Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Merarita, Mga

Merarita, Mga

[Ni (Kay) Merari].

Isa sa tatlong pangunahing pamilya ng mga Levita. Sila’y nagmula sa anak ni Levi na si Merari, sa pamamagitan ng mga anak nito na sina Mahali at Musi. (Exo 6:16, 19; Bil 3:20; 26:57, 58) Sa unang sensus ng mga Israelita sa ilang, may naitalang 6,200 lalaking Merarita na mula sa gulang na isang buwan pataas. Sa mga ito, 3,200 ang 30 hanggang 50 taóng gulang at pumasok sa pangkat na naglilingkod “para sa paglilingkod sa tolda ng kapisanan.” (Bil 3:33, 34; 4:42-45) Ang pinuno nila noon ay si Zuriel, at ang kanilang kampamento ay nasa H panig ng tabernakulo. (Bil 3:35) Noong panahon ng paglalakbay sa ilang, ang tatlong-tribong pangkat ng Juda ang unang lumilisan mula sa kampamento. Pagkatapos nito, ang mga Gersonita at mga Merarita ‘bilang mga tagapagdala ng tabernakulo ay lumilisan,’ na sinusundan naman ng tatlong-tribong pangkat ng Ruben at pagkatapos ay ng mga Kohatitang Levita. (Bil 10:14-21) Mga Merarita ang nangangasiwa sa mga hamba, mga barakilan, mga haligi, at sa may-ukit na mga tuntungan ng tabernakulo, gayundin sa “lahat ng mga kagamitan nito at lahat ng paglilingkod dito,” bukod pa sa mga haligi, may-ukit na mga tuntungan, mga pantoldang tulos, at sa mga pantoldang panali ng looban. (Bil 3:36, 37) Upang mailipat ang mabibigat na bagay na ito, pinaglaanan sila ng apat na karwahe at walong baka. Sa ilang, sila at ang mga Gersonita ay nasa “ilalim ng kamay” ng anak ni Aaron na si Itamar.​—Bil 7:6-8.

Nang hati-hatiin ang Lupang Pangako sa ilalim ng pangangasiwa ni Josue, 12 lunsod ang iniatas sa mga Merarita, tig-aapat mula sa mga teritoryo ng mga tribo nina Ruben, Gad, at Zebulon. Ang isa sa mga ito, ang Ramot sa Gilead (sa teritoryo ng Gad), ay isang “kanlungang lunsod.”​—Jos 21:7, 34-40; 1Cr 6:63, 77-81.

Noong panahon ni David, 220 Merarita, kasama si Asaias na kanilang pinuno, ang tumulong sa ibang mga Levita sa pagdadala ng kaban ng tipan sa Jerusalem mula sa bahay ni Obed-edom. (1Cr 15:1-6, 25) Nang magkaroon ng pahingahang-dako ang Kaban, “binigyan ni David ng mga katungkulan sa pangunguna sa pag-awit sa bahay ni Jehova” ang ilang Merarita. (1Cr 6:31, 44-47) Ang ibang Merarita ay inatasan bilang mga bantay ng pintuang-daan.​—1Cr 26:1, 10, 19.

Noong panahon ng reporma ng Judeanong si Haring Hezekias, kabilang ang mga Merarita sa mga Levitang naglinis sa templo. (2Cr 29:12, 15) Nang maglaon, noong ikapitong siglo B.C.E., ang mga Meraritang sina Jahat at Obadias ay inatasan ni Haring Josias na mangasiwa sa mga tagapagkumpuni ng templo.​—2Cr 34:12, 13.

Kasama ang mga Merarita sa mga Levitang bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E. (1Cr 9:14) Nang maglaon (noong 468 B.C.E.), kabilang din ang mga Merarita sa mga Levitang sumama kay Ezra mula sa Babilonya patungong Jerusalem.​—Ezr 8:1, 18, 19, 31, 32.