Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matandang Lalaki

Matandang Lalaki

Ang salitang Hebreo na za·qenʹ at ang salitang Griego na pre·sbyʹte·ros, kapuwa nangangahulugang “matandang lalaki,” o “matanda,” ay hindi lamang ginagamit upang tumukoy sa mga taong may-edad na (Gen 18:11; Deu 28:50; 1Sa 2:22; 1Ti 5:1, 2) o sa isa na mas nakatatanda (Luc 15:25) kundi ikinakapit din ito sa pantanging paraan doon sa mga humahawak ng posisyong may awtoridad at may pananagutan sa isang komunidad o bansa. Sa huling nabanggit na diwa pinakamadalas gamitin ang mga terminong ito sa Hebreo at sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Mula pa noong sinaunang mga panahon at hanggang sa ngayon, nakaugalian nang igalang ang matandang lalaki, anupat nirerespeto siya dahil sa kaniyang karanasan at kaalaman at dahil sa karunungan at matinong pagpapasiya na natamo niya mula rito. Sa maraming bansa, nagpapasakop ang mga tao sa patnubay ng kanilang matatandang lalaki, maaaring sa matatandang miyembro ng mga linya ng kanilang pamilya o sa mga taong kilalá dahil sa kanilang kaalaman at karunungan. Dahil dito, ang pananalitang “matandang lalaki” ay nagkaroon ng dalawang kahulugan, anupat maaaring gamitin sa pisikal na diwa o bilang isang katawagan ng posisyon o katungkulan. Ang mga pagtukoy sa “matatandang lalaki [“mga dignitaryo,” JB] sa lupain ng Ehipto” at sa ‘matatandang lalaki ng Moab at sa matatandang lalaki ng Midian’ ay hindi sumasaklaw sa bawat may-edad na lalaki sa mga bansang iyon kundi kumakapit sa mga naglilingkod bilang isang sanggunian upang mangasiwa at pumatnubay sa mga gawain ng bansa; sila ang “mga prinsipe [sa Heb., sa·rimʹ; “mga pinuno,” AT]” ng mga bansang iyon.​—Gen 50:7; Bil 22:4, 7, 8, 13-15; Aw 105:17, 21, 22.

Sa gayunding paraan, ang mga pananalitang “matatandang lalaki ng Israel,” “matatandang lalaki ng kapulungan,” “matatandang lalaki ng aking bayan,” “matatandang lalaki sa lupain,” ay ginagamit sa opisyal na diwa, anupat hindi kumakapit sa bawat may-edad na lalaki sa bansang Israel. (Bil 16:25; Lev 4:15; 1Sa 15:30; 1Ha 20:7, 8) Sa iilang kaso kung saan lumilitaw ang zeqe·nimʹ (matatandang lalaki) nang walang kasamang mga salita na magbibigay-linaw, ang konteksto ang dapat pagbatayan upang malaman kung ang tinutukoy nito ay yaong mga may-edad na lalaki lamang o yaong mga may opisyal na katungkulan bilang mga pinuno.

Matatandang Lalaki (Matatanda) ng Israel. Bago pa man ang Pag-alis, ang mga Israelita ay mayroon nang “matatandang lalaki” na naghaharap ng mga bagay-bagay sa bayan, gumaganap bilang kanilang mga tagapagsalita, at gumagawa ng mga pasiya. Nang pabalik na si Moises sa Ehipto, inutusan siyang iharap ang kaniyang atas sa matatandang lalaking ito, at ang mga lalaking ito, o malamang na ang mga pangunahin sa kanila, ay sumama sa kaniya nang pumaroon siya sa harap ni Paraon.​—Exo 3:16, 18.

