang “anak ni Heli.”​—Luc 3:23.

Si Maria ay mula sa tribo ni Juda at isang inapo ni David. Kaya naman masasabi tungkol sa kaniyang anak na si Jesus na ito ay “nagmula sa binhi ni David ayon sa laman.” (Ro 1:3) Sa pamamagitan ng kaniyang ama-amahan na si Jose, isang inapo ni David, si Jesus ay may legal na karapatan sa trono ni David, at sa pamamagitan ng kaniyang ina, bilang “supling,” “binhi,” at “ugat” ni David, taglay niya ang likas na minanang karapatan sa “trono ni David na kaniyang ama.”​—Mat 1:1-16; Luc 1:32; Gaw 13:22, 23; 2Ti 2:8; Apo 5:5; 22:16.

Kung tama ang tradisyon, ang asawa ni Heli, ang ina ni Maria, ay si Ana, na ang kapatid na babae ay may anak na nagngangalang Elisabet, na ina ni Juan na Tagapagbautismo. Batay sa tradisyong ito ay pinsan ni Maria si Elisabet. Sinasabi mismo ng Kasulatan na si Maria ay kamag-anak ni Elisabet, na “mula sa mga anak na babae ni Aaron” ng tribo ni Levi. (Luc 1:5, 36) Inaakala ng ilan na ang kapatid ni Maria ay si Salome, na asawa ni Zebedeo, na ang dalawang anak, sina Santiago at Juan, ay kabilang sa mga apostol ni Jesus.​—Mat 27:55, 56; Mar 15:40; 16:1; Ju 19:25.

Dinalaw ng Anghel. Humigit-kumulang noong pasimula ng 2 B.C.E., ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa dalagang si Maria sa bayan ng Nazaret. “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo,” ang lubhang di-pangkaraniwang pagbati ng anghel. Nang sabihin nito sa kaniya na siya ay maglilihi at magsisilang ng isang anak na lalaki na tatawaging Jesus, si Maria, na noon ay katipan pa lamang ni Jose, ay nagtanong, “Paano ito mangyayari, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?” “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos,” ang paliwanag ng anghel. Bagaman ikinasabik ang mangyayari, gayunma’y taglay ang angkop na kahinhinan at kapakumbabaan, tumugon siya: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.”​—Luc 1:26-38.

Upang higit pang patibayin ang kaniyang pananampalataya sa napakahalagang karanasang ito, sinabi kay Maria na ang kaniyang kamag-anak na si Elisabet, bagaman nasa katandaan na nito, ay anim na buwan nang nagdadalang-tao, dahil inalis ng makahimalang kapangyarihan ni Jehova ang pagkabaog nito. Dinalaw ito ni Maria, at nang pumasok siya sa tahanan ni Elisabet, ang sanggol sa bahay-bata nito ay lumukso sa kagalakan, pagkatapos ay binati ni Elisabet si Maria, anupat sinabi: “Pinagpala ka sa gitna ng mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong bahay-bata!” (Luc 1:36, 37, 39-45) Sa gayon ay bumigkas si Maria ng kinasihang mga salita na dumadakila kay Jehova dahil sa kaniyang kabutihan.​—Luc 1:46-55.

Pagkatapos ng mga tatlong-buwang pagdalaw kay Elisabet sa mga burol ng Juda, bumalik si Maria sa Nazaret. (Luc 1:56) Nang malaman ni Jose (malamang ay dahil ipinagtapat ni Maria sa kaniya ang bagay na iyon) na nagdadalang-tao si Maria, binalak niya itong diborsiyuhin nang palihim sa halip na ilantad ito sa hayag na kahihiyan. (Ang mga magkatipan ay minamalas na kasal na, at ang diborsiyo ay kahilingan upang putulin ang tipanan.) Ngunit nagpakita ang anghel ni Jehova, anupat isiniwalat kay Jose na yaong pinangyaring ipaglihi ni Maria ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. Sa gayon ay sumunod si Jose sa tagubilin mula sa Diyos at kinuha si Maria bilang kaniyang asawa, “ngunit hindi siya nakipagtalik dito hanggang sa ito ay makapagsilang ng isang anak na lalaki; at tinawag niyang Jesus ang kaniyang pangalan.”​—Mat 1:18-25.

