Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Meremot

Meremot

1. Isa sa mga pangulong saserdote na sumama kay Zerubabel mula sa Babilonya patungong Jerusalem noong 537 B.C.E. (Ne 12:1-7) Isang makasaserdoteng sambahayan sa panig ng ama ng sumunod na salinlahi ang may pangalang “Meraiot,” at posibleng si Meremot ang pinagmulan nito. (Ne 12:15) Ang mga pangalang ito ay magkatulad ang pagkakasulat sa mga titik Hebreo.

2. Anak ni Urias at isang prominenteng saserdote noong mga araw nina Ezra at Nehemias. Nang si Ezra at ang mga Judiong nalabi ay dumating sa Jerusalem mula sa Babilonya noong 468 B.C.E., si Meremot ay kabilang sa mga saserdote na sa mga kamay ng mga ito ay “tinimbang [nila] ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan sa bahay” ni Jehova. (Ezr 8:31-34) Si Meremot ay isang inapo ni Hakoz na ang ilang inapo ay hindi nakapagpatunay ng kanilang talaangkanan. (Ezr 2:61, 62) Ngunit maliwanag na napatunayan ng pangkat ng pamilya na kaniyang kinabibilangan ang angkan nito, yamang si Meremot ay nakibahagi sa makasaserdoteng mga tungkulin. Nakibahagi rin siya sa pagkukumpuni sa pader ng Jerusalem sa ilalim ng pangangasiwa ni Nehemias.​—Ne 3:3, 4, 21.

3. Isang saserdote, o ang ninuno ng isa sa mga nagpatotoo sa pamamagitan ng tatak sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” noong mga araw ni Nehemias.​—Ne 9:38–10:5.

4. Isang Israelita na kabilang sa “mga anak ni Bani” na tumanggap ng mga asawang banyaga ngunit nagpaalis sa mga ito ‘pati na sa mga anak’ noong mga araw ni Ezra.​—Ezr 10:25, 34, 36, 44.