Nang iharap ni Moises, bilang kinatawan ng Diyos, ang tipang Kautusan sa bansa, ang opisyal na “matatandang lalaki” ang kumatawan sa bayan nang pumasok sila sa pakikipagtipang iyon kay Jehova. (Exo 19:3-8) Pagkaraan ng ilang panahon, nang magreklamo ang mga Israelita dahil sa mga kalagayan sa ilang, ipinagtapat ni Moises kay Jehova ang suliraning ito, palibhasa’y nabibigatan na siya sa pangangasiwa sa bansa. Pagkatapos ay inutusan ng Diyos si Moises: “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki mula sa matatandang lalaki ng Israel, na kilala mong sila ay matatandang lalaki ng bayan at mga opisyal sa kanila, . . . at kukunin ko ang ilang bahagi ng espiritu na sumasaiyo at ilalagay ko iyon sa kanila, at tutulungan ka nila sa pagdadala ng pasan.” (Bil 11:16, 17) Ang “matatandang lalaki” na ito ay inatasan sa paglilingkod na ito sa teokratikong paraan. (Bil 11:24, 25) Pagkatapos, ginamit sila ni Jehova upang makatulong ni Moises sa pananagutang manguna at mangasiwa.

Nang maglaon, sinakop ng pagala-galang mga Israelita ang Lupang Pangako at muli silang namirmihan sa mga bayan at mga lunsod, gaya ng kanilang paraan ng pamumuhay sa Ehipto. Ang matatandang lalaking iyon ang nagkaroon ng pananagutan sa taong-bayan sa bawat komunidad. Gumanap sila bilang isang lupon ng mga tagapangasiwa para sa kani-kanilang komunidad, anupat naglaan ng mga hukom at mga opisyal para sa paglalapat ng katarungan at pagpapanatili ng kapayapaan, mabuting kaayusan, at espirituwal na kalusugan.​—Deu 16:18-20; 25:7-9; Jos 20:4; Ru 4:1-12.

Ang mga pagtukoy sa ‘buong Israel, sa matatandang lalaki nito at sa mga ulo nito at sa mga hukom nito at sa mga opisyal nito,’ (Jos 23:2; 24:1), ‘sa matatandang lalaki ng Israel at sa lahat ng mga ulo ng mga tribo, sa mga pinuno ng mga sambahayan sa panig ng ama’ (2Cr 5:2), ay hindi nangangahulugang ang “mga ulo,” “mga hukom,” “mga opisyal,” at “mga pinuno” ay naiiba pa sa “matatandang lalaki.” Sa halip, ipinahihiwatig lamang ng mga ito na yaong mga binanggit sa gayong espesipikong paraan ay humawak ng pantanging mga katungkulan sa loob ng lupon ng matatandang lalaki.​—Ihambing ang 2Ha 19:2; Mar 15:1.

Yaong mga naglilingkod sa bansa bilang “matatandang lalaki” ay tinutukoy ng mga pananalitang “matatandang lalaki ng Israel” (1Sa 4:3; 8:4), “matatandang lalaki sa lupain” (1Ha 20:7), “matatandang lalaki ng kapulungan” (Huk 21:16), o, noong mahati na ang kaharian, “matatandang lalaki ng Juda at Jerusalem,” para sa timugang kaharian.​—2Ha 23:1.

Tulad ng marami sa mga hari at mga saserdote ng Israel, sa kabuuan ay hindi naging tapat ang “matatandang lalaki” sa kanilang pananagutan sa Diyos at sa bayan. (1Ha 21:8-14; Eze 7:26; 14:1-3) Dahil naiwala nila ang suporta ng Diyos, ‘mga batang lalaki ang magiging kanilang mga prinsipe,’ at ‘sasalakay ang itinuturing na mababa laban sa isang dapat parangalan.’ (Isa 3:1-5) Sa gayon, idiniriin ng Hebreong Kasulatan na hindi sapat ang pagiging may-edad ng isa, yamang “ang ulong may uban ay [magiging] korona ng kagandahan” lamang kapag ‘nasusumpungan ito sa daan ng katuwiran.’ (Kaw 16:31) Hindi “lamang yaong mga sagana sa araw ang marurunong, ni yaon lamang matatanda ang nakauunawa ng kahatulan,” kundi yaong mga tao na, bukod sa makaranasan ay pinapatnubayan din ng espiritu ng Diyos at nakapagtamo ng unawa hinggil sa kaniyang Salita.​—Job 32:8, 9; Aw 119:100; Kaw 3:5-7; Ec 4:13.

