Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Merab

Merab

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging marami (sagana)”].

Ang nakatatanda sa dalawang anak na babae ni Haring Saul. (1Sa 14:49) Maliwanag na nangako si Saul na ibibigay niya ang isa sa kanila upang mapangasawa ng lalaking makatatalo kay Goliat (1Sa 17:25), at maaaring ito ang dahilan kung bakit inialok niya si Merab kay David. Pagkatapos ng kaniyang pakikipagsagupa kay Goliat, si David ay napatunayang isang marunong at matagumpay na mandirigma laban sa mga Filisteo, anupat si Saul ay ‘natakot sa kaniya,’ samantalang minahal naman siya ng mga tao sa Israel at Juda. (1Sa 18:15, 16) Nang ialok ni Saul si Merab kay David bilang asawa, pinasigla niya ito na patuloy na magpakagiting, habang iniisip sa loob niya, “Huwag siyang pagbuhatan ng aking kamay, kundi pagbuhatan sana siya ng kamay ng mga Filisteo,” anupat umaasang mapapatay si David sa labanan. Palibhasa’y mapagpakumbaba, nag-atubili si David na tanggapin ang alok na maging manugang ng hari. Nang maglaon, hindi naman tinupad ni Saul ang kaniyang pangako, at si Merab ay hindi kailanman naging asawa ni David. Sinasabi ng ulat na ang nakababatang anak na babae, si Mical, “ay umiibig kay David,” na maaaring nagpapahiwatig na hindi iniibig ni Merab si David. Anuman ang kalagayan, “nangyari nga na nang panahong ibibigay si Merab, na anak ni Saul, kay David, siya ay naibigay na kay Adriel na Meholatita bilang asawa.”​—1Sa 18:17-20.

Si Merab ay nagkaanak ng limang lalaki kay Adriel. Gayunman, nang maglaon ay ibinigay ni David ang mga anak na ito at ang dalawa pang miyembro ng sambahayan ni Saul sa mga Gibeonita, na pumatay naman sa pitong ito. Ginawa ito upang magbayad-sala dahil sa pagtatangka ni Saul na lipulin ang mga Gibeonita.​—2Sa 21:1-10.

Inalagaan ng Kapatid ni Merab ang Kaniyang mga Anak. Ayon sa tekstong Masoretiko, ang 2 Samuel 21:8 ay may binabanggit na “limang anak ni Mical na anak na babae ni Saul na ipinanganak nito kay Adriel.” Ngunit sinasabi ng 2 Samuel 6:23 na si Mical ay namatay na walang anak. Lumilitaw na tinangkang ayusin ng ilang eskriba ang suliraning ito kung kaya hinalinhan nila ng pangalan ni Merab ang Mical sa 2 Samuel 21:8. Ipinahihiwatig ito ng paggamit ng Griegong Septuagint (edisyon ni Lagarde) at ng dalawang manuskritong Hebreo ng pangalang “Merab” sa talatang ito. Gayunman, ang isang tradisyonal na paliwanag sa 2 Samuel 21:8 gaya ng lumilitaw sa halos lahat ng iba pang manuskritong Hebreo ay gaya ng sumusunod:

Ang kapatid ni Mical na si Merab ay asawa ni Adriel at ipinanganak nito kay Adriel ang limang anak na pinag-uusapan. Ngunit maagang namatay si Merab, at ang kaniyang kapatid na si Mical, na itinakwil ni David at walang anak, ang bumalikat sa pag-aalaga, o pagpapalaki, sa limang bata. Dahil dito, tinukoy sila bilang mga anak ni Mical sa halip na kay Merab. Kasuwato ng pangmalas na ito sa 2 Samuel 21:8, ang salin ng Bibliya ni Isaac Leeser ay tumutukoy sa “limang anak ni Mical na anak ni Saul, na pinalaki niya para kay Adriel,” at isang talababa roon ang nagsasabi: “Yamang si Mical ay asawa ni David; ngunit ang mga anak ay kay Merab, na pinakamatandang anak na babae ni Saul, anupat ang mga ito’y malamang na tinuruan ng kapatid na babae ni Merab.” Ang mga Targum ay kababasahan: “Ang limang anak ni Merab (na pinalaki ni Mical, na anak na babae ni Saul) na kaniyang ipinanganak.” Ang iba pang mga salik, na hindi isiniwalat sa Kasulatan, ay maaaring nakaapekto sa paraan ng pagkakasulat ng tekstong ito.