Masah
[Pagsubok].
Isa sa mga pangalan ng isang lugar na malapit sa Repidim kung saan makahimalang pinaglaanan ng tubig ang mga Israelita. Gaya ng itinagubilin ni Jehova, si Moises at ang ilang matatandang lalaki ng Israel ay pumaroon sa bato sa Horeb. Doo’y hinampas ni Moises ang bato. Exo 17:1-7; Aw 105:41.
Ang tubig na lumabas mula roon ay umagos na parang ilog sa ilang na iyon. Dahil inilagay ng mga Israelita si Jehova sa pagsubok sa pamamagitan ng kanilang pagbubulung-bulungan at kawalan ng pananampalataya, pinangalanan ni Moises ng Masah (na nangangahulugang “Pagsubok”) ang lugar na ito. At dahil sa kanilang pagtatalo, tinawag niya itong Meriba (na nangangahulugang “Pagtatalo”).—Nang malapit nang mamatay si Moises, binabalaan niya ang Israel na huwag nilang ilagay sa pagsubok si Jehova gaya ng ginawa nila sa Masah. (Deu 6:16; tingnan din ang Deu 9:22.) Pagkatapos, nang pagpalain niya ang Israel, muli niyang binanggit ang pangyayaring ito, at ipinakita niyang nagbunga ito ng pagsubok kay Levi. (Deu 33:8) Sa kasong ito, ang Levi ay maaaring tumutukoy sa mga ulo ng tribo, samakatuwid nga, kina Moises at Aaron.
Nang maglaon, pinayuhan ng salmista ang mga Israelita na huwag nilang patigasin ang kanilang mga puso gaya ng salinlahi na nagpagala-gala sa ilang. Nang banggitin niya ang Meriba at ang Masah, maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang pagbubulung-bulungan ng Israel sa Repidim dahil sa tubig, anupat ang pangyayaring ito ay nagsilbing larawan ng kanilang landasin ng kawalang-pananampalataya sa loob ng 40 taon. (Aw 95:8-11) Lumilitaw na ito ang ibig sabihin ng siniping mga salita ng salmista (mula sa Griegong Septuagint) na masusumpungan sa Hebreo kabanata 3: “Huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso na gaya niyaong pangyayari nang mapukaw ang mapait na galit [Meriba], gaya noong araw nang ginagawa ang pagsubok [Masah] sa ilang, kung saan sinubok ako ng inyong mga ninuno ng isang pagsubok, at gayunma’y nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung taon [sa literal, “at nakita nila ang aking mga gawa nang apatnapung taon”].” (Heb 3:8, 9) Maaaring kalakip din sa Awit 95:8 at Hebreo 3:8 ang pagbubulung-bulungan ng Israel nang maglaon sa Meriba sa lugar ng Kades dahil sa tubig.—Bil 20:1-13.