Nagsilang kay Jesus sa Betlehem. Habang patuloy na nagaganap ang dramang ito, ang batas ni Cesar Augusto, na pumipilit sa bawat isa na magparehistro sa bayan na kaniyang pinanggalingan, ay napatunayang may patnubay ng Diyos dahil sa panahon ng pagpapatupad nito, sapagkat kailangang matupad ang hula may kinalaman sa lugar na pagsisilangan kay Jesus. (Mik 5:2) Alinsunod dito, isinama ni Jose si Maria, na noon ay “kagampan,” sa isang mahirap na paglalakbay na mahigit 110 km (68 mi) mula sa kanilang tahanan sa Nazaret sa H patungo sa Betlehem sa T. Dahil walang dako sa silid-tuluyan para sa kanila, ang kapanganakan ng bata ay nangyari sa ilalim ng napakaabang mga kalagayan, anupat ang bagong-silang na sanggol ay inihiga sa isang sabsaban. Malamang na naganap ito noong mga Oktubre 1 ng taóng 2 B.C.E.​—Luc 2:1-7; tingnan ang MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 537; JESU-KRISTO.

Pagkarinig sa sinabi ng anghel na: “Ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David,” ang mga pastol ay nagmamadaling pumaroon sa Betlehem at nasumpungan doon ang tanda: ang sanggol ni Maria na “nakabalot ng mga telang pamigkis at nakahiga sa sabsaban.” Isinaysay nila sa maligayang pamilyang ito ang inawit ng malaking anghelikong koro: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” Sa gayon ay “pinasimulang ingatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na bumubuo ng mga palagay sa kaniyang puso.”​—Luc 2:8-20.

Noong ikawalong araw ay ipinatuli ni Maria ang kaniyang anak bilang pagsunod sa kautusan ni Jehova. Pagkaraan ng ika-40 araw ay dinala niya at ng kaniyang asawa ang bata sa templo sa Jerusalem upang gumawa ng itinakdang paghahandog. Hinihiling ng Kautusan ang paghahain ng isang batang barakong tupa at isang inakáy na kalapati o isang batu-bato. Kung hindi abot-kaya ng pamilya ang tupa, dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati ang ihahandog. Ipinakikita ng paghahandog ni Maria ng “isang pares ng batu-bato o dalawang inakáy na kalapati” na si Jose ay isang taong dukha. (Luc 2:21-24; Lev 12:1-4, 6, 8) Pagkakita sa bata, si Simeon, isang taong matuwid, ay pumuri kay Jehova dahil sa pagpapahintulot sa kaniya na makita ang Tagapagligtas bago siya mamatay sa kaniyang katandaan. Pagbaling kay Maria, sinabi niya: “Oo, isang mahabang tabak ang patatagusin sa iyo mismong kaluluwa,” na hindi nangangahulugang uulusin siya ng literal na tabak, kundi sa halip ay ipinahihiwatig nito ang kirot at pagdurusa na daranasin niya may kaugnayan sa inihulang kamatayan ng kaniyang anak sa isang pahirapang tulos.​—Luc 2:25-35.

Bumalik sa Nazaret. Pagkalipas ng ilang panahon, isang anghel ang nagbabala kay Jose tungkol sa isang pakana ni Herodes na Dakila na patayin ang bata, at tinagubilinan niya si Jose na tumakas na kasama si Jesus patungong Ehipto. (Mat 2:1-18) Pagkamatay ni Herodes, ang pamilya ay bumalik at namayan sa Nazaret, kung saan, noong sumunod na mga taon, si Maria ay nagsilang ng iba pang mga anak, na di-kukulangin sa apat na anak na lalaki at mga anak na babae.​—Mat 2:19-23; 13:55, 56; Mar 6:3.

