Mateo
[malamang na pinaikling anyo ng Heb. na Matitias, nangangahulugang “Kaloob ni Jehova”].
Isang Judio, kilala rin bilang Levi, na naging isang apostol ni Jesu-Kristo at manunulat ng Ebanghelyo na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Siya ay anak ng isang Alfeo at isang maniningil ng buwis bago naging isa sa mga alagad ni Jesus. (Mat 10:3; Mar 2:14; tingnan ang MANININGIL NG BUWIS.) Hindi isinisiwalat ng Kasulatan kung dati nang pangalan ni Levi ang Mateo bago siya naging isang alagad ni Jesus, kung tinanggap niya ito nang panahong iyon, o kung ibinigay ni Jesus ang pangalang iyon nang hirangin siya bilang isang apostol.
Lumilitaw na noong maagang bahagi ng kaniyang ministeryo sa Galilea (30 o maagang bahagi ng 31 C.E.) ay tinawag ni Jesu-Kristo si Mateo mula sa tanggapan ng buwis sa Capernaum o malapit doon. (Mat 9:1, 9; Mar 2:1, 13, 14) ‘Pagkaiwan sa lahat ng bagay, tumindig si Mateo at sumunod kay Jesus.’ (Luc 5:27, 28) Marahil upang ipagdiwang ang pagtanggap ng pagtawag sa kaniya na sumunod kay Kristo, si Mateo ay ‘naghanda ng isang malaking piging bilang pagsalubong’ na dinaluhan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad gayundin ng maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Nakabagabag ito sa mga Pariseo at mga eskriba, anupat dahil dito ay nagbulung-bulungan ang mga ito tungkol sa pagkain at pag-inom ni Kristo kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.—Luc 5:29, 30; Mat 9:10, 11; Mar 2:15, 16.
Nang maglaon, pagkaraan ng Paskuwa ng 31 C.E., pinili ni Jesus ang 12 apostol, at si Mateo ay isa sa kanila. (Mar 3:13-19; Luc 6:12-16) Bagaman ang Bibliya ay gumagawa ng iba’t ibang pagtukoy sa mga apostol bilang grupo, hindi na nito binanggit pa si Mateo sa pangalan hanggang noong pag-akyat ni Kristo sa langit. Nakita ni Mateo ang binuhay-muling si Jesu-Kristo (1Co 15:3-6), tumanggap ng pangwakas na mga tagubilin mula rito, at nakita itong umakyat sa langit. Pagkatapos nito, siya at ang iba pang mga apostol ay bumalik sa Jerusalem. Ang mga apostol ay nasa isang silid sa itaas doon, at si Mateo ay espesipikong binanggit na kasama nila, kaya malamang na isa siya sa mga 120 alagad na tumanggap ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes 33 C.E.—Gaw 1:4-15; 2:1-4.