Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mataas na Saserdote

Mataas na Saserdote

Ang isa na pangunahing kumakatawan sa bayan sa harap ng Diyos. Siya rin ang inatasang mangasiwa sa lahat ng iba pang mga saserdote.

Iba’t ibang termino ang ginagamit ng Bibliya upang tukuyin ang mataas na saserdote, halimbawa, ang “mataas na [sa literal, dakilang] saserdote” (Bil 35:25, 28; Jos 20:6, tlb sa Rbi8), “ang saserdote, ang pinahiran” (Lev 4:3), ang “punong [o, mataas na; sa literal, pangulong] saserdote” (2Cr 26:20, tlb sa Rbi8; 2Ha 25:18, tlb sa Rbi8), ang “ulo” (2Cr 24:6), o basta “saserdote” (2Cr 26:17). Sa huling nabanggit na kaso, kadalasa’y nililinaw ng konteksto kung ang mataas na saserdote ang tinutukoy. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, maliwanag na ang pananalitang “mga punong saserdote” ay ginamit upang tumukoy sa mga pangunahing lalaki sa pagkasaserdote. Kasama rito ang sinumang dating mataas na saserdote na inalis sa tungkulin at posibleng pati ang mga adultong lalaki sa pamilya ng mga mataas na saserdote at ang mga ulo ng 24 na pangkat ng mga saserdote.​—Mat 2:4; Mar 8:31.

Ang atas ni Aaron, na unang mataas na saserdote ng Israel, ay nagmula sa Diyos. (Heb 5:4) Ang mataas na pagkasaserdote sa Israel ay pinasimulan kay Aaron at isinalin mula sa ama tungo sa pinakamatandang anak na lalaki, maliban kung ang anak na iyon ay mamatay o maging di-kuwalipikado, gaya ng nangyari sa dalawang pinakamatatandang anak na lalaki ni Aaron, na nagkasala laban kay Jehova at namatay. (Lev 10:1, 2) Bilang katuparan ng hulang nagmula sa Diyos, pinatalsik ni Haring Solomon sa tungkulin ang isang mataas na saserdote at inihalili sa puwesto nito ang ibang kuwalipikadong lalaki na mula sa linya ni Aaron. (1Ha 2:26, 27, 35) Nang maglaon, noong ang bansa ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Gentil, ang mga tagapamahalang Gentil na iyon ay nag-alis at nag-atas ng mga mataas na saserdote ayon sa sarili nilang kagustuhan. Gayunpaman, sa buong kasaysayan ng bansa hanggang sa mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E., waring nasunod naman ang linya ni Aaron bagaman maaaring nagkaroon ng mga eksepsiyon, gaya ni Menelaus, tinatawag ding Onias (Jewish Antiquities, XII, 238, 239 [v, 1]), na ayon sa 2 Macabeo 3:4, 5 at 4:23 ay isang Benjamita.

Mga Kuwalipikasyon at mga Kahilingan Para sa Katungkulan. Kasuwato ng dignidad na kaakibat ng katungkulang ito, gayundin ng pagiging malapit ng mataas na saserdote kay Jehova bilang kinatawan ng bansa sa harap Niya, at ng makasagisag na kahulugan ng katungkulang ito, mahigpit ang mga kahilingan para rito.

Nakatala sa Levitico 21:16-23 ang mga pisikal na depekto na maaaring maging dahilan ng diskuwalipikasyon ng mga saserdote. Mayroon ding karagdagang pagbabawal para sa mataas na saserdote: Tanging isang dalaga ng Israel ang maaari niyang maging asawa; hindi siya maaaring mag-asawa ng isang babaing balo. (Lev 21:13-15) Bukod dito, hindi niya maaaring dungisan ang kaniyang sarili dahil sa patay, samakatuwid nga, hindi siya maaaring humipo ng anumang bangkay ng tao, kahit ang bangkay ng kaniyang ama o ng kaniyang ina, sapagkat magiging marumi siya dahil dito. Hindi rin niya pababayaang hindi nakaayos ang kaniyang buhok at hindi niya pupunitin ang kaniyang mga kasuutan dahil sa patay.​—Lev 21:10-12.

Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung anong edad nagiging kuwalipikadong maglingkod ang isa bilang mataas na saserdote. Bagaman binabanggit nito na 50 taon ang edad ng pagreretiro para sa mga Levita, wala itong sinasabing anumang pagreretiro para sa mga saserdote, at ipinakikita ng mga ulat nito na panghabang-buhay ang atas ng mataas na saserdote. (Bil 8:24, 25) Walumpu’t tatlong taóng gulang si Aaron nang sumama siya kay Moises sa harap ni Paraon. Lumilitaw na pinahiran siya bilang mataas na saserdote noong sumunod na taon. (Exo 7:7) Namatay siya sa edad na 123 taon. Sa buong panahong ito, naglingkod siya nang hindi nagreretiro. (Bil 20:28; 33:39) Sa paglalaan ng mga kanlungang lunsod, tinukoy ang panghabang-buhay na panunungkulan ng mataas na saserdote sa kahilingan na ang nakapatay nang di-sinasadya ay dapat na manatili sa lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.​—Bil 35:25.

Pagtatalaga. Makikita sa mga pribilehiyong ibinigay kay Aaron di-nagtagal pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto ang ilang pahiwatig hinggil sa katungkulang ibibigay sa kaniya ni Jehova. Sa ilang, habang nasa daan patungong Sinai, si Aaron ang inutusang kumuha ng isang banga ng manna at maglagay niyaon sa harap ng Patotoo bilang bagay na iingatan. Nangyari ito noong wala pang tolda ng kapisanan o kaban ng tipan. (Exo 16:33, 34, tlb sa Rbi8) Nang maglaon, si Aaron ang lubusang nangasiwa sa sagradong tolda at sa Kaban nito. Si Aaron at ang dalawa sa kaniyang mga anak na lalaki, kasama ang 70 sa matatandang lalaki ng Israel, ang espesipikong tinukoy na may pribilehiyong umakyat sa isang bahagi ng Bundok Horeb, kung saan nakakita sila ng isang pangitain ng Diyos.​—Exo 24:1-11.