Bagaman hindi hinihiling ng Kautusan na dumalo ang mga babae, kinaugalian ni Maria na sumama kay Jose taun-taon sa paglalakbay na mga 150 km (93 mi) patungong Jerusalem para sa taunang pagdiriwang ng Paskuwa. (Exo 23:17; 34:23) Sa isa sa mga paglalakbay na ito, noong mga 12 C.E., ang pamilya ay pauwi na at nakayaon na ng layong isang araw mula sa Jerusalem nang matuklasan nila na nawawala ang batang si Jesus. Kaagad na bumalik sa Jerusalem ang kaniyang mga magulang upang hanapin siya. Pagkatapos ng tatlong araw ay nasumpungan nila siya sa templo na nakikinig at nagtatanong sa mga guro. Bumulalas si Maria: “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo nang may pagkabagabag ng isip.” Tumugon si Jesus: “Bakit kailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?” Tiyak na ang dako kung saan makatuwirang masumpungan ang Anak ng Diyos ay ang templo, na doon ay maaari siyang tumanggap ng maka-Kasulatang turo. “Pinakaingatan [ni Maria] ang lahat ng mga pananalitang ito sa kaniyang puso.”​—Luc 2:41-51.

Ang 12-taóng-gulang na batang si Jesus ay nagpamalas ng napakahusay na kaalaman para sa gayong edad. “Lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” (Luc 2:47) Ang kaalaman at unawa ni Jesus sa Kasulatan ay nagpapakita ng mainam na pagsasanay ng magulang. Si Maria at gayundin si Jose ay malamang na naging lubhang masikap sa pagtuturo at pagsasanay sa bata, anupat pinalaki ito sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” at nilinang dito ang pagpapahalaga sa kaugaliang dumalo sa sinagoga bawat Sabbath.​—Luc 4:16; Efe 6:4.

Iginalang at Minahal ni Jesus. Pagkaraan ng kaniyang bautismo, hindi nagpakita si Jesus ng pantanging paboritismo kay Maria; tinukoy niya ito, hindi bilang “ina,” kundi bilang “babae” lamang. (Ju 2:4; 19:26) Sa paanuman, hindi ito kapahayagan ng kawalang-galang, gaya ng maaaring maging unawa rito ayon sa makabagong-panahong paggamit sa Tagalog. Sa Aleman, halimbawa, ang salitang ginamit sa ganitong paraan ay nangangahulugang ginang. Si Maria ay ina ni Jesus ayon sa laman; ngunit mula nang ipanganak si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu noong panahon ng kaniyang bautismo, siya ay pangunahin nang Anak ng Diyos, anupat ang kaniyang “ina” ay “ang Jerusalem sa itaas.” (Gal 4:26) Idiniin ni Jesus ang katotohanang ito noong isang pagkakataon nang magambala ni Maria at ng iba pang mga anak nito si Jesus sa panahon ng isang sesyon ng pagtuturo sa pamamagitan ng paghiling kay Jesus na pumaroon sa labas sa kinaroroonan nila. Ipinabatid ni Jesus na sa katunayan ang kaniyang ina at malalapit na kamag-anak ay yaong mga nasa kaniyang espirituwal na pamilya, anupat ang espirituwal na mga bagay ay nauuna kaysa sa mga kapakanang ukol sa laman.​—Mat 12:46-50; Mar 3:31-35; Luc 8:19-21.

