Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Marmol

Marmol

Isang malakristal na batong-apog (calcium carbonate) na pino ang hilatsa, may iba’t ibang kulay, salat, at istraktura ng kristal, at napakikintab nang husto. Ang iba’t ibang kulay nito ay mula sa puting-puti hanggang sa sari-saring tingkad ng abuhin, kayumanggi, dilaw, pula, berde, at itim. Ang mga guhit o mga ugat nito ay dahil sa nakahalong mga metal oxide at mga materya ng karbon.

Lumilitaw na walang matatagpuang marmol sa Palestina. Ang Lebanon ay napagkunan ng iba’t ibang uri ng marmol; ngunit sa pulo ng Paros sa Aegeano at sa Arabia natagpuan ang pinakamahuhusay na klase ng marmol. Nang ilarawan ng dalagang Shulamita sa mga dama sa korte ni Haring Solomon ang kaniyang minamahal na kaibigang pastol, sinabi niya: “Ang kaniyang mga binti ay mga haliging marmol na nakapatong sa may-ukit na mga tuntungang yari sa dalisay na ginto.” (Sol 5:15) Noong mga araw ni Reyna Esther, ang palasyo ng Persia sa Susan ay may mga haliging marmol, at ang ilang bahagi ng sahig nito ay yari sa itim na marmol. (Es 1:6) Nakatala rin ang marmol bilang isa sa mahahalagang paninda ng “mga naglalakbay na mangangalakal sa lupa” na tumatangis dahil sa pagbagsak ng Babilonyang Dakila tungo sa pagkapuksa.​—Apo 18:11, 12.

Hindi matiyak kung gumamit si Solomon ng marmol sa kaniyang programa ng pagtatayo. Sinabi ni Josephus na “puting marmol” ang ginamit, ngunit ang salitang Hebreo na kadalasang isinasaling “marmol” sa 1 Cronica 29:2 ay malamang na tumutukoy sa “alabastro” kung kaya gayon ang itinumbas dito sa ilang salin. (JB, NW; Jewish Antiquities, VIII, 64 [iii, 2]) Kaayon ito ng sinasabi sa A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament nina Brown, Driver, at Briggs (1980, p. 1010), at sa Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina Koehler at Baumgartner (Leiden, 1958, p. 966).