Gayunman, unang binigkas ni Jehova ang kaniyang layunin na ibukod si Aaron at ang mga anak nito ukol sa pagkasaserdote noong ibigay niya kay Moises ang mga tagubilin para sa paggawa ng mga kasuutan ng mga saserdote. (Exo 28) Matapos ibigay ang mga tagubiling ito, binalangkas ng Diyos kay Moises ang pamamaraan para sa pagtatalaga sa pagkasaserdote at saka Niya tuwirang ipinabatid: “Ang pagkasaserdote ay mapapasakanila bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda.”​—Exo 29:9.

Kaayon ng karingalan at kalinisan ni Jehova, si Aaron at ang kaniyang mga anak ay hindi makapagsasagawa ng mga tungkulin ng mga saserdote hangga’t hindi sila napababanal at napupuspos ng kapangyarihan sa pamamagitan ng serbisyo ng pagtatalaga. (Exo 29) Si Moises, bilang tagapamagitan ng tipang Kautusan, ang nagsagawa ng pagtatalaga. Pagkatapos ng isang seremonya ng pagpapabanal na tumagal nang pitong araw mula Nisan 1 hanggang 7, 1512 B.C.E., ang mga saserdote ay lubusang naitalaga, anupat napuspos ng kapangyarihan ang kanilang mga kamay upang gumanap bilang mga saserdote. (Lev 8) Nang sumunod na araw, Nisan 8, isang panimulang serbisyo ng pagbabayad-sala ang isinagawa para sa bansa (katulad na katulad ito ng karaniwang mga serbisyo sa Araw ng Pagbabayad-Sala na iniutos na ipagdiwang taun-taon tuwing Tisri 10; inilarawan sa Levitico 9 ang unang pagganap na ito ng mga saserdote sa kanilang tungkulin). Angkop lamang ito at kinakailangan, sapagkat ang bayan ng Israel ay nangangailangan noon ng paglilinis mula sa kanilang mga kasalanan, lakip na rito ang kalilipas na pagsalansang nila may kaugnayan sa ginintuang guya.​—Exo 32.

Sa pagtatalaga sa mataas na saserdote, ang isa sa pinakamahahalagang hakbang na kinailangang gawin ni Moises ay ang pagpapahid kay Aaron sa pamamagitan ng pagbubuhos sa ulo nito ng sagradong langis na pamahid na pantanging tinimpla alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos. (Lev 8:1, 2, 12; Exo 30:22-25, 30-33; Aw 133:2) Nang maglaon, ang mga mataas na saserdoteng humalili kay Aaron ay tinukoy bilang “pinahiran.” Bagaman ang Bibliya ay walang iniulat na aktuwal na pagpapahid sa kanila ng literal na langis, isinasaad naman nito ang ganitong kautusan: “At ang mga banal na kasuutan ni Aaron ay magiging sa kaniyang mga anak na kahalili niya upang pahiran sila sa mga iyon at upang puspusin ng kapangyarihan ang kanilang kamay sa mga iyon. Pitong araw na isusuot ang mga iyon ng saserdote na hahalili sa kaniya mula sa kaniyang mga anak at papasok sa tolda ng kapisanan upang maglingkod sa dakong banal.”​—Exo 29:29, 30.

Mga Kasuutan Para sa Katungkulan. Sa kaniyang karaniwang mga gawain, ang mataas na saserdote ay nagsusuot ng mga linong kasuutan na katulad ng isinusuot ng mga katulong na saserdote. Ngunit sa ilang okasyon ay nagsusuot siya ng pantanging mga kasuutang maluwalhati at maganda. Inilalarawan ng Exodo kabanata 28 at 39 ang disenyo ng mga kasuutang ito at kung paano ginawa ang mga ito sa ilalim ng pangunguna ni Moises ayon sa iniutos ng Diyos. Ang pinakapanloob na kasuutan (maliban sa mga karsonsilyong lino na “mula sa mga balakang hanggang sa mga hita,” at isinusuot ng lahat ng saserdote “bilang pantakip sa hubad na laman”; Exo 28:42) ay ang mahabang damit (sa Heb., kut·toʹneth), na yari sa mainam na lino (malamang ay puti) at hinabing may disenyong pari-parisukat. Lumilitaw na ang mahabang damit na ito ay may mahahabang manggas at hanggang sakong. Malamang na ito’y hinabi nang buo. Isang paha na yari sa mainam na linong pinilipit at hinabi nang may sinulid na asul, mamula-mulang purpura, at iskarlatang kokus ang ibinibigkis sa katawan, malamang ay sa ibabaw ng baywang.​—Exo 28:39; 39:29.

Ang turbante, na maliwanag na naiiba sa putong ng mga katulong na saserdote, ay yari rin sa mainam na lino. (Exo 28:39) Sa pinakaharap ng turbante ay may nakakabit na isang makintab na laminang dalisay na ginto na nililukan ng mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exo 28:36) Ang laminang ito ay tinatawag na “ang banal na tanda ng pag-aalay.”​—Exo 29:6; 39:30.

Nakapatong naman sa mahabang damit na lino ang asul at walang-manggas na damit (sa Heb., meʽilʹ). Malamang na hinabi rin ito nang buo, anupat may matibay na sinepa sa palibot ng bukasan nito sa itaas upang hindi iyon mapunit. Kapag isinusuot, ang asul at walang-manggas na damit na ito ay sa ulo pinadaraan. Mas maikli ang kasuutang ito kaysa sa mahabang damit na lino, at sa palibot ng laylayan nito ay may salit-salit na ginintuang mga kampanilya at mga granadang yari sa sinulid na asul, mamula-mulang purpura, at iskarlata. Maririnig ang mga kampanilya habang inaasikaso ng mataas na saserdote ang kaniyang gawain sa santuwaryo.​—Exo 28:31-35.

