Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Marta

Marta

Isang babaing Judio, kapatid nina Lazaro at Maria ng Betania. (Ju 11:1, 2) Maliwanag na malimit dumalaw si Kristo sa kanilang tahanan kapag siya ay nasa kapaligiran ng Jerusalem. Ang mga buklod ng pagmamahalan ay umiral sa pagitan niya at ng tatlong ito, sapagkat espesipikong sinasabi: “Iniibig nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro.”​—Ju 11:5.

Iniulat ni Lucas na noong pumasok si Jesus sa “isang nayon,” “tinanggap siya ng isang babae na nagngangalang Marta bilang panauhin sa bahay.” (Luc 10:38) Salig sa Mateo 26:6, Marcos 14:3, at Juan 12:1-3, iniharap ang palagay na si Marta ang asawa, o ang balo, o ang anak pa nga ni Simon na ketongin. Gayunman, walang ibinibigay na espesipikong mga pananalita ang Kasulatan na sumusuporta sa mga pangmalas na ito.

Noong isang pagkakataon, nang dumalaw si Jesus sa tahanan nina Lazaro, Maria, at Marta, si Maria ay ‘umupo sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakinig sa kaniyang salita,’ samantalang si Marta “ay nagagambala sa pag-aasikaso sa maraming tungkulin.” Sinikap ni Marta na makuha ang tulong ni Maria, sa pagsasabing: “Panginoon, hindi ka ba nababahala na pinababayaan akong mag-isa ng aking kapatid na mag-asikaso sa mga bagay-bagay? Kaya nga sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.” Maliwanag na nababahala si Marta na masapatan ang materyal na mga pangangailangan ni Jesus. Ngunit idiniin ni Kristo ang nakahihigit na halaga ng espirituwal na mga bagay at binigyan niya ito ng may-kabaitang saway, sa pagsasabing: “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay. Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang. Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.” (Luc 10:38-42) Masisiyahan na si Kristo sa isang putahe ng pagkain kung ang paggawa niya nito ay mangangahulugan na maging si Marta ay magtatamo ng mas malaking pakinabang mula sa kaniyang pagtuturo.

Bagaman waring si Marta ay labis na nababahala sa materyal na mga bagay, hindi dapat isipin na kulang siya ng interes sa espirituwal na mga bagay. Pagkamatay ni Lazaro, si Marta ang sumalubong kay Jesus nang maglakbay ito patungong Betania, samantalang si Maria, noong una, ay nakaupo sa tahanan (posibleng dahil sa pamimighati o dahil sa dami ng dumadalaw na mga kaibigan). Si Marta ay nagpakita ng pananampalataya kay Kristo nang sabihin niya na hindi sana namatay si Lazaro kung naroroon lamang si Jesus. Kinilala rin niya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw,” nagpapakitang naniniwala siya sa pagkabuhay-muli. Sa pag-uusap na iyon, ipinaliwanag ni Jesus na siya “ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” anupat itinatampok na bagaman mamatay ang isa na nananampalataya sa kaniya, ito ay muling mabubuhay. Nang tanungin ni Kristo si Marta, “Pinaniniwalaan mo ba ito?” malinaw na ipinakita niya ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtugon: “Oo, Panginoon; naniniwala ako na ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos, ang Isa na darating sa sanlibutan.” (Ju 11:19-27) Siyempre pa, hindi nito inaalis ang posibilidad ng pagkakaroon niya ng ilang pag-aalinlangan tungkol sa kung ano ngayon ang magagawa o gagawin ni Jesus sa kalagayan ng kaniyang patay na kapatid. (Ihambing ang saloobin ng mga apostol na inilahad sa Luc 24:5-11.) Sa libingan ni Lazaro, nang ipag-utos ni Kristo na alisin ang bato, sinabi ni Marta: “Panginoon, sa ngayon ay nangangamoy na siya, sapagkat apat na araw na.” Ngunit bilang tugon ay nagtanong si Jesus: “Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung maniniwala ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Nasaksihan niya iyon nang buhaying-muli ang kaniyang kapatid.​—Ju 11:39-44.

Pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Lazaro, umalis si Kristo. Sa kalaunan, bumalik siya sa Betania at nakipagtipon kasama ng iba pa, kabilang na sina Marta, Maria, at Lazaro, sa tahanan ni Simon na ketongin. Isang hapunan ang inihanda at muli “si Marta ay naglilingkod.” Si Lazaro ay nasa tabi ng mesa, at sa okasyong iyon pinahiran ni Maria si Jesus ng mamahaling mabangong langis. (Ju 12:1-8; Mat 26:6-13; Mar 14:3-9) Walang sinabi ang Kasulatan may kinalaman sa sumunod na mga pangyayari sa buhay ni Marta at sa panahon at mga kalagayan ng kaniyang kamatayan.