Nagpatuloy ang pangangasiwa ng lupon ng “matatandang lalaki” sa buong kasaysayan ng bansa, kahit noong panahon ng pagkatapon nila sa Babilonya at pagkatapos silang maisauli sa Juda. (Jer 29:1; Ezr 6:7; 10:7, 8, 14) Noong nasa lupa si Jesus, ang “matatandang lalaki” (sa Gr., pre·sbyʹte·roi) ay aktibo sa mga kapakanang pambayan, kapuwa sa komunidad (Luc 7:3-5) at sa buong bansa. Ang “kapulungan ng matatandang lalaki” (sa Gr., pre·sby·teʹri·on) sa Jerusalem ang isa sa pangunahing pinagmulan ng pagsalansang kay Jesus at sa kaniyang mga alagad.​—Luc 22:66; Gaw 22:5.

Ang Matatanda sa Kongregasyong Kristiyano. Batay sa mga impormasyong ito, madali nating maunawaan ang mga pagtukoy sa “matatandang lalaki” (pre·sbyʹte·roi) ng kongregasyong Kristiyano. Kung paano ang kaayusan sa Israel sa laman, gayundin sa espirituwal na Israel, anupat ang “matatandang lalaki,” o matatanda, ay yaong mga may pananagutang mangasiwa sa kongregasyon.

Noong araw ng Pentecostes, kumilos ang mga apostol bilang isang lupon, anupat si Pedro ang nagsilbing tagapagsalita sa pamamagitan ng pagkilos ng ibinuhos na espiritu ng Diyos. (Gaw 2:14, 37-42) Maliwanag na sila ay “matatandang lalaki” sa espirituwal na diwa dahil sa kanilang matagal at matalik na pakikipagsamahan kay Jesus at dahil personal niya silang inatasan na magturo. (Mat 28:18-20; Efe 4:11, 12; ihambing ang Gaw 2:42.) Makikita sa saloobin niyaong mga nagiging mananampalataya na kinikilala nila na ang mga apostol ay may awtoridad na mamahala sa bagong bansa na nasa ilalim ni Kristo (Gaw 2:42; 4:32-37; 5:1-11) at na may awtoridad ang mga ito na magbigay ng mga atas para sa paglilingkod, sa tuwirang paraan man bilang isang lupon o sa pamamagitan ng mga kinatawan, anupat ang kilaláng halimbawa nito ay ang apostol na si Pablo. (Gaw 6:1-6; 14:19-23) Nang uminit ang usapin ng pagtutuli, nagpulong ang “matatandang lalaki” kasama ang mga apostol upang isaalang-alang ang bagay na ito. Ang kanilang pasiya ay ipinabatid sa mga kongregasyon sa lahat ng lugar at tinanggap ito bilang opisyal na utos. (Gaw 15:1-31; 16:1-5) Kaya, kung paanong naglingkod sa buong bansang Israel ang ilang “matatandang lalaki,” maliwanag na ang “matatandang lalaki” na ito kasama ang mga apostol ay bumuo ng isang lupong tagapamahala para sa buong kongregasyong Kristiyano sa lahat ng lupain. Nang dakong huli, pumaroon si Pablo sa Jerusalem at nakipagkita kay Santiago at sa “lahat ng matatandang lalaki,” anupat isinaysay niya sa kanila ang mga resulta ng kaniyang gawain at tumanggap siya ng payo mula sa kanila hinggil sa partikular na mga bagay.​—Gaw 21:15-26.

