Matataas na Dako
Ang salitang Hebreo na karaniwang isinasalin bilang “matataas na dako” (ba·mohthʹ) ay kadalasang iniuugnay sa pagsamba, ngunit maaari rin itong tumukoy sa matataas na lugar, mga burol, at mga bundok (2Sa 1:19, 25 [ihambing ang 1Sa 31:8]; Am 4:13; Mik 1:3), “matataas na alon sa dagat” (sa literal, matataas na dako sa dagat) (Job 9:8), at mga kaitaasan, o “matataas na dako ng mga ulap” (Isa 14:14).
Maliwanag na ang mga pananalitang ‘sumakay sa matataas na dako sa lupa’ at ‘tumuntong sa matataas na dako’ ay dapat unawain na tumutukoy sa matagumpay na pagsakop sa isang lupain, sapagkat, sa diwa, ang isa na kumokontrol sa lahat ng matataas na dako, samakatuwid nga, sa mga burol at mga bundok ng isang bansa, ay panginoon ng lupain.—Mga Sentro ng Huwad na Pagsamba. Ang matataas na dako, o ang mga lugar o mga dambana kung saan isinasagawa ang idolatriya, ay matatagpuan hindi lamang sa mga burol at mga bundok kundi pati sa mga libis, mga batis, mga lunsod, at sa ilalim ng mga punungkahoy. (Deu 12:2; 1Ha 14:23; 2Ha 17:29; Eze 6:3) Ang mga ito ay may mga altar para sa paghahain, mga patungan ng insenso, mga sagradong poste, mga sagradong haligi, at mga nililok na imahen. (Lev 26:30; Bil 33:52; Deu 12:2, 3; Eze 6:6) Sa maraming matataas na dako ay may naglilingkod na mga patutot na lalaki at babae. (1Ha 14:23, 24; Os 4:13, 14) Kalimitan, sa matataas na dako isinasagawa ang mahahalay na ritwal, lakip na ang seremonyal na pagpapatutot at paghahain ng mga bata.—Isa 57:5; Jer 7:31; 19:5.
Mayroon ding mga bahay, o mga santuwaryo, ng matataas na dako kung saan may nangangasiwang mga saserdote at kung saan iniingatan ang mga imahen ng mga bathala. (1Ha 12:31; 13:32; 2Ha 17:29, 32; 23:19, 20; Isa 16:12) Kaya naman, kung minsan, ang katawagang “mataas na dako” ay maaaring tumutukoy sa gayong santuwaryo sa halip na sa isang mataas na lugar para sa pagsamba. Ipinahihiwatig ito ng pagbanggit ni Ezekiel sa matataas na dako na may sari-saring kulay. (Eze 16:16) Marahil, ang matataas na dakong ito ay mga santuwaryong tulad-tolda.
Bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita, inutusan silang sirain ang sagradong matataas na dako ng mga Canaanita at ang lahat ng kagamitan ng huwad na pagsamba na nauugnay sa mga iyon. (Bil 33:51, 52) Ngunit hindi ito ginawa ng mga Israelita, at pagkamatay ni Josue at ng nakatatandang salinlahi, pumasok ang malawakang apostasya.—Huk 2:2, 8-13; Aw 78:58.
Hindi Lahat ng Matataas na Dako ay Hinatulan. Ayon sa kautusan ni Jehova, ang mga hain ay dapat lamang ihandog sa dakong itinalaga niya. Noong mga araw ni Josue, batid ng mga Israelita na ang di-sinasang-ayunang pagtatayo ng altar para sa handog na sinusunog ay maituturing na paghihimagsik kay Jehova. (Deu 12:1-14; Jos 22:29) Gayunman, may mga indikasyon na nang alisin sa tabernakulo ang sagradong Kaban (1Sa 4:10, 11; 6:1, 10-14; 7:1, 2), nagkaroon na rin ng sinang-ayunang paghahain sa ibang mga lugar, anupat sa ilang kaso ay ginagawa ito nang regular at hindi lamang sa pantanging mga pagkakataon. (1Sa 7:7-9; 10:8; 11:14, 15; 16:4, 5; 1Ha 3:3; 1Cr 21:26-30) Sa mataas na dako na nasa isang lunsod na di-binanggit ang pangalan, sa lupain ng Zup, ay may itinayong istraktura at waring doon maaaring kainin ang mga haing pansalu-salo. Mga 30 katao, o baka higit pa, ang kasya sa bulwagang kainan doon. Maging ang mga babae sa lunsod ay pamilyar sa paraan ng paghahain doon. (1Sa 9:5, 11-13, 22-25) Maaari ring isang kaugalian noon ng mga pamilya ang taunang paghahain, hindi sa tabernakulo, kundi sa kani-kanilang lunsod.—1Sa 20:6, 29.
