Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Medeba

Medeba

Ang lugar na ito ay kinakatawanan ng makabagong Madaba, isang bayan na nasa mababa at hindi matarik na burol mga 20 km (12 mi) sa S ng hilagaang dulo ng Dagat na Patay. Idinurugtong ito ng sinaunang “daan ng hari” sa iba pang lunsod sa S ng Jordan. (Ihambing ang Bil 20:17.) Ang Madaba ay nasa isang kapatagan o talampas na walang punungkahoy ngunit mataba. Sa kapatagang ito, na “talampas ng Medeba,” ay nakapanginginain ang mga kawan ng mga tupa at mga kambing.​—Jos 13:9, 16.

Nang matalo ng mga Israelita ang Amoritang si Haring Sihon, ang Medeba ay napunta sa teritoryong ibinigay sa tribo ni Ruben. (Jos 13:8, 9, 15, 16) Lumilitaw na bago nito ay kinuha ng mga Amorita ang Medeba sa mga Moabita. (Bil 21:25-30) Pagkaraan ng ilang siglo, sa pakikipagdigma sa mga Ammonita, tinalo ng hukbo ni Haring David sa pangunguna ni Joab ang Arameanong (Siryanong) mga hukbong mersenaryo na nagkakampo sa harap ng Medeba.​—1Cr 19:6-16.

Ayon sa Batong Moabita (taludtod 8), kinuha ni Haring Omri ng Israel (mga 951-941 B.C.E.) ang “lupain ng Mehedeba (Medeba).” Ipinahihiwatig ng taludtod 30 ng bantayog na ito na muling itinayo ni Haring Mesa ng Moab ang Medeba at ang iba pang lunsod sa lugar na iyon. Gayunman, maaaring muling nakuha ng mga Israelita ang pamumuno sa Medeba nang ‘isauli ni Jeroboam II (mga 844-804 B.C.E.) ang hangganan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat hanggang sa dagat ng Araba.’ (2Ha 14:25) Ngunit hindi ito nagtagal, yamang ipinakikita ng kapahayagan ni Isaias (mga 778–pagkatapos ng 732 B.C.E.) laban sa Moab na ang Medeba ay nasa ilalim noon ng kontrol ng mga Moabita at inihula na ang mga Moabita ay ‘magpapalahaw’ dahil sa pagkawala ng lunsod.​—Isa 15:1, 2.