Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maya

Maya

[sa Gr., strou·thiʹon; sa Ingles, sparrow].

Ang salitang Griego na strou·thiʹon ay isang pangmaliit na anyo na tumutukoy sa alinmang maliit na ibon, ngunit pangunahing ikinakapit sa mga maya. May isang uri ng common house sparrow (Passer domesticus biblicus) na sagana sa Israel. Ang mga maya ay maliliit na ibong kulay kayumanggi at kulay-abo, maiingay at mahilig makihalubilo, humuhuni-huni at sumisiyap-siyap, at lumilipad nang paroo’t parito mula sa kanilang dapuan sa bubungan ng bahay, punungkahoy, o palumpong. Ang pangunahing kinakain nila ay mga buto ng halaman, mga insekto, at mga bulati. Karaniwan din ang Spanish sparrow (Passer hispaniolensis), lalo na sa hilaga at gitnang Israel.

Sa Bibliya, ang tanging tuwirang pagbanggit sa mga maya ay doon sa sinabi ni Jesus noong ikatlong paglalakbay niya sa Galilea, na maliwanag na inulit niya pagkaraan nang mga isang taon noong panahon ng kaniyang ministeryo sa Judea nang dakong huli. Matapos itawag-pansin na “ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga [sa literal, isang assarion, nagkakahalaga nang wala pang limang sentimo, U.S.]” o, kung limang maya ang bibilhin ay “dalawang barya na maliit ang halaga,” sinabi ni Jesus na bagaman ang maliliit na ibong ito ay itinuturing na napakaliit ang halaga, “gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama,” at “Walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos.” Pagkatapos ay pinatibay-loob niya ang kaniyang mga alagad na huwag matakot, at tiniyak sa kanila na “Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”​—Mat 10:29-31; Luc 12:6, 7.

Kapuwa noon at ngayon, ang mga maya ay ipinagbibili sa mga palengke sa Gitnang Silangan. Bilang pagkain, ang mga ito’y binabalahibuhan at tinutuhog sa mga patpat na kahoy at iniihaw (na parang barbekyu). Ayon sa isang sinaunang inskripsiyon ng batas ni Emperador Diocletian (301 C.E.) sa taripa, sa lahat ng mga ibong kinakain, ang mga maya ang pinakamura.​—Light From the Ancient East, ni A. Deissmann, 1965, p. 273, 274.

Bagaman lumilitaw ang maya sa Hebreong Kasulatan sa King James Version (Aw 84:3; 102:7) at sa iba pang mga salin, maliwanag na ang terminong Hebreo (tsip·pohrʹ) na isinalin nang gayon ay isang panlahatang termino na sumasaklaw sa maliliit na ibon sa pangkalahatan at hindi espesipikong tumutukoy sa maya.