Noon, ipinahintulot ang paghahain sa matataas na dako sapagkat wala pang bahay na naitatayo para sa pangalan ni Jehova. Dahil dito, kinailangang maghain si Solomon sa bantog na mataas na dako sa Gibeon, na kinaroroonan ng tabernakulo noong panahong iyon.—1Ha 3:2-4; 1Cr 16:37-40, 43; 21:29; 2Cr 1:3, 13; tingnan ang ALTAR; HANDOG, MGA.
Ang Paghahari ni Solomon at ang Sampung-Tribong Kaharian. Noong huling bahagi ng kaniyang paghahari, si Haring Solomon ay nagtayo ng matataas na dako para sa huwad na mga diyos na sinasamba ng kaniyang mga asawang banyaga. Isang dahilan ito kung bakit iniwan ng mga Israelita ang tunay na pagsamba kay Jehova at naglingkod sa huwad na mga diyos. Kaya naman, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ahias, sinabi ni Jehova na ang sampung tribo ay pupunitin mula sa anak ni Solomon at na si Jeroboam ang mamamahala sa mga ito.—1Ha 11:7, 8, 30-35.
Bagaman tiniyak ni Jehova kay Jeroboam na ang paghahari niya ay magiging matatag kung patuloy siyang maglilingkod sa Diyos nang may katapatan, nang siya’y maging hari ay nangamba siya na baka maghimagsik ang mga Israelita kung patuloy na aahon ang mga ito sa Jerusalem upang sumamba. Sa dahilang ito, itinatag niya ang pagsamba sa guya sa Dan at Bethel at nagtayo siya roon ng matataas na dako. (1Ha 11:38; 12:26-33) Sa panahon ng sampung-tribong kaharian, ang idolatrosong pagsamba ay nagpatuloy sa matataas na dako. “Sinaliksik ng mga anak ni Israel ang mga bagay na hindi tama para kay Jehova na kanilang Diyos at patuloy na nagtayo para sa kanilang sarili ng matataas na dako sa lahat ng kanilang mga lunsod, mula sa tore ng mga bantay hanggang sa nakukutaang lunsod.”—2Ha 17:9.
Sa ilalim ng pagkasi, inihula ng propetang si Amos na ang “matataas na dako ni Isaac” ay magiging tiwangwang. Maliwanag na ang “matataas na dako ni Isaac” ay tumutukoy sa sagradong matataas na dako kung saan nagsagawa ng apostatang pagsamba ang mga Israelita ng sampung-tribong kaharian, na mga inapo ni Isaac sa pamamagitan ni Jacob, o Israel. Ipinahihiwatig din ito ng pagbanggit sa Am 7:9; tingnan din ang Os 10:2-10.
pananalitang “matataas na dako ni Isaac” kasama ng “mga santuwaryo ng Israel.”—Pagkatapos dalhin ng hari ng Asirya sa pagkatapon ang sampung-tribong kaharian, ang matataas na dako ay nanatili pa nang ilang panahon, yamang ang mga taong banyaga na inilipat ng hari ng Asirya sa teritoryo ng Samaria ay nagpatuloy sa paggamit ng matataas na dako sa kanilang pagsamba. (2Ha 17:24, 29-32) Mga 100 taon pagkaraan nito, ibinagsak ng tapat na si Haring Josias ng Juda ang altar at ang mataas na dako sa Bethel at nilapastangan niya ang altar sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga buto ng tao sa ibabaw niyaon. Inalis din niya ang lahat ng bahay ng matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, inihain (pinatay) niya ang lahat ng saserdote ng matataas na dako, at nagsunog siya ng mga buto ng tao sa ibabaw ng mga altar. (2Ha 23:15-20) Tinupad nito ang isang hula na binigkas ng isang di-ipinakilalang “lalaki ng Diyos” mahigit 300 taon ang kaagahan.—1Ha 13:1, 2.
