Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Meriba

Meriba

[Pagtatalo].

1. Isang lugar sa kapaligiran ng kampamento ng mga Israelita sa ilang sa Repidim. Dito makahimalang naglaan si Jehova ng tubig nang hampasin ni Moises ng kaniyang tungkod ang bato sa Horeb. Pagkatapos nito, tinawag ni Moises na “Masah” (nangangahulugang “Pagsubok”) at “Meriba” (nangangahulugang “Pagtatalo”) ang lugar na ito. Ipinaalaala ng mga pangalang ito ang pakikipagtalo ng Israel kay Moises at ang pagsubok nila sa Diyos dahil sa kawalan ng tubig.​—Exo 17:1-7.

2. Ang pangalang “Meriba” ay ibinigay rin nang maglaon sa isang lokasyon na malapit sa Kades. Dahil din ito sa pakikipagtalo ng Israel kay Moises at kay Jehova tungkol sa kawalan ng tubig. (Bil 20:1-13) Di-gaya ng lugar na malapit sa Repidim, kung saan nagkampo ang mga Israelita nang wala pang dalawang buwan pagkalabas nila sa Ehipto (Exo 16:1; 17:1; 19:1), hindi tinawag na Masah ang Meriba na ito. Kung minsan, upang ipakita na iba ito sa isa pang Meriba, tinutukoy ito ng Kasulatan sa pamamagitan ng mga pananalitang “tubig ng Meriba” (Aw 106:32) o “tubig ng Meriba sa Kades.” (Bil 27:14; Deu 32:51) Gayunman, sa Awit 81:7, ang binanggit na pagsusuri ni Jehova sa Israel “sa tubig ng Meriba” ay maaaring tumutukoy sa insidente sa Meriba na malapit sa Repidim.​—Ihambing ang Deu 33:8.

Hindi pinabanal nina Moises at Aaron si Jehova may kaugnayan sa makahimalang paglalaan ng tubig sa Meriba sa lugar ng Kades. Dahil dito, naiwala nila ang pribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako. Ang pangyayaring ito ay waring naganap noong ika-40 taon ng pagpapagala-gala ng Israel sa ilang.​—Bil 20:1, 9-13, 22-28; 33:38, 39.