Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Merodac-baladan

Merodac-baladan

[mula sa wikang Babilonyo, nangangahulugang “Si Marduk ay Nagbigay ng Anak”].

Ang “anak ni Baladan” at hari ng Babilonya na nagpadala ng mga liham at isang kaloob kay Haring Hezekias ng Juda kasunod ng paggaling ng haring iyon mula sa pagkakasakit. (Isa 39:1) Tinatawag siyang “Berodac-baladan” sa 2 Hari 20:12, ngunit ang pagkakaibang ito ay karaniwan nang itinuturing na bunga ng isang pagkakamali ng eskriba, o kaya ay upang kumatawan sa pagsisikap na tumbasan ng transliterasyon ang isang Akkadianong katinig sa pamamagitan ng paggamit ng isang tunog na nasa pagitan ng “m” at “b.”

Ang pangalan ni Merodac-baladan ay lumilitaw sa mga inskripsiyong cuneiform ng Asirya at Babilonya bilang “Marduk-apla-iddina.” Doon ay lumilitaw siya bilang ang tagapamahala ng isang Caldeong distrito na tinatawag na Bit-Yakin, na nasa mga lupaing latian sa itaas ng bukana ng Gulpo ng Persia at sa T ng Babilonya. Inaangkin niya na siya’y nagmula sa maharlikang angkan, anupat ibinigay ang pangalan ni Haring Eriba-Marduk ng Babilonya (itinuturing na umiral noong maagang bahagi ng ikawalong siglo B.C.E.) bilang kaniyang ninuno.​—Iraq, London, 1953, Tomo XV, p. 124.

Tinutukoy ni Tiglat-pileser III, na ang pamamahala ay umabot hanggang noong paghahari ni Haring Ahaz ng Juda (761-746 B.C.E.), si Merodac-baladan bilang tagapamahala ng isang tribong Caldeo at nagbigay-galang sa kaniya nang magsagawa ang mga Asiryano ng isang kampanya patungong Babilonia.

Nagsugo ng Delegasyon kay Hezekias. Sinasabing si Merodac-baladan ay pumasok sa Babilonya at ipinroklamang hari ang kaniyang sarili noong panahon ng pagluklok ni Sargon II sa trono ng Asirya. Sinuportahan ng mga Elamita si Merodac-baladan sa pagkilos na ito, at bagaman di-nagtagal ay sinikap ni Sargon na alisin siya sa puwesto sa Babilonya, napanatili ng Caldeo ang kaniyang posisyon doon sa loob ng mga 12 taon, ayon sa Babylonian King List. Maaaring nang panahong ito niya isinugo kay Haring Hezekias ang kaniyang mga embahador, alinman noong ika-14 na taon ng Judeanong hari (732 B.C.E.) o di-nagtagal pagkatapos nito. Iminumungkahi ng ilan, kabilang na ang Judiong istoryador na si Josephus, na ang mga kapahayagan ng pagkabahala ni Merodac-baladan sa kalusugan ni Hezekias ay higit pa kaysa sa isang pormalidad at na ang pailalim na motibo nito ay ang sikaping makuha ang suporta ng kaharian ng Juda, pati na yaong sa Elam, para sa isang koalisyon laban sa Asirya. Anuman ang kalagayan, ang pagpapakita ni Hezekias ng maharlikang imbakang-yaman at ng kaniyang taguan ng mga armas (2Ha 20:13) sa mga mensahero ng Caldeo ay tahasang hinatulan ng propetang si Isaias bilang pahiwatig ng pananakop ng Babilonya sa Juda sa bandang huli.​—Isa 39:2-7.

Tinalo ng Asirya. Sa pagwawakas ng kaniyang pamamahala sa Babilonya na humigit-kumulang 12 taon, nakita ni Merodac-baladan nang ang kaniyang pangunahing suporta mula sa Elam ay maputol ng isang tagumpay ng Asirya laban sa kahariang iyon, at pagkatapos nito, siya ay sinalakay at napilitang tumakas mula sa Babilonya. Sa kabila ng pagkahulog ng Babilonya sa mga Asiryano, lumilitaw na napanatili pa rin ni Merodac-baladan ang kaniyang posisyon bilang tagapamahala sa Bit-Yakin. Ipinakikita ng Babylonian King List ang ikalawang paghahari na siyam na buwan (sinasabi ni Polyhistor na anim na buwan) ni “Mardukaplaiddin” bilang hari ng Babilonya noong ikalawang taon pagkamatay ni Sargon. Karaniwang tinatanggap na tumutukoy ito sa hari ring iyon na gumawa ng ikalawang pagsisikap na itatag ang kaniyang sarili sa trono ng Babilonya. Gayunman, mapapansin na ang mga inskripsiyong Babilonyo sa kasong ito ay tumutukoy sa kaniya bilang si “Mardukaplaiddin, isang katutubo ng Habi,” kabaligtaran naman ng “Mardukaplaiddin, [na mula] sa dinastiya ng Dagat na Lupain,” sa kaso ng mas maagang paghahari. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 272) Ang ikalawang paghaharing ito ay napakaikli, yamang mabilis na sinakop ng Asiryanong si Haring Senakerib ang Babilonya, at kinailangan ni Merodac-baladan na manganlong sa Elam, kung saan lumilitaw na nagwakas ang kaniyang maambisyong tunguhin. Sa kabila ng mga kabiguan ni Merodac-baladan, nang maglaon ang mga Caldeo ang naging pangunahing grupong etniko sa Imperyo ng Babilonya.

[Larawan sa pahina 379]

Si Merodac-baladan na nagkakaloob ng lupain sa isang opisyal; si Haring Hezekias ay labis-labis na nagmagandang-loob sa mga mensahero mula kay Merodac-baladan