Sa ilang kaso, ang terminong “matatandang lalaki” ay binabanggit bilang kabaligtaran ng mga nakababatang lalaki o kasama ng matatandang babae ngunit walang ipinahihiwatig na pananagutan sa kongregasyon. Sa gayong mga kaso, tinutukoy lamang ng terminong ito ang mga lalaking may-edad na. (Gaw 2:17, 18; 1Ti 5:1, 2) Ginagamit din ito upang tumukoy sa “mga tao ng sinaunang mga panahon.” (Heb 11:2) Gayunman, sa karamihan ng mga kaso sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinutukoy na “matatandang lalaki” ay yaong mga may pananagutang mangasiwa sa kongregasyon. Sa ilang teksto, ang “matatandang lalaki” ay tinatawag na “mga tagapangasiwa” (sa Gr., e·piʹsko·poi; ‘mga obispo,’ KJ). Ginamit ni Pablo ang terminong ito nang kausapin niya ang “matatandang lalaki” ng nag-iisang kongregasyon ng Efeso, at ikinapit niya iyon sa mga nasa gayong posisyon sa kaniyang liham kay Tito. (Gaw 20:17, 28; Tit 1:5, 7) Samakatuwid, ang mga terminong ito ay kapuwa tumutukoy sa iisang posisyon, anupat ipinahihiwatig ng pre·sbyʹte·ros ang may-gulang na mga katangian ng isa na inatasan sa gayong katungkulan, at ipinahihiwatig naman ng e·piʹsko·pos ang mga tungkuling kaakibat ng pag-aatas na iyon.

May kinalaman sa salitang Griego na pre·sbyʹte·ros, sinabi ni Manuel Guerra y Gomez: “Ang eksaktong salin ng terminong ito [pre·sbyʹte·ros] sa halos karamihan ng mga tekstong Helenistiko, na naingatan hanggang sa ngayon, ay ang saling matandang lalaki na singkahulugan ng lalaking may-gulang. Pantanging ipinahihiwatig nito ang pagkamaygulang sa pagpapasiya at kahusayan sa pamamatnubay. . . . May teknikal na diwa man ito o wala, ang terminong ito [pre·sbyʹte·ros], kapuwa sa Helenistiko at sa Israelitang daigdig, ay tumutukoy, hindi sa matandang may sakit, kundi sa halip, sa lalaking may-gulang, na dahil sa kaniyang karanasan at kapantasan ay karapat-dapat na mamahala sa kaniyang pamilya o sa kaniyang bayan.”​—Episcopos y Presbyteros, Burgos, Espanya, 1962, p. 117, 257.

Maliwanag na ang edad, o ang aktuwal na dami ng mga taon na nabuhay ang isa, ay isang salik upang maging kuwalipikadong maglingkod bilang isang “matandang lalaki” sa sinaunang Israel. (1Ha 12:6-13) Kaya sa gayunding paraan, ang “matatandang lalaki,” o mga tagapangasiwa, sa kongregasyong Kristiyano ay hindi mga kabataang lalaki, gaya ng ipinakikita ng pagtukoy ng apostol sa kanila bilang mga may asawa at mga anak. (Tit 1:5, 6; 1Ti 3:2, 4, 5) Gayunpaman, hindi pisikal na edad ang nag-iisa o pangunahing salik, gaya ng makikita sa iba pang mga kuwalipikasyong binanggit (1Ti 3:2-7; Tit 1:6-9), ni may itinakda mang espesipikong edad. Maliwanag na si Timoteo, na nag-atas ng “matatandang lalaki,” ay kinilala rin bilang isang matandang lalaki, bagaman bata-bata pa.​—1Ti 4:12.