Nang maubos ang alak sa isang kasalan sa Cana ng Galilea at sabihin ni Maria kay Jesus, “Wala silang alak,” tumugon ito: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.” (Ju 2:1-4) Ginamit ni Jesus dito ang isang sinaunang anyo ng pagtatanong na lumilitaw nang ilang ulit sa Hebreong Kasulatan (Jos 22:24; Huk 11:12; 2Sa 16:10; 19:22; 1Ha 17:18; 2Ha 3:13; 2Cr 35:21; Os 14:8) at anim na ulit sa Griegong Kasulatan. (Mat 8:29; Mar 1:24; 5:7; Luc 4:34; 8:28; Ju 2:4) Kung isasalin nang literal, ang tanong ay: “Ano sa akin at sa iyo?” na nangangahulugang, “Ano ang pagkakatulad nating dalawa?” o, “Sa ano tayo nagkakatulad?” o, “Ano ang kinalaman ko sa iyo?” Sa bawat pagkakataon kung saan ginagamit ito, ang tanong ay nagpapahiwatig ng pagtutol sa bagay na iminumungkahi, ipinapanukala, o hinihinala. Samakatuwid, maibiging ipinahayag ni Jesus ang kaniyang banayad na pagsaway sa ganitong paraan, anupat ipinahihiwatig na ang utos na tinatanggap niya ay nanggagaling, hindi sa kaniyang ina kundi mula sa Kataas-taasang Awtoridad na nagsugo sa kaniya. (1Co 11:3) Palibhasa’y matalas ang pakiramdam at mapagpakumbaba, madaling nakuha ni Maria ang punto at natanggap ang pagtutuwid. Matapos magbigay-daan at hayaang si Jesus ang manguna, sinabi niya sa mga tagapaglingkod: “Anuman ang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo.”​—Ju 2:5.

Nakatayo si Maria sa tabi ng pahirapang tulos nang ibayubay si Jesus. Para sa kaniya, si Jesus ay higit pa kaysa sa isang minamahal na anak, si Jesus ang Mesiyas, ang kaniyang Panginoon at Tagapagligtas, ang Anak ng Diyos. Lumilitaw na si Maria ay isa nang balo noon. Dahil dito, bilang panganay sa sambahayan ni Jose, ginampanan ni Jesus ang kaniyang pananagutan nang hilingin niya sa apostol na si Juan, malamang na pinsan niya, na iuwi si Maria sa tahanan ng apostol at alagaan ito na parang sarili nitong ina. (Ju 19:26, 27) Bakit hindi ipinagkatiwala ni Jesus si Maria sa isa sa kaniyang sariling mga kapatid sa ina? Walang binabanggit na naroroon ang sinuman sa kanila. Isa pa, hindi pa sila mga mananampalataya, at itinuring ni Jesus na higit na mahalaga ang espirituwal na kaugnayan kaysa sa kaugnayan sa laman.​—Ju 7:5; Mat 12:46-50.

Isang Tapat na Alagad. Ipinakikita ng huling pagbanggit ng Bibliya kay Maria na siya ay isang babaing may pananampalataya at debosyon na mayroon pa ring malapit na pakikipag-ugnayan sa iba pang mga tapat pagkaakyat ni Jesus sa langit. Ang 11 apostol, si Maria, at ang mga iba pa ay nagkatipon sa isang silid sa itaas, at “ang lahat ng mga ito ay may-pagkakaisang nagpapatuloy sa pananalangin.”​—Gaw 1:13, 14.

2. Si Maria na kapatid nina Marta at Lazaro. Sa Betania, mga 2 milyang Romano (2.8 km; 1.7 mi) mula sa Temple Mount sa Jerusalem at nasa S dalisdis ng Bundok ng mga Olibo, dinalaw ni Jesus ang tahanan ng mga kaibigan niyang ito na pinag-ukulan niya ng pantanging pagmamahal. (Ju 11:18) Sa isang pagdalaw ni Jesus noong ikatlong taon ng kaniyang ministeryo, si Marta, dahil sa determinasyon nito na maging isang mabuting punong-abala, ay labis-labis na nabahala para sa pisikal na kaalwanan ni Jesus. Sa kabilang dako naman, si Maria ay nagpakita ng ibang uri ng pagkamapagpatuloy. Siya ay ‘nakaupo sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakikinig sa kaniyang salita.’ Nang magreklamo si Marta dahil hindi tumutulong ang kaniyang kapatid, pinapurihan ni Jesus si Maria, anupat sinabi, “Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.”​—Luc 10:38-42.