Ang epod, na isang tulad-eprong kasuutan na may pangharap at panlikod na mga bahagi at lampas lamang nang kaunti sa baywang, ay isinusuot ng lahat ng saserdote at kung minsan, ng ibang mga tao na hindi saserdote. (1Sa 2:18; 2Sa 6:14) Ngunit espesyal ang pagkakaburda ng epod ng magandang kasuutan ng mga mataas na saserdote. Yari ito sa mainam na linong pinilipit at lanang tinina sa mamula-mulang purpura, sinulid na iskarlatang kokus, at sinulid na ginto na gawa sa pinitpit na ginto na ginawang maninipis na lamina at pinagputul-putol upang maging mga sinulid. (Exo 39:2, 3) Mayroon itong dalawang dugtungang pambalikat na ang haba ay posibleng mula balikat hanggang pamigkis. Sa ibabaw ng mga dugtungang pambalikat ay may dalawang enggasteng ginto, na bawat isa ay may batong onix, at ang bawat bato ay may lilok na anim na pangalan ng mga anak ni Israel (Jacob) ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang kapanganakan. Isang pamigkis na yari sa gayunding materyales ang nagbibigkis sa epod sa baywang, anupat ang pamigkis ay nasa “ibabaw” ng epod, at posibleng nakakabit sa epod bilang bahagi niyaon.​—Exo 28:6-14.

Walang alinlangan na ang pektoral ng paghatol ang pinakamamahalin at pinakamaringal na bahagi ng damit ng mataas na saserdote. Yari ito sa materyales na katulad niyaong sa epod, parihaba ang hugis nito, anupat may haba na doble ng lapad nito, ngunit itiniklop upang maging parisukat na mga 22 sentimetro (9 na pulgada) ang bawat gilid. Ang pagtitiklop na iyon ay nakalikha ng wari’y isang bulsa o lukbutan. (Tingnan ang PEKTORAL.) Ang pektoral ay napapalamutian ng 12 mahahalagang bato na nakalagay sa mga enggasteng ginto, anupat ang bawat bato ay nililukan ng pangalan ng isa sa mga anak ni Israel. Ang mga batong ito na rubi, topacio, esmeralda, at iba pang mga hiyas ay nakaayos sa apat na hanay. Dalawang tanikalang ginto, na pinagkawing-kawing sa kayariang lubid, ang ginawa sa ibabaw ng pektoral, at nilagyan ng mga argolyang ginto ang mga kanto nito; ang mga argolya sa itaas ay nakakabit sa mga dugtungang pambalikat sa pamamagitan ng mga tanikalang ginto. Sa pamamagitan ng mga panaling asul, ang dalawang argolya sa ibaba ay nakakabit naman sa mga dugtungang pambalikat ng epod, sa mismong ibabaw ng pamigkis.​—Exo 28:15-28.

Inilagay ni Moises “sa pektoral” ang Urim at ang Tumim. (Lev 8:8) Hindi alam kung ano talaga ang Urim at ang Tumim. Itinuturing ng ilang iskolar na ang mga ito ay mga palabunot na inihahagis o binubunot mula sa pektoral, at ayon sa patnubay ni Jehova ay nagbibigay, pangunahin na, ng sagot na “oo” o “hindi” sa isang tanong. Kung gayon nga, maaaring nakalagay ang mga ito sa “lukbutan” ng pektoral. (Exo 28:30, AT; Mo) Maaaring ipinahihiwatig ito ng teksto sa 1 Samuel 14:41, 42. Gayunman, naniniwala ang iba na ang Urim at Tumim ay may kaugnayan sa mga batong nasa pektoral, ngunit waring malayong magkaganito. Ang iba pang mga pagtukoy sa Urim at sa Tumim ay masusumpungan sa Bilang 27:21; Deuteronomio 33:8; 1 Samuel 28:6; Ezra 2:63; at Nehemias 7:65.​—Tingnan ang URIM AT TUMIM.

Ang magagandang kasuutang ito ay isinusuot ng mataas na saserdote kapag lumalapit siya kay Jehova upang sumangguni hinggil sa isang mahalagang bagay. (Bil 27:21; Huk 1:1; 20:18, 27, 28) Gayundin, kapag Araw ng Pagbabayad-Sala, pagkatapos niyang maihandog ang mga handog ukol sa kasalanan, ang mga puting kasuutang lino ay pinapalitan niya ng kaniyang mga kasuutang maluwalhati at maganda. (Lev 16:23, 24) Lumilitaw na isinusuot din niya sa iba pang mga okasyon ang huling nabanggit na mga kasuutan.

Sa mga tagubiling nasa Levitico kabanata 16 may kinalaman sa Araw ng Pagbabayad-Sala, hindi espesipikong binabanggit na matapos isuot ng mataas na saserdote ang kaniyang maluwalhating kasuutan ay itataas niya ang kaniyang mga kamay at pagpapalain niya ang bayan. Gayunman, sa ulat may kinalaman sa serbisyo ng pagbabayad-sala na isinagawa noong sumunod na araw pagkatapos maitalaga ang pagkasaserdote, na katulad na katulad ng mga ginawa noong Araw ng Pagbabayad-Sala, ganito ang mababasa natin: “Pagkatapos ay itinaas ni Aaron sa bayan ang kaniyang mga kamay at pinagpala sila.” (Lev 9:22) Ipinakita ni Jehova kung paano pagpapalain ang bayan nang ipag-utos niya kay Moises: “Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sinasabi, ‘Ganito ninyo pagpapalain ang mga anak ni Israel, na sinasabi sa kanila: “Pagpalain ka nawa ni Jehova at ingatan ka. Pasinagin nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha, at lingapin ka niya nawa. Iharap nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha at magtalaga sa iyo ng kapayapaan.”⁠’⁠”​—Bil 6:23-27.