Kalakip sa mga kahilingan para sa posisyon bilang isang “matandang lalaki” sa kongregasyong Kristiyano ang isang mataas na pamantayan ng paggawi at espirituwalidad. Ang kakayahang magturo, magpayo, at sumaway ay isang mahalagang salik upang sang-ayunan ang isa bilang “matandang lalaki.” (1Ti 3:2; Tit 1:9) May-kataimtimang inutusan ni Pablo si Timoteo na ‘ipangaral ang salita, maging apurahan dito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan, sumaway, sumawata, magpayo, na lubusang taglay ang mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo.’ (2Ti 4:2) Bilang “mga pastol,” pananagutan ng “matatandang lalaki” ang espirituwal na pagpapakain sa kawan, gayundin ang pangangalaga sa mga may-sakit sa espirituwal at ang pagsasanggalang sa kawan laban sa tulad-lobong mga elemento. (Gaw 20:28-35; San 5:14, 15; 1Pe 5:2-4) Karagdagan pa, palibhasa’y naging masigasig si Pablo sa pagtuturo “nang hayagan at sa bahay-bahay,” ipinaalaala rin niya kay Timoteo ang pananagutan nito na ‘gawin ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusang ganapin ang iyong ministeryo.’​—Gaw 20:20; 2Ti 4:5.

Bawat kongregasyong Kristiyano ay may sariling lupon ng “matatandang lalaki,” o “mga tagapangasiwa,” anupat palaging binabanggit ang mga ito sa anyong pangmaramihan, gaya niyaong nasa Jerusalem (Gaw 11:30; 15:4, 6; 21:18), Efeso (Gaw 20:17, 28), at Filipos (Fil 1:1). Binabanggit ang “lupon ng matatandang lalaki” (sa Gr., pre·sby·teʹri·on) may kinalaman sa ‘pagpapatong ng mga kamay’ kay Timoteo. (1Ti 4:14) Ang “matatandang lalaki,” bilang mga tagapangasiwa ng kongregasyon, ay ‘namuno’ sa kanilang mga kapatid.​—Ro 12:8; 1Te 5:12-15; 1Ti 3:4, 5; 5:17.

Bilang “matatandang lalaki” na may awtoridad bilang apostol, kung minsan ay pinangangasiwaan nina Pablo at Pedro ang ibang “matatandang lalaki” sa ilang kongregasyon (ihambing ang 1Co 4:18-21; 5:1-5, 9-13; Fil 1:1; 2:12; 1Pe 1:1; 5:1-5), gaya ng ginawa ng apostol na si Juan at ng mga alagad na sina Santiago at Judas​—pawang mga manunulat ng mga liham sa mga kongregasyon. Inatasan ni Pablo sina Timoteo at Tito na katawanin siya sa ilang lugar. (1Co 4:17; Fil 2:19, 20; 1Ti 1:3, 4; 5:1-21; Tit 1:5) Sa maraming kaso, bagong-tatag na mga kongregasyon ng mga mananampalataya ang inasikaso ng mga lalaking ito; ang atas ni Tito ay ‘ituwid ang mga bagay na may depekto [o kulang, kapos]’ sa mga kongregasyon sa Creta.

Sina Pablo, Bernabe, Tito, at maliwanag na pati si Timoteo ay iniulat na nakibahagi sa pag-aatas ng mga tao bilang “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Gaw 14:21-23; 1Ti 5:22; Tit 1:5) Walang rekord na gumawa ng sariling mga pag-aatas ang mga kongregasyon. Nang inilalahad ang muling pagdalaw nina Pablo at Bernabe sa Listra, Iconio, at Antioquia, sinabi ng Gawa 14:23 na “nag-atas sila ng matatandang lalaki [sa Gr., khei·ro·to·neʹsan·tes] para sa kanila sa bawat kongregasyon” (“sa bawat isa sa mga iglesyang ito ay nag-atas sila ng matatanda,” JB; “nag-atas sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya,” RS). May kinalaman sa kahulugan ng pandiwang Griego na khei·ro·to·neʹo, ganito ang mababasa sa The Acts of the Apostles, ni F. F. Bruce (1970, p. 286): “Bagaman ang etimolohikal na diwa ng [khei·ro·to·neʹo] ay ‘ihalal sa pamamagitan ng pagtataas ng mga kamay’, nang maglaon ay ginamit ito sa diwa na ‘italaga’, ‘atasan’: ihambing ang salita ring iyon na may unlapi [pro, “sa unahan”] sa x. 41.” Ang Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott, pagkatapos na ibigay muna ang karaniwang mga katuturan ng khei·ro·to·neʹo, ay nagsasabi: “nang maglaon, sa pangkalahatan, atasan, . . . atasan sa isang katungkulan sa Iglesya.” (Nirebisa ni H. Jones, Oxford, 1968, p. 1986) Gayundin naman, ang Greek and English Lexicon to the New Testament ni Parkhurst (London, 1845, p. 673) ay nagsasabi: “Kung sinusundan ng isang accusative, atasanilagay sa isang katungkulan, bagaman walang halalan o mga boto.” Inatasan ang mga lalaking Kristiyanong ito sa katungkulan bilang “matandang lalaki,” o matanda, nang walang anumang sumusuportang boto ng iba na nagtaas ng kanilang mga kamay.

