Mason
Isang bihasang manggagawa sa laryo o bato. (2Ha 12:12; 22:6) Noong sinaunang mga panahon, ang mga kantero ay nagtatabas at naglalagari ng mga bato na ginagamit naman nila sa pagtatayo ng mga pader at ng iba’t ibang uri ng mga gusali. (2Sa 5:11; 1Ha 7:9-12; 1Cr 22:2; 2Cr 24:12) Nagtayo rin sila ng mga dakong libingan (Isa 22:16) at mga paagusan ng tubig.—2Ha 20:20.
Ang ilan sa mga kasangkapang ginagamit noon ng mga mason ay ang martilyo, palakol, lagaring para sa bato, kasangkapang pangnibel, pising panukat, at hulog. (1Ha 6:7; 7:9; Isa 28:17; Zac 4:10) Gaya ng makikita sa mga bantayog, kabilang sa mga kagamitan ng mga Ehipsiyong mason ay ang malyete at pait, na walang alinlangang ginamit din ng mga Israelitang kantero. Kapag may itinatayo noon sa Ehipto, ang mga bato ay sinusukat at minamarkahan ng maiitim na linya, na nagsisilbing giya ng mga tagatibag ng bato, at isang marka o numero na inilalagay sa bawat bato ang nagsasabi kung saan ang magiging puwesto ng batong iyon sa istrakturang itinatayo.
Ang sinaunang mga mason ay napakahusay sa pagtabas ng mga bato anupat hindi na kailangang gumamit ng argamasa. Hanggang sa araw na ito, imposibleng maipasok ang talim ng isang kutsilyo sa pagitan ng naglalakihang mga bato ng labí ng ilang istraktura sa Palestina na nagmula pa noong panahon ng mga Herodes.—Tingnan ang ARKITEKTURA.