Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Merodac

Merodac

Anyong Hebreo ng Marduk, ang pinakaprominenteng diyos ng Babilonya, na inihulang babagsak kasabay ng pagbagsak ng Babilonya.​—Jer 50:2.

Tiyak na kinuha sa pangalan ng diyos na ito ang mga pangalan ng mga Babilonyong hari na sina Merodac-baladan (Isa 39:1) at Evil-merodac (2Ha 25:27). Nang maging prominente ang Babilonya matapos itong italaga ni Haring Hammurabi bilang kabisera ng Babilonia, nadagdagan din ang importansiya ni Merodac. Nang maglaon, iniukol sa kaniya ang mga katangian ng mas naunang mga diyos, at ipinapalagay na binago ng mga saserdoteng Babilonyo ang mitolohikal na mga ulat upang palitawin na si Merodac ang pumaslang kay Tiamat at lumalang sa daigdig at sa tao. Sa mga tekstong Babilonyo, si Marduk (Merodac) ay ipinakikilala bilang anak ni Ea (diyos na namamahala sa elementong tubig), asawa ni Sarpanitu, at ama ni Nebo.

Ang pagkahari sa Babilonya ay may malapit na kaugnayan sa imahen ni Merodac sa kaniyang templo, ang Esagila. Noon, ang mga tagapamahala ng Babilonya ay hindi itinatalaga sa pamamagitan ng koronasyon kundi sila’y nagiging mga hari sa pamamagitan ng paghawak sa kamay ni Merodac. Inuulit ang seremonyang ito taun-taon sa kapistahan ng Bagong Taon. Kahit noong panahong pinamamahalaan ng Asirya ang Babilonia, ang mga hari ng Asirya ay obligadong pumunta sa lunsod ng Babilonya taun-taon para sa kapistahan ng Bagong Taon at gawing legal ang kanilang karapatan sa trono sa pamamagitan ng paghawak nila sa kamay ni Merodac.

May kinalaman sa pagbagsak ng Babilonya, inihula ng propetang si Jeremias na ‘masisindak’ si Merodac. Nagkatotoo ito sa diwa na hindi naipagtanggol ni Merodac ang dangal ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya. Gayundin, yamang ang mga manlulupig ng Babilonya ay sumasamba sa ibang mga bathala, ang kinabukasan ni Merodac ay walang katiyakan at punô ng agam-agam.​—Jer 50:2; tingnan ang BEL; DIYOS AT DIYOSA, MGA (Mga Bathala ng Babilonya).