Pananagutan at mga Tungkulin. Ang dignidad, pagkaseryoso, at pananagutan ng katungkulan ng mataas na saserdote ay idiniriin ng bagay na ang kaniyang mga pagkakasala ay maaaring magdala ng pagkakasala sa bayan. (Lev 4:3) Tanging ang mataas na saserdote ang makapapasok sa Kabanal-banalang silid ng santuwaryo, at iyon ay minsan lamang sa isang taon, sa Araw ng Pagbabayad-Sala. (Lev 16:2) Kapag pumapasok siya sa tolda ng kapisanan sa araw na iyon, walang ibang saserdote ang pinahihintulutang pumasok sa loob ng tolda. (Lev 16:17) Siya ang nangangasiwa sa lahat ng serbisyong isinasagawa sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa pantanging mga okasyon, nagbabayad-sala siya para sa kaniyang sambahayan at para sa bayan (Lev 9:7) at siya ang namamagitan sa harap ni Jehova alang-alang sa bayan kapag lumalagablab ang galit ni Jehova laban sa kanila. (Bil 15:25, 26; 16:43-50) Kapag bumabangon ang mga tanong na may pambansang kahalagahan, siya ang lumalapit kay Jehova taglay ang Urim at Tumim. (Bil 27:21) Siya ang nangangasiwa sa pagpatay at pagsunog sa pulang baka, na ang abo ay inilalagay sa tubig na panlinis.​—Bil 19:1-5, 9.

Maliwanag na kung nanaisin ng mataas na saserdote, maaari siyang makibahagi sa anumang tungkulin o seremonyang isinasagawa ng mga saserdote. Pagsapit ng panahon ni Haring David, lumaki na ang bilang ng mga saserdote. Upang makapaglingkod ang lahat, isinaayos ni David ang mga saserdote sa 24 na pangkat. (1Cr 24:1-18) Nagpatuloy ang sistemang ito habang umiiral ang pagkasaserdote. Gayunman, di-tulad ng mga katulong na saserdote, ang paglilingkod ng mataas na saserdote sa santuwaryo ay walang limitasyon, at maaari siyang maglingkod doon kahit kailan. (Maaaring tumulong doon ang mga katulong na saserdote sa anumang panahon, ngunit may ilang tungkulin na ang tanging may pribilehiyong magsagawa ay ang mga saserdoteng kabilang sa partikular na pangkat na naglilingkod sa panahong iyon.) Gaya rin ng mga katulong na saserdote, ang mga kapanahunan ng kapistahan ang pinakamagawaing mga panahon para sa mataas na saserdote.

Ang santuwaryo, ang paglilingkod dito, at ang ingatang-yaman ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng mataas na saserdote. (2Ha 12:7-16; 22:4) Sa pananagutang ito, lumilitaw na may pangalawahing saserdote na pangunahing katulong niya. (2Ha 25:18) Nang maglaon, ang katulong na ito, na tinatawag na Sagan, ang nangangasiwa kahalili ng mataas na saserdote kapag sa anumang kadahilanan ay hindi magagampanan ng mataas na saserdote ang kaniyang tungkulin. (The Temple, ni A. Edersheim, 1874, p. 75) Si Eleazar, na anak ni Aaron, ay binigyan ng isang pantanging atas ng pangangasiwa.​—Bil 4:16.

Ang mataas na saserdote rin ang nangunguna sa pagtuturo sa bansa hinggil sa relihiyon.​—Lev 10:8-11; Deu 17:9-11.

Siya at ang sekular na mga tagapamahala (si Josue, ang mga Hukom, at, sa ilalim ng monarkiya, ang hari) ang nagsilbing matataas na hukuman ng bansa. (Deu 17:9, 12; 2Cr 19:10, 11) Pagkatapos mabuo ang Sanedrin (nang maglaon), ang mataas na saserdote ang nangasiwa sa lupong iyon. (Ayon sa ilang tradisyon, hindi niya pinangangasiwaan ang bawat kaso​—kundi kapag nais lamang niya.) (Mat 26:57; Gaw 5:21) Ang mataas na saserdoteng si Eleazar ay tumulong kay Josue sa paghahati-hati ng lupain sa 12 tribo.​—Jos 14:1; 21:1-3.

Ang kamatayan ng mataas na saserdote ay kailangang ipatalastas sa mga kanlungang lunsod sa buong lupain; mangangahulugan ito ng paglaya ng lahat ng mga nananatili sa loob ng mga hangganan ng mga kanlungang lunsod dahil sa pagkakasala ng di-sinasadyang pagpatay ng tao.​—Bil 35:25-29.

Ang Linya ng mga Mataas na Saserdote. Para sa linya ng angkan ng mga mataas na saserdote at mga pangalan ng aktuwal na mga naglingkod sa katungkulang ito, pakisuyong tingnan ang kalakip na tsart. Sa Bibliya, iilang pangalan lamang ang espesipikong binanggit na naglingkod sa katungkulang ito, ngunit makikita roon ang mga rekord ng talaangkanan ng linya ni Aaron. Tiyak na marami sa mga nakatala sa mga talahanayang ito ng angkan ang naglingkod bilang mga mataas na saserdote, bagaman hindi iniuulat ng Bibliya ang kanilang mga ginawa ni tiyakan man nitong binabanggit na humawak sila ng gayong katungkulan. Ang iilang pangalan na binanggit nito bilang humawak ng gayong katungkulan ay hindi sapat upang punan ang mahabang panahong lumipas, partikular na mula nang magsimula ang pagkasaserdote noong 1512 B.C.E. hanggang sa mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Gayundin, kadalasan ay may mga pangalang hindi isinama sa mga talahanayan ng angkan, kaya posibleng may mga naglingkod din sa katungkulang iyon ngunit hindi nabanggit ang kanilang mga pangalan. Samakatuwid, ang tsart ay hindi nilayong maglaan ng kumpleto at tumpak na talaan ngunit matutulungan nito ang mambabasa na magkaroon ng mas malinaw na ideya hinggil sa linya ng mga mataas na saserdote.