Nang sumulat si Pablo kay Timoteo, sinabi niya: “Ang matatandang lalaki na namumuno sa mahusay na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo.” (1Ti 5:17) Dahil sa sumusunod na talata (18) at gayundin sa sinundang pagtalakay kung paano pararangalan ang mga babaing balo sa materyal na paraan (tal 3-16), maliwanag na kalakip sa “dobleng karangalan” na ito ang materyal na tulong.

Sino ang “dalawampu’t apat na matatanda” na nasa makalangit na mga trono?

Sa aklat ng Apocalipsis, lumilitaw ang terminong pre·sbyʹte·roi nang 12 ulit at ikinakapit ito sa mga espiritung nilalang. Ipinahihiwatig ng kanilang mga kapaligiran, damit, at mga ikinikilos kung sino sila.

Ang apostol na si Juan ay nagkaroon ng isang pangitain hinggil sa trono ni Jehova sa langit, na napalilibutan ng 24 na nakabababang trono kung saan nakaupo naman ang 24 na matatanda na nadaramtan ng mapuputing panlabas na kasuutan at may mga ginintuang korona sa kanilang mga ulo. (Apo 4:1-4) Sa pagpapatuloy ng pangitain, nakita ni Juan na ang 24 na matatanda ay hindi lamang paulit-ulit na sumusubsob bilang pagsamba sa harap ng trono ni Jehova kundi nakikibahagi rin sila sa iba’t ibang bahagi ng pangitain habang nagaganap ito. (Apo 4:9-11; 5:4-14; 7:9-17; 14:3; 19:4) Kitang-kita silang nakikibahagi sa paghahayag ng Kaharian na sa diwa ay nagsasabing kinuha ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan at nagsimula na siyang mamahala bilang hari.​—Apo 11:15-18.

Sa sinaunang Israel, ang “matatandang lalaki [matatanda] ng Israel” ay kumatawan at nagsalita para sa buong bansa. (Exo 3:16; 19:7) Sa gayunding paraan, ang “matatanda” ay maaaring kumatawan sa buong kongregasyon ng espirituwal na Israel. Samakatuwid, malamang na ang 24 na matatanda na nakaupo sa mga tronong nasa palibot ng Diyos ay kumakatawan sa buong lupon ng mga pinahirang Kristiyano na, palibhasa’y naging tapat hanggang sa kamatayan, tumanggap ng ipinangakong gantimpala ng isang makalangit na pagkabuhay-muli at ng mga trono na malapit sa trono ni Jehova. (Apo 3:21) Makahulugan din ang bilang na 24, sapagkat ito ang bilang ng mga pangkat ng mga saserdoteng inorganisa ni Haring David upang maglingkod sa templo sa Jerusalem. Ang mga pinahirang Kristiyano ay magiging “isang maharlikang pagkasaserdote.”​—1Pe 2:9; 1Cr 24:1-19; Luc 1:5-23, 57-66; Apo 20:6; tingnan ang TAGAPANGASIWA.