Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mesac

Mesac

Ang pangalang Babilonyo na ibinigay ng punong opisyal ng korte ni Nabucodonosor sa kasamahan ni Daniel na si Misael. Hindi tiyak kung ano ang kahulugan ng bagong pangalang ito, ngunit maaaring kalakip dito ang pagtukoy kay Aku, isang Sumerianong diyos.

Nag-ingat ng Katapatan Bilang Isang Kabataan. Si Mesac (Misael) ay dinalang bihag mula sa Jerusalem patungong Babilonya noong 617 B.C.E. kasama ni Jehoiakin at ng iba pa. Pagkatapos, sina Misael, Azarias, Hananias, at Daniel ay isinailalim ng mga maharlika ng Babilonya sa isang tatlong-taóng kurso ng pagsasanay, na sa katapusan nito ay napatunayang nakahihigit sila maging sa mga tagapayo ng hari. (2Ha 24:1, 6, 8, 12-16; Dan 1:1-7, 17-20) Sa loob ng panahong iyon, ang apat na ito ay nanatiling matatag sa kanilang debosyon sa Diyos, anupat tumanggi pa ngang dumhan ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain ng hari.​—Dan 1:8-16.

May tatlong malamang na dahilan kung bakit itinuring nilang ‘nakapagpaparumi’ ang masasarap na pagkain ng hari: (1) Ang mga Babilonyo ay kumakain ng mga hayop na ipinahahayag na marumi ng Kautusang Mosaiko; (2) hindi nila maingat na tinitiyak na wastong napatulo ang dugo ng mga hayop, marahil ang ilan ay binigti pa nga; (3) kalimitang inihahain muna ng mga pagano ang mga hayop sa kanilang mga diyos, anupat itinuturing ang pagkain ng gayong karne bilang isang bahagi ng pagsamba sa mga diyos na ito.​—Dan 1:8; ihambing ang 1Co 10:18-20, 28.

Nang maglaon, pagkatapos na maiangat ni Nabucodonosor si Daniel sa isang mataas na posisyon sa pamahalaan sa korte ng hari, sa kahilingan ni Daniel ay inatasan niya sina Mesac, Sadrac, at Abednego sa pangangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya.​—Dan 2:48, 49.

Tumangging Yumukod sa Imahen. Si Mesac at ang dalawa niyang kasamahan ay muling napansin ng hari dahil sa pagtanggi, sa paningin ng lahat ng iba pang tauhan sa pamahalaan, na yumukod sa harap ng malaking imahen na ginawa ni Nabucodonosor. Taglay ang lubos na pananampalataya kay Jehova, sinabi nila kay Nabucodonosor na hindi sila makikisama sa paglilingkod sa mga diyos ng hari. Hindi mahalaga kung ililigtas sila ng Diyos mula sa hurno o hindi; iingatan pa rin nila ang katapatan sa kaniya sa halip na magkompromiso upang mapalaya. (Sa Heb 11:34, 35 ay binabanggit yaong mga “nagpatigil ng puwersa ng apoy” at ayaw “tumanggap ng paglaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, upang sila ay makapagkamit ng mas mabuting pagkabuhay-muli.”) Dahil sa kanilang pananampalataya ay iningatan sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang anghel. Sa katunayan, nang lumabas sila, “ang amoy ng apoy ay hindi nanikit sa kanila.” Si Nabucodonosor, na bago nito ay lubhang nagngalit anupat iniutos niyang painitin ang hurno nang pitong ulit pang higit kaysa sa kinagawian bago ihagis doon ang tatlong lalaki, ay kumilala ngayon sa kanilang Diyos bilang isang tagapagligtas. Karagdagan pa, iniutos niya na sinumang magsabi ng anumang masama laban sa Diyos ni Mesac ay dapat na pagputul-putulin at ang bahay nito ay dapat na gawing palikurang pambayan.​—Dan 3:1-30.