Ang Pagkasaserdote ni Melquisedec. Ang unang saserdoteng binanggit sa Bibliya ay si Melquisedec, na “saserdote ng Kataas-taasang Diyos” at hari ng Salem (Jerusalem). Nasalubong ni Abraham ang saserdoteng-hari na ito pagkabalik niya matapos niyang talunin ang tatlong haring kasabuwat ng Elamitang si Haring Kedorlaomer. Ipinakita ni Abraham na kinikilala niyang nagmula sa Diyos ang awtoridad ni Melquisedec sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng ikasampu ng mga bunga ng kaniyang tagumpay at sa pamamagitan ng pagtanggap niya sa pagpapala ni Melquisedec. Hindi binanggit ng Bibliya ang rekord ng pinagmulang angkan, kapanganakan, o kamatayan ni Melquisedec. Wala siyang mga hinalinhan ni mga kahalili man.​—Gen 14:17-24; tingnan ang MELQUISEDEC.

Ang Mataas na Pagkasaserdote ni Jesu-Kristo. Ayon sa aklat ng Bibliya na Mga Hebreo, si Jesu-Kristo, mula nang siya’y buhaying-muli at pumasok sa langit, ay “isang mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec magpakailanman.” (Heb 6:20; 7:17, 21) Upang ilarawan ang kadakilaan ng pagkasaserdote ni Kristo at ang kahigitan nito sa Aaronikong pagkasaserdote, ipinakita ng apostol na si Pablo na si Melquisedec ay naging hari at saserdote sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Kataas-taasang Diyos, at hindi sa pamamagitan ng pagmamana. Si Kristo Jesus, na hindi mula sa tribo ni Levi, kundi mula sa Juda at mula sa linya ni David, ay hindi nagmana ng kaniyang katungkulan sa pamamagitan ng pagiging inapo ni Aaron, kundi tuwiran siyang hinirang ng Diyos, gaya ni Melquisedec. (Heb 5:10) Ganito ang pangakong iniulat sa Awit 110:4: “Si Jehova ay sumumpa (at hindi siya magsisisi): ‘Ikaw ay isang saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec!’⁠” Dahil sa pag-aatas na ito, si Kristo ay naging makalangit na Haring-Saserdote, at taglay rin niya ang awtoridad ng Kaharian dahil nagmula siya kay David. Kaya naman siya ang naging tagapagmana ng pagkaharing ipinangako sa tipang Davidiko. (2Sa 7:11-16) Samakatuwid ay hawak niya kapuwa ang katungkulan ng pagkahari at pagkasaserdote, gaya ni Melquisedec.

Makikita rin ang kahigitan ng mataas na pagkasaserdote ni Kristo sa bagay na si Levi, na siyang pinagmulan ng pagkasaserdoteng Judio, sa diwa ay nagbigay ng mga ikapu kay Melquisedec, yamang si Levi ay nasa mga balakang pa ni Abraham nang magbigay ang patriyarkang ito ng ikasampu sa saserdoteng-hari ng Salem. Karagdagan pa, sa gayong diwa ay pinagpala rin ni Melquisedec si Levi, yamang ayon sa alituntunin, ang mababa ay pinagpapala ng mas dakila. (Heb 7:4-10) Itinawag-pansin din ng apostol na ang pagtukoy kay Melquisedec bilang “walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ng mga araw ni wakas ng buhay” ay lumalarawan sa walang-hanggang pagkasaserdote ni Jesu-Kristo, na binuhay-muli tungo sa “isang buhay na di-masisira.”​—Heb 7:3, 15-17.

Gayunpaman, bagaman ang pagkasaserdote ni Kristo ay hindi niya minana kay Aaron sa pamamagitan ng pagiging inapo nito sa laman, at bagaman wala siyang hinalinhan o kahalili sa kaniyang katungkulan, tinupad niya ang mga bagay na isinasagisag ng Aaronikong mataas na saserdote. Nilinaw ito ng apostol nang ipakita niya na ang tulad-toldang tabernakulo na itinayo sa ilang ay isang parisang lumalarawan sa “tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao” at na ang mga Levitikong saserdote ay nagsagawa ng “sagradong paglilingkod sa isang makasagisag na paglalarawan at isang anino ng makalangit na mga bagay.” (Heb 8:1-6; 9:11) Sinabi niya na inalis ni Jesu-Kristo, sa pamamagitan ng paghahandog nito ng sarili nitong sakdal na katawan at hindi ng mga haing hayop, ang bisa ng mga haing hayop o ang pangangailangan ukol sa mga ito; pagkatapos, si Jesus ay “pumasok sa langit,” “hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa dakong banal at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin.” (Heb 4:14; 9:12; 10:5, 6, 9) Pumasok siya sa dakong banal na isinasagisag ng Kabanal-banalan na pinapasok noon ni Aaron, samakatuwid nga, “sa langit mismo, upang ngayon ay humarap sa mismong persona ng Diyos para sa atin.”​—Heb 9:24.

Ang hain ni Jesus bilang ang antitipikong Mataas na Saserdote ay hindi na kailangang ulitin na gaya ng ginagawa noon ng mga Aaronikong saserdote, dahil ang kaniyang hain ay aktuwal na nakapag-aalis ng kasalanan. (Heb 9:13, 14, 25, 26) Karagdagan pa, walang saserdote na mula sa Aaronikong pagkasaserdote ang maaaring mabuhay nang napakahaba upang lubusang makapagligtas o makapagdulot ng ganap na kaligtasan at kasakdalan sa lahat ng kaniyang pinaglilingkuran, ngunit ‘magagawa ni Kristo na iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.’​—Heb 7:23-25.

Bukod sa paghahandog ng mga hain, pinagpapala rin ng mataas na saserdote ng Israel ang bayan at siya ang pangunahing nagtuturo sa kanila ng matuwid na mga kautusan ng Diyos. Totoo rin ito kung tungkol kay Jesu-Kristo. Nang humarap siya sa kaniyang Ama sa langit, siya’y “naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan at umupo sa kanan ng Diyos, na mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.” (Heb 10:12, 13; 8:1) Samakatuwid, “sa ikalawang pagkakataon na siya ay magpapakita, ito ay hiwalay sa kasalanan at doon sa mga marubdob na naghahanap sa kaniya para sa kanilang kaligtasan.”​—Heb 9:28.