Nakitang Binuhay-Muli si Lazaro. Ilang buwan pagkatapos ng nabanggit na pagdalaw sa tahanang iyon, si Lazaro ay nagkasakit, anupat malapit nang mamatay. Kaya nagpasabi sina Maria at Marta kay Jesus, na malamang na nasa gawing S ng Jordan sa Perea. Gayunman, nang dumating si Jesus, si Lazaro ay apat na araw nang patay. Nang mabalitaan ang pagdating ni Jesus, dali-daling pumaroon si Marta upang batiin ito, samantalang si Maria ay “nanatiling nakaupo sa tahanan.” Nang makabalik na si Marta mula sa hangganan ng nayon at ibulong niya sa kaniyang kapatid na lipos ng pamimighati, “Ang Guro ay naririto at tinatawag ka,” saka pa lamang nagmadaling lumabas si Maria upang salubungin si Jesus. Sa paanan nito ay humikbi siya, “Panginoon, kung narito ka lamang noon, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Ginamit niya ang eksaktong mga salita na sinabi ng kaniyang kapatid nang unang pumaroon si Marta upang salubungin si Jesus. Sa pagkakita sa mga luha ni Maria at niyaong mga Judiong kasama nito, ang Panginoon ay naantig na dumaing at tumangis. Pagkatapos na isagawa ni Jesus ang kamangha-manghang himala ng pagbabangon kay Lazaro mula sa mga patay, “marami sa mga Judio na nagsiparoon kay Maria [upang aliwin ito] . . . ang nanampalataya sa kaniya.”​—Ju 11:1-45.

Nagpahid ng Langis kay Jesus. Limang araw bago ang huling Paskuwa ni Jesus, siya at ang kaniyang mga alagad ay muling naging mga panauhin sa Betania, sa pagkakataong ito ay sa tahanan ni Simon na ketongin, kung saan naroroon din si Maria at ang pamilya nito. Si Marta ay naghahain ng hapunan; si Maria ay muling nag-ukol ng kaniyang pansin sa Anak ng Diyos. Habang nakahilig si Jesus, “kumuha si Maria ng isang librang mabangong langis, tunay na nardo, napakamamahalin” (nagkakahalaga ng mga isang taóng kabayaran ng isang trabahador) at ibinuhos ito sa ulo at mga paa ni Jesus. Bagaman noong pagkakataong iyon ay hindi ito naunawaan ng karamihan, ang gawang ito na udyok ng pag-ibig at pagpapahalaga kay Jesus, sa katunayan, ay tumutukoy sa paghahanda sa kamatayan at libing ni Jesus na napakalapit na noon. Gaya noong una, ang kapahayagan ng pag-ibig ni Maria ay pinuna ng iba, at gaya noong una, ang kaniyang pag-ibig at debosyon ay ipinagtanggol at lubhang pinahalagahan ni Jesus. “Saanman ipangaral ang mabuting balitang ito sa buong sanlibutan,” ang pahayag niya, “ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”​—Mat 26:6-13; Mar 14:3-9; Ju 12:1-8.

Ang nabanggit na insidente, ang pagpapahid ni Maria ng langis kay Jesus, gaya ng iniulat nina Mateo, Marcos, at Juan, ay hindi dapat ipagkamali sa pagpapahid na binanggit sa Lucas 7:36-50. Ang dalawang pangyayari ay may ilang pagkakatulad, gayunman ay may mga pagkakaiba. Ang naunang pangyayari, na iniulat ni Lucas, ay naganap sa hilagang distrito ng Galilea; ang huling pangyayari naman ay sa timog sa Betania sa Judea. Ang nauna ay sa tahanan ng isang Pariseo; ang huli ay sa tahanan naman ni Simon na ketongin. Ang naunang pagpapahid ay ginawa ng isang babaing di-binanggit ang pangalan na kilala ng madla bilang “isang makasalanan,” malamang na isang patutot; ang huli ay ginawa ng kapatid ni Marta na si Maria. Mayroon ding agwat na mahigit sa isang taon sa pagitan ng dalawang pangyayari.