Sa Kaharian ng Juda. Tinularan ni Haring Rehoboam ang pag-aapostata ng kaniyang amang si Solomon, at ang kaniyang mga sakop ay nagpatuloy sa pagtatayo ng matataas na dako at sa pagsasagawa ng mahahalay na ritwal. (1Ha 14:21-24) Gayundin, ang anak at kahalili ni Rehoboam na si Abiam ay “lumakad sa lahat ng kasalanan ng kaniyang ama.”—1Ha 15:1-3.
Si Asa, na humalili kay Abiam sa trono, ay naglingkod kay Jehova nang may katapatan at gumawa ng determinadong pagkilos upang alisin sa kaharian ang lahat ng bagay na ginagamit sa huwad na pagsamba. (1Ha 15:11-13) “Inalis niya mula sa lahat ng lunsod ng Juda ang matataas na dako at ang mga patungan ng insenso.” (2Cr 14:2-5) Gayunman, maliwanag na ipinakikita ng 1 Hari 15:14 at 2 Cronica 15:17 na ang matataas na dako ay hindi naalis. Posible na bagaman inalis ni Asa ang matataas na dako na para sa pagsamba sa huwad na mga diyos, itinira naman niya yaong mga ginagamit ng mga tao upang sambahin si Jehova. O marahil ay muling nagkaroon ng matataas na dako noong malapit nang magtapos ang kaniyang paghahari, at ang mga iyon ay patuloy na umiral hanggang noong wasakin ng kaniyang kahalili na si Jehosapat. Ngunit kahit noong panahon ng paghahari ni Jehosapat, hindi pa rin lubusang nawala ang matataas na dako. (1Ha 22:42, 43; 2Cr 17:5, 6; 20:31-33) Napakalalim ng pagkakaugat sa Juda ng pagsamba sa matataas na dako anupat hindi lahat ng mga iyon ay permanenteng naalis ng mga reporma nina Asa at Jehosapat.
Di-tulad ng kaniyang amang si Jehosapat, si Haring Jehoram ay gumawa ng matataas na dako sa mga bundok ng Juda. (2Cr 21:1, 11) Ang relihiyosong kalagayan ng kaharian ay nanatiling napakasama sa panahon ng mga paghahari ni Ahazias at ng mang-aagaw ng kapangyarihan na si Athalia, anak nina Ahab at Jezebel. (2Ha 8:25-27; 2Cr 22:2-4, 10) Bagaman noong pasimula ng paghahari ni Jehoas ay may isinagawang espesipikong mga reporma upang maisauli ang tunay na pagsamba, muling lumitaw ang apostasya pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Jehoiada, at hindi nawala ang matataas na dako. (2Ha 12:2, 3; 2Cr 24:17, 18) Patuloy na umiral ang matataas na dako bilang mga sentro ng bawal na pagsamba sa panahon ng mga paghahari nina Amazias, Azarias (Uzias), at Jotam. (2Ha 14:1-4; 15:1-4, 32-35) Ang sumunod na Judeanong hari, si Ahaz, ay hindi lamang naghain at gumawa ng haing usok sa matataas na dako kundi pinaraan pa nga niya sa apoy ang kaniyang sariling anak. (2Ha 16:2-4) Gumawa rin siya ng iba pang “matataas na dako para sa paggawa ng haing usok sa ibang mga diyos.”—2Cr 28:25.
Noong mga araw ni Haring Hezekias, isa pang malawakang paglilinis ang isinagawa upang alisin ang matataas na dako. (2Ha 18:1-4, 22; 2Cr 32:12) Pagkatapos ng pagdiriwang ng dakilang Paskuwa noong kaniyang paghahari, ang mga Israelita ay lumibot sa mga lunsod ng Juda at Benjamin at maging sa Efraim at Manases at kanilang pinagdurug-durog ang mga sagradong haligi, pinutol ang mga sagradong poste, at ibinagsak ang matataas na dako at ang mga altar.—2Cr 30:21, 23; 31:1.