Makikita pa sa ibang diwa ang kahigitan ni Jesu-Kristo bilang Mataas na Saserdote. Nang maging isang tao na may dugo at laman tulad ng kaniyang “mga kapatid” (Heb 2:14-17), siya’y lubusang nasubok; dumanas siya ng lahat ng uri ng pagsalansang, pag-uusig, at nang dakong huli, ng isang kahiya-hiyang kamatayan. Gaya ng nakasaad: “Bagaman siya ay Anak, natuto siya ng pagkamasunurin mula sa mga bagay na kaniyang pinagdusahan; at pagkatapos na siya ay mapasakdal, siya ang nagkaroon ng pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya.” (Heb 5:8, 9) Ipinaliliwanag ni Pablo ang mga pakinabang na matatanggap natin dahil sa pagkakasubok na iyon kay Jesus: “Sapagkat yamang siya mismo ay nagdusa nang inilalagay sa pagsubok, magagawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.” (Heb 2:18) Yaong mga nangangailangan ng tulong ay makatitiyak sa kaniyang maawain at madamaying konsiderasyon. “Sapagkat,” sabi ni Pablo, “taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.”​—Heb 4:15, 16.

Mga Kristiyanong Katulong na Saserdote. Si Jesu-Kristo ang tanging saserdote “sa paraang gaya ng kay Melquisedec” (Heb 7:17), ngunit tulad ni Aaron na mataas na saserdote ng Israel, si Jesu-Kristo ay may lupon ng mga katulong na saserdote na inilaan sa kaniya ng kaniyang Ama na si Jehova. Ang mga ito’y pinangakuan na magiging mga kasamang tagapagmana niya sa langit, kung saan makikibahagi rin sila bilang mga kasamang hari sa kaniyang Kaharian. (Ro 8:17) Sila’y tinatawag na “isang maharlikang pagkasaserdote.” (1Pe 2:9) Sa pangitain sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, sila’y ipinakikitang umaawit ng isang bagong awit kung saan sinasabi nilang sila’y binili ni Kristo sa pamamagitan ng kaniyang dugo at ‘ginawang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at na mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.’ (Apo 5:9, 10) Nang maglaon, sa pangitain ding iyon, ipinakita na sila’y may bilang na 144,000. Inilalarawan din na sila’y “binili mula sa lupa,” bilang mga tagasunod ng Kordero, anupat “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apo 14:1-4; ihambing ang San 1:18.) Sa kabanatang ito ng Apocalipsis (14), may babalang ibinigay hinggil sa marka ng hayop, at ipinakita na ang pag-iwas sa markang ito ay “nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal.” (Apo 14:9-12) Ang 144,000 na ito na binili ang mga nagbabata nang may katapatan, anupat mabubuhay at mamamahala bilang mga hari na kasama ni Kristo, at ‘magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.’ (Apo 20:4, 6) Sumapit sila sa ganitong maluwalhating katayuan dahil sa mga paglilingkod ni Jesus bilang mataas na saserdote.

Mga Makikinabang sa Makalangit na Pagkasaserdote. Ipinahihiwatig ng pangitain na nakaulat sa Apocalipsis tungkol sa Bagong Jerusalem kung sino ang tatanggap ng mga paglilingkod ng dakilang Mataas na Saserdote at ng mga kasama niya bilang makalangit na mga katulong na saserdote. Pinaglingkuran ni Aaron at ng kaniyang pamilya, gayundin ng makasaserdoteng tribo ni Levi, ang taong-bayan ng 12 tribo sa lupain ng Palestina. Kung tungkol sa Bagong Jerusalem, “ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito.”​—Apo 21:2, 22-24.

Tingnan din ang SASERDOTE.

[Tsart sa pahina 344-346]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

LINYA NG MGA MATAAS NA SASERDOTE SA ISRAEL

Matatagpuan sa 1 Cronica 6:1-15, 50-53 at Ezra 7:1-5 ang mga talaangkanan ng mga mataas na saserdote. Hindi nakatala sa mga ito ang lahat ng pangalan; may ilang kawing na hindi binanggit, gaya ng pangkaraniwan sa mga talahanayan ng angkan ng mga Hebreo. Si Josephus at ang mga Judiong rabbi ay nagsingit ng karagdagang mga pangalan, ngunit hindi matiyak ang katumpakan ng mga iyon. Ipinahihiwatig ng tandang pananong sa mga pangalang nakasulat sa makakapal na letra na ang indibiduwal ay posibleng naglingkod bilang mataas na saserdote (at ang ilan ay malamang na gayon nga) ngunit sa Bibliya ay nakatala lamang sa linya ng angkan ng mataas na saserdote at hindi espesipikong binanggit na naglingkod bilang gayon.

Levi (Anak ni Jacob.​—Gen 29:34)

Kohat (Gen 46:11; Exo 6:16; 1Cr 6:1)

Amram (Exo 6:18; 1Cr 6:2)

Izhar

Hebron

Uziel

Gerson

Merari

1512 B.C.E.​—PASIMULA NG PAGKASASERDOTE NG ISRAEL

Moises

AARON (Exo 6:20; 1Cr 23:13)

ELEAZAR (Exo 6:23; Lev 10:1-7; Bil 20:25-28; 1Cr 6:3)

Nadab (namatay) (Exo 6:23; 1Cr 24:1, 2)

Abihu (namatay)

Itamar

(Ang kaban ng tipan ay nasa Shilo mula noong masupil ang lupain [mga 1467 B.C.E.] hanggang noong panahon ni Eli, at pansamantala rin itong nanatili sa Bethel.​—Jos 18:1; Huk 20:18, 26-28)

PINEHAS (Ibinigay ni Jehova sa kaniyang linya ang tipan para sa pagkasaserdote.​—Exo 6:25; Bil 25:10-13; Jos 22:13; Huk 20:27, 28)

ABISUA? (1Cr 6:4, 5; Ezr 7:5)

BUKI? (1Cr 6:5; Ezr 7:4)

UZI? (1Cr 6:5, 6; Ezr 7:4)

Zerahias (1Cr 6:6; Ezr 7:4)