Pinupuna ng ilang kritiko na sinasalungat ni Juan sina Mateo at Marcos sa pagsasabing ibinuhos ang pabango sa mga paa ni Jesus sa halip na sa kaniyang ulo. (Mat 26:7; Mar 14:3; Ju 12:3) Sa pagkokomento sa Mateo 26:7, sinabi ni Albert Barnes: “Gayunman, walang pagkakasalungatan dito. Malamang na ibinuhos niya ito kapuwa sa ulo nito at sa mga paa nito. Yamang iniulat nina Mateo at Marcos ang una, si Juan, na sumulat ng kaniyang ebanghelyo upang iulat ang bahagi ng mga pangyayaring hindi nila binanggit, ay nagsalaysay na ang ungguento ay ibinuhos din sa mga paa ng Tagapagligtas. Ang pagbubuhos ng ungguento sa ulo ay pangkaraniwan. Ang pagbubuhos nito sa mga paa ay isang gawa ng namumukod-tanging kapakumbabaan at pagmamahal sa Tagapagligtas, at sa gayon ay nararapat na partikular na iulat.”​—Barnes’ Notes on the New Testament, 1974.

3. Si Maria Magdalena. Ang kaniyang pangalang pagkakakilanlan (na nangangahulugang “Ng (Mula sa) Magdala”) ay malamang na nagmula sa bayan ng Magdala (tingnan ang MAGADAN) sa kanluraning baybayin ng Dagat ng Galilea na nasa kalagitnaan ng Capernaum at ng Tiberias. Walang ulat na dinalaw ni Jesus ang bayang ito, bagaman malaking panahon ang ginugol niya sa nakapalibot na lupain. Hindi rin tiyak kung ito ang sariling bayan o dakong tinitirahan ni Maria. Yamang tinutukoy siya ni Lucas bilang “si Maria na tinatawag na Magdalena,” ipinapalagay ng ilan na may ipinahihiwatig si Lucas na isang bagay na natatangi o kakaiba.​—Luc 8:2.

Nagpalayas si Jesus ng pitong demonyo mula kay Maria Magdalena, sapat na dahilan upang manampalataya siya kay Jesus bilang ang Mesiyas at upang suhayan niya ng namumukod-tanging mga gawa ng debosyon at paglilingkod ang gayong pananampalataya. Una siyang binanggit sa ulat ng ikalawang taon ng pangangaral ni Jesus, noong si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay ‘naglalakbay sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.’ Kasama si Juana na asawa ng tauhang tagapangasiwa ni Herodes, si Susana, at ang iba pang mga babae, si Maria Magdalena ay patuloy na naglingkod sa mga pangangailangan ni Jesus at ng kaniyang mga apostol mula sa kanilang mga tinatangkilik.​—Luc 8:1-3.

Ang pinakaprominenteng pagbanggit kay Maria Magdalena ay may kaugnayan sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus. Nang si Jesus, bilang ang Kordero ng Diyos, ay dalhin sa patayan, si Maria ay kabilang sa mga babae “na mga sumama kay Jesus mula sa Galilea upang maglingkod sa kaniya” at “nagmamasid mula sa malayo” habang nakabitin si Jesus sa pahirapang tulos. Kasama niya noon ang ina ni Jesus na si Maria, si Salome, at gayundin “ang isa pang Maria” (Blg. 4).​—Mat 27:55, 56, 61; Mar 15:40; Ju 19:25.

