Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mene

Mene

Ang pambungad na salita ng isang mahiwagang mensahe na makahimalang isinulat sa palitada ng pader ng bulwagang pampiging ni Haring Belsasar sa Babilonya noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. (kalendaryong Gregorian), mismong bago bumagsak ang lunsod sa mga Medo at mga Persiano. Ayon kay Daniel, na binigyan ni Jehova ng kapangyarihang basahin ang inskripsiyon at bigyan ito ng pakahulugan, ang sulat ay kababasahan: “MENE, MENE, TEKEL at PARSIN.” (Dan 5:25) Maliwanag na ang inskripsiyong iyon ay binubuo lamang ng mga katinig at nangangailangan ng may-katalinuhan at wastong pagbigkas, at gayundin ng tamang pagpapakahulugan. Ang mga salita mismo ay literal na nangangahulugang: “Isang mina, isang mina, isang siklo, at kalahating mga siklo.”

Sa pagbibigay ng tumpak na pakahulugan, sinabi muna ni Daniel: “Ito ang pakahulugan ng salita: MENE, binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at winakasan iyon.” (Dan 5:26) Maging sa pamamagitan lamang ng bahaging iyon ng mensahe, dapat ay naging malinaw na kay Haring Belsasar ang mga bagay-bagay. Inalis ni Jehova sa trono ang dakilang si Nabucodonosor, na naging mas makapangyarihan kaysa kay Belsasar. Kaya magagawa Niyang paikliin ang bilang ng mga araw ng paghahari ni Belsasar at niyaong sa kaniyang kasamang-tagapamahala at ama, si Nabonido. Kayang pasapitin ni Jehova ang kawakasan ng dinastiyang ito. Ang salitang “MENE” ay makalawang ulit na lumitaw sa inskripsiyon, marahil dahil ang mensahe ay kumakapit sa dalawang tagapamahala sa kaharian ng Babilonya noong panahong iyon, kay Nabonido at kay Belsasar. Gayunman, sa pagbibigay ng pakahulugan, ginamit ni Daniel ang “MENE” nang minsan lamang, posibleng dahil si Belsasar lamang ang naroroon noong pagkakataong iyon.

Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung bakit hindi nagawang basahin ng sinuman sa marurunong na tao ng Babilonya ang sulat. (Dan 5:8) Maaaring ito ay dahil sa mahiwagang katangian ng mensahe, o maaaring ang sulat mismo ay nasa mga titik o wika na hindi nila alam.