Meraiot (1Cr 6:6, 7; Ezr 7:3, 4)

Amarias (1Cr 6:7)

Ahitub (2Sa 8:17; 1Cr 6:7, 8; 18:16)

(Lumilitaw na ang linya ni Itamar ang nanungkulan nang panahong ito)

ELI (Unang mataas na saserdote mula sa linya ni Itamar; hinalinhan niya si Abisua o si Uzi, ayon kay Josephus, Jewish Antiquities, V, 361, 362 [xi, 5]; VIII, 12 [i, 3]; ihambing ang 1Cr 24:3)

Hopni

Pinehas

(Nabihag ng mga Filisteo ang Kaban. Namatay si Eli at ang kaniyang mga anak. Pitong-buwang nanatili sa teritoryo ng mga Filisteo ang Kaban. [1Sa 4:17, 18; 6:1] Ibinalik ang Kaban, pansamantala’y sa Bet-semes, pagkatapos ay napasa Kiriat-jearim [Baale-juda] sa bahay ni Abinadab sa loob ng maraming taon, hanggang noong mabihag ni David ang Sion.​—1Sa 6:14, 15; 7:2; 2Sa 6:2, 3)

Icabod (1Sa 4:19-22)

AHITUB? (1Sa 14:3; 22:9)

AHIAS (Malamang ay kapatid ni Ahimelec. Naglingkod sa tabernakulo sa Shilo.​—1Sa 14:3)

(Tinangka ni David na dalhin sa Jerusalem ang Kaban; pinatay si Uzah. Dinala ni David sa bahay ni Obed-edom na Giteo ang Kaban; tatlong-buwang nanatili roon ang Kaban; pagkatapos ay inilipat ito ni David sa Jerusalem.​—2Sa 6:1-11)

AHIMELEC (Tumulong kay David; nasawi nang ipapatay ni Saul ang 85 saserdote ng Nob.​—1Sa 21:1-6; 22:9-18)

ABIATAR (Tumakas at sumama kay David. [1Sa 22:20-23; 23:6, 9; 30:7] Ngunit nang maglaon ay sumuporta kay Adonias at pinatalsik ni Solomon sa tungkulin. Naiwala ng sambahayan ni Eli ang mataas na pagkasaserdote, bilang katuparan ng mga salita ni Jehova sa 1 Samuel 2:30-36.​—1Ha 2:27, 35)

Bumalik sa linya ni Eleazar ang katungkulan

ZADOK (Maaaring siya ang “ikalawang” saserdote noong panahon ng paghahari ni David. [Tingnan ang 2Ha 25:18; Jer 52:24.] Nanatiling tapat kay David noong tangkain ni Adonias na agawin ang trono. Hinirang ni Solomon bilang mataas na saserdote kahalili ni Abiatar.​—2Sa 8:17; 15:24-29; 19:11; 1Ha 1:7, 8, 32-45; 2:27, 35; 1Cr 24:3)

(Inilagay sa bagong-tayong templo ni Solomon ang Kaban.​—1Ha 8:1-6)

AHIMAAS? (2Sa 15:27, 36; 17:20; 1Cr 6:8)

AZARIAS (I)? (1Ha 4:2; 1Cr 6:9)

(Ang tatlong sumusunod na pangalan, Amarias, Jehoiada, at Zacarias, ay maliwanag na mga kawing na hindi isinama sa 1Cr 6:1-15)

AMARIAS (Noong panahon ni Haring Jehosapat.​—2Cr 19:11)

JEHOIADA (Noong panahon nina Ahazias, Athalia, at Jehoas.​—2Ha 11:4–12:9; 2Cr 22:10–24:15)

ZACARIAS? (Binato hanggang sa mamatay, anupat may pahintulot ni Haring Jehoas.​—2Cr 24:20-22)

JOHANAN? (1Cr 6:10)

AZARIAS (II) (Malamang na siya ang saserdoteng sumalansang kay Haring Uzias dahil sa mapangahas na pagkilos nito.​—1Cr 6:10; 2Cr 26:17-20)

(Ang dalawang sumusunod na pangalan, Urias at Azarias, ay maaaring mga kawing na hindi binanggit sa 1Cr 6:1-15)

URIAS? (Ang saserdoteng nagtayo ng altar na katulad ng paganong altar sa Damasco, ayon sa utos ni Haring Ahaz.​—2Ha 16:10-16)

AZARIAS (II o III) (Mula sa linya ni Zadok; naglingkod noong panahon ni Haring Hezekias. Maaaring siya rin si Azarias II na naunang itinala, o iba pa na kapangalan nito.​—2Cr 31:10-13)

AMARIAS? (1Cr 6:11; Ezr 7:3)

AHITUB (Ne 11:11; 1Cr 6:11, 12; 9:11; Ezr 7:2)

MERAIOT? (Siya’y isang saserdote, isang inapo ni Ahitub, ngunit maaaring hindi naglingkod bilang mataas na saserdote.​—1Cr 9:11; Ne 11:11)

ZADOK? (1Cr 6:12; 9:11; Ezr 7:2; Ne 11:11)

SALUM? (Mesulam) (1Cr 6:12, 13; 9:11; Ezr 7:2; Ne 11:11)

HILKIAS (Noong panahon ni Haring Josias.​—2Ha 22:4-14; 23:4; 1Cr 6:13; 2Cr 34:9-22)

AZARIAS (III o IV)? (1Cr 6:13, 14)

SERAIAS (Pinatay ni Nabucodonosor sa Ribla matapos bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.​—2Ha 25:18-21; 1Cr 6:14; Ezr 7:1; Jer 52:24-27)

JEHOZADAK? (Dinala ni Nabucodonosor sa pagkatapon sa Babilonya noong 607 B.C.E. Ang anak niyang si Jesua [Josue] at posibleng ang iba pa niyang mga anak ay isinilang noong panahon ng pagkatapon. Sabihin pa, hindi na siya nakapanungkulan sa templo.​—1Cr 6:14, 15; Ezr 3:2)