Pagkalibing kay Jesus, si Maria Magdalena at ang iba pang mga babae ay yumaon upang maghanda ng mga espesya at mabangong langis bago magsimula ang Sabbath sa paglubog ng araw. Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway, noong unang araw ng sanlinggo, dinala ni Maria at ng iba pang mga babae ang mabangong langis sa libingan. (Mat 28:1; Mar 15:47; 16:1, 2; Luc 23:55, 56; 24:1) Nang makita ni Maria na ang libingan ay nakabukas at lumilitaw na walang laman, dali-dali siyang humayo upang sabihin ang nakagugulat na balita kina Pedro at Juan, na tumakbo naman patungo sa libingan. (Ju 20:1-4) Pagkabalik ni Maria sa libingan, nakaalis na sina Pedro at Juan, at noon niya tiningnan ang loob at natigilan siya nang makita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Pagkatapos ay bumaling siya sa likuran at nakita si Jesus na nakatayo. Sa pag-aakalang ito ang hardinero, itinanong niya kung nasaan ang katawan ni Jesus, upang maasikaso niya iyon. Nang tumugon ito ng “Maria!” ay kaagad na nahayag sa kaniya kung sino ito at sa kabiglaanan ay niyakap niya ito, anupat bumulalas, “Rab·boʹni!” Ngunit wala nang panahon noon para sa mga kapahayagan ng pagmamahal na nauukol sa lupa. Makakasama na lamang nila si Jesus sa loob ng maikling panahon. Dapat na magmadali si Maria na ipabatid sa iba pang mga alagad ang tungkol sa pagkabuhay-muli nito at na si Jesus ay aakyat, gaya ng sinabi nito, “sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.”​—Ju 20:11-18.

4. “Ang isa pang Maria.” Siya ang asawa ni Clopas (Alfeo) (tingnan ang CLOPAS) at ina ni Santiago na Nakabababa at ni Joses. (Mat 27:56, 61; Ju 19:25) Bagaman walang anumang maka-Kasulatang suporta, sinasabi ng tradisyon na si Clopas at si Jose, ang ama-amahan ni Jesus, ay magkapatid. Kung totoo ito, magiging tiya ni Jesus ang Mariang ito, at mga pinsan niya ang mga anak nito.

Hindi lamang kabilang si Maria sa mga babae “na mga sumama kay Jesus mula sa Galilea upang maglingkod sa kaniya” kundi isa rin siya sa mga nakasaksi sa pagbabayubay kay Jesus. (Mat 27:55; Mar 15:40, 41) Kasama si Maria Magdalena, nanatili siya sa labas ng libingan ni Jesus noong masaklap na hapong iyon, Nisan 14. (Mat 27:61) Noong ikatlong araw, silang dalawa at ang mga iba pa ay pumaroon sa libingan taglay ang mga espesya at mabangong langis sa layuning pahiran ang katawan ni Jesus at nagulat sila nang masumpungan nilang nakabukas ang libingan. Ipinaliwanag ng isang anghel na si Kristo ay ibinangon mula sa mga patay, kaya iniutos nito, “Humayo kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad.” (Mat 28:1-7; Mar 16:1-7; Luc 24:1-10) Habang nasa daan sila, ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa Mariang ito at sa mga iba pa.​—Mat 28:8, 9.

5. Si Maria na ina ni Juan Marcos. Siya rin ang tiya ni Bernabe. (Gaw 12:12; Col 4:10) Ang kaniyang tahanan ay ginamit bilang dakong pinagtitipunan ng sinaunang kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem. Ang kaniyang anak na si Marcos ay nagkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan sa apostol na si Pedro, na maliwanag na nakatulong nang malaki sa espirituwal na paglaki ni Marcos, sapagkat tinutukoy siya ni Pedro bilang “si Marcos na aking anak.” (1Pe 5:13) Nang mapalaya mula sa bilangguan ni Herodes, si Pedro ay kaagad na pumaroon sa tahanan ni Maria “kung saan marami ang nagtitipon at nananalangin.” Ang bahay ay malamang na malaki, at ipinahihiwatig ng pagkanaroroon ng isang alilang babae na si Maria ay isang babaing maykaya sa buhay. (Gaw 12:12-17) Yamang tinukoy iyon bilang kaniyang tahanan, at hindi ng kaniyang asawa, malamang na isa siyang balo.​—Gaw 12:12.

6. Si Maria ng Roma. Pinadalhan siya ni Pablo ng mga pagbati sa liham nito sa mga taga-Roma at pinapurihan siya nito dahil sa kaniyang “maraming pagpapagal” alang-alang sa kongregasyon sa Roma.​—Ro 16:6.