Ang pagsasauling ito sa tunay na pagsamba ay hindi nagtagal. Muling itinayo ng anak ni Hezekias na si Manases ang mismong matataas na dako na winasak ng kaniyang ama. (2Ha 21:1-3; 2Cr 33:1-3) Dahil kay Manases, ang mga tao ay gumawi nang mas balakyot pa kaysa sa paganong mga Canaanita na nilipol ni Jehova. Kaya ipinasiya ng Makapangyarihan-sa-lahat na magpasapit ng kapahamakan sa Juda at Jerusalem. (2Ha 21:9-12) Matapos siyang mabihag ng hari ng Asirya at dalhin sa Babilonya, si Manases ay nagsisi. Pagkabalik sa Jerusalem, gumawa siya ng mga hakbang upang alisin ang mga kagamitan ng huwad na pagsamba. Ngunit ang bayan ay naghahandog pa rin ng mga hain sa matataas na dako, gayunma’y hindi para sa huwad na mga diyos kundi para kay Jehova. (2Cr 33:10-17) Tungkol naman sa kahalili ni Manases, ang anak niyang si Amon, hindi nito ipinagpatuloy ang mga repormang pinasimulan ng kaniyang ama kundi pinarami pa niya ang pagkakasala.—2Cr 33:21-24.
Si Josias, na humalili kay Amon, ay gumawa ng tama sa paningin ni Jehova at nanghawakan sa kautusan ni Moises. Inalisan niya ng trabaho ang mga saserdote ng mga banyagang diyos, na naghahandog ng haing usok sa matataas na dako. Ibinagsak niya ang matataas na dako hindi lamang sa buong Juda kundi pati sa mga lunsod ng Samaria. Ang mga lugar na ginagamit sa huwad na pagsamba ay nilapastangan upang hindi na magamit ang mga ito sa paraang pupukaw ng galit ni Jehova.—2Ha 23:4-20; 2Cr 34:1-7.
Ang ulat na nagsasabing ginawang di-karapat-dapat ni Josias para sa pagsamba ang matataas na dakong itinayo ni Solomon ay waring nagpapatibay sa konklusyon na bagaman giniba ng naunang mga hari ang matataas na dako, ang mga ito ay muling itinayo. Makatuwiran lamang isipin na giniba rin ng tapat na mga haring sina Asa at Jehosapat ang matataas na dakong ito ng huwad na pagsamba na itinayo noong panahon ng paghahari ni Solomon.
Bagaman wala nang binabanggit na matataas na dako sa mga ulat ng Mga Hari at Mga Cronica pagkatapos na lubusang pawiin ni Josias ang lahat ng bakas ng huwad na pagsamba, iniuulat na ang huling apat na hari ng Juda, samakatuwid nga, sina Jehoahaz, Jehoiakim, Jehoiakin, at Zedekias, ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova. (2Ha 23:31, 32, 36, 37; 24:8, 9, 18, 19) Muling nagsagawa ng apostatang pagsamba sa matataas na dako ang mga Israelita. Kaya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel, binabalaan ni Jehova ang bansa hinggil sa napakasamang ibubunga nito sa kanila: “Magpapasapit ako sa inyo ng isang tabak, at tiyak na wawasakin ko ang inyong matataas na dako. At ang inyong mga altar ay matitiwangwang at ang inyong mga patungan ng insenso ay mawawasak, at ang mga napatay sa inyo ay pangyayarihin kong mabulagta sa harap ng inyong mga karumal-dumal na idolo.”—Eze 6:3, 4.
Kapansin-pansin na walang anumang iniulat na pagsamba sa matataas na dako pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya. Gaya ng inihula, nakinabang sa kanilang mapait na karanasan ang tapat na mga Judiong nalabi at nakilala nila si Jehova.—Eze 6:9, 10.
[Larawan sa pahina 354]
Mataas na dako sa Gezer. May itinayong mga sagradong haligi rito