(Naglaho ang kaban ng tipan; wala na sa mga templong itinayo sa Jerusalem nang dakong huli)

PAGKABALIK MULA SA PAGKATAPON

JOSUE (Jesua) (Bumalik noong 537 B.C.E. kasama ni Zerubabel.​—Ezr 2:2; 3:2; Ne 12:10; Hag 1:1; Zac 3:1; 6:11)

JOIAKIM? (Ne 12:10, 12; nanungkulan noong panahong bumalik si Ezra sa Jerusalem, ayon kay Josephus, Jewish Antiquities, XI, 121 [v, 1])

ELIASIB (Noong panahon ni Nehemias.​—Ne 3:20; 12:10, 22; 13:4, 6, 7)

JOIADA? (Ne 12:10, 11, 22; 13:28)

JOHANAN (Jonatan?) (Ne 12:11, 22, 23)

JADUA? (Malamang ay noong panahon ni Dario na Persiano o ‘hanggang noon.’​—Ne 12:11, 22)

MULA SA PANAHON NI DARIO (II) NA PERSIANO

(Mula sa panahong ito, ang talaan ng mga mataas na saserdote na naglingkod hanggang noong panahon ng mga Macabeo ay kinuha sa Apokripal na mga aklat ng Una at Ikalawang Macabeo at sa Jewish Antiquities [XI-XX], ni Josephus. Mas maraming mataas na saserdoteng binanggit si Josephus kaysa sa Unang Macabeo. Mula noong panahon ng mga Macabeo hanggang sa mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E., ang pangunahing mapagkukunan ng impormasyon ay si Josephus. Tatlo lamang ang binanggit ng Bibliya [sina Anas, Jose Caifas, at Ananias]. Sa karamihan ng kaso, waring nasunod naman ang linya ng mga mataas na saserdote, bagaman ang mga paganong tagapamahala ay nag-alis at nag-atas ng mga mataas na saserdote ayon sa sarili nilang kagustuhan.)

ONIAS I

SIMON I

ELEAZAR

MANASES

ONIAS II (Ipinagpatuloy sa tudling sa kanan)

SIMON II

ONIAS III

JOSUE (Sa Gr., Jesus); tinawag ding Jason

ONIAS (Tinawag ding Menelaus)

JAKIM (Tinawag na Alcimus sa Griego); tinawag ding Jacimus

ANG MGA MACABEONG SASERDOTENG-HARI

JONATAN

SIMON (Kapatid ni Jonatan)

JOHN HYRCANUS

ARISTOBULO I

ALEXANDER JANNAEUS

HYRCANUS II (Pansamantalang naagaw ni Aristobulo II ang pamamahala)

ANTIGONUS

PAGKATAPOS NA MAGING HARI SI HERODES NA DAKILA (Mat 2:1)

(Hinirang ni Herodes)

HANANEL (Anyong Latin ng Gr. na Ananelus)

ARISTOBULO III

HANANEL (ikalawang pagkakataon)

JESUS (anak ni Phabet)

SIMON (anak ni Boethus)

MATIAS (Matatias) (manugang ni Boethus)

JOAZAR (anak ni Boethus)

(Hinirang ni Arquelao, Hari ng Judea​—Mat 2:22)

ELEAZAR (anak ni Boethus)

JESUS (anak ni Sie) (Joazar ibinalik ng pulutong sa puwesto)

(Hinirang ni Quirinio, Gobernador ng Sirya​—Luc 2:2)

ANAS (Ananus) (anak ni Set) (Hinirang ni Quirinio; pinatalsik ni Valerius Gratus, gobernador ng Judea, noong mga 15 C.E. Siya ang biyenan ni Caifas. Pagkatapos mapatalsik, patuloy pa rin siyang naging maimpluwensiya.​—Luc 3:2; Ju 18:13, 24; Gaw 4:6)

(Hinirang ni Valerius Gratus, Gobernador ng Judea)

ISMAEL (anak ni Phabi)

ELEAZAR (anak ni Anas)

SIMON (anak ni Camithus)

JOSE CAIFAS (Nanungkulan sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa at noong maagang bahagi ng ministeryo ng mga apostol. Bilang mataas na saserdote, siya ang nangasiwa sa paglilitis kay Jesus sa harap ng Sanedrin, kasama ng kaniyang biyenang si Anas. [Mat 26:3, 57; Luc 3:2; Ju 11:49, 51; 18:13, 14, 24, 28] Ipinatawag nila ni Anas sina Pedro at Juan at inutusan ang mga ito na huminto sa pangangaral. [Gaw 4:6, 18] Si Caifas ang mataas na saserdoteng nagbigay ng mga liham kay Saul para sa sinagoga sa Damasco upang maaresto ang mga Kristiyano.​—Gaw 9:1, 2, 14)

(Hinirang ni Vitellius, Gobernador ng Sirya)

JONATAN (anak ni Anas)

TEOFILO (anak ni Anas)

(Hinirang ni Herodes Agripa I)

SIMON (Cantheras) (anak ni Boethus)

MATIAS (Matatias) (anak ni Anas)

ELIONAEUS (anak ni Cantheras)

(Hinirang ni Herodes, Hari ng Chalcis)

JOSE (anak ni Camydus)

ANANIAS (anak ni Nedebaeus) (Nangasiwa sa Sanedrin noong litisin si Pablo.​—Gaw 23:2; 24:1)

(Hinirang ni Herodes Agripa II)

ISMAEL (anak ni Phabi)

JOSE (Cabi) (anak ng dating mataas na saserdoteng si Simon)

ANAS (Ananus) (anak ni Anas)

JESUS (anak ni Damnaeus)

JESUS (anak ni Gamaliel)

MATIAS (Matatias) (anak ni Teofilo)

PHANAS (Phannias o Pinehas; anak ni Samuel) (Noong panahon ng pakikipagdigma sa Roma, ang taong-bayan, hindi si Herodes, ang nag-atas sa kaniya bilang mataas na saserdote)

[Larawan sa pahina 341]

Mga kasuutan ng mataas na saserdote ng Israel