Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mesec

Mesec

1. Isa sa mga anak na isinilang kay Japet na anak ni Noe pagkatapos ng Baha. (Gen 10:2; 1Cr 1:5) Maliwanag na ang pangalang ito ay tumukoy rin sa kaniyang mga inapo at sa lupain na kanilang pinamayanan. Laging binabanggit ng propetang si Ezekiel ang Mesec kasama ng Tubal, anupat ipinahihiwatig na ang mga ito ay nasa H ng Palestina. Inilalarawan sila bilang nagluluwas ng mga alipin at mga tanso sa Tiro, bilang mga paladigma, at bilang alinman sa mga kaalyado o mga sakop ni ‘Gog ng Magog’ sa inihulang mabalasik na kampanya nito laban sa “mga bundok ng Israel.” (Eze 27:13; 32:26; 38:2, 3; 39:1, 2; tingnan ang GOG Blg. 2.) Binabanggit ang Mesec nang hiwalay sa Tubal sa Awit 120:5, anupat maliwanag na lumalarawan sa isang agresibo at mabangis na bayan.

Mga isang libong taon pagkatapos ng Baha, sinimulang banggitin sa mga inskripsiyong Asiryano ang isang bayan na tinatawag na Musku na naninirahan sa isang lugar sa Asia Minor sa dakong K ng Asirya. Ang Asiryanong mga emperador na sina Tiglat-pileser I, Tukulti-Ninurta II, Ashurnasirpal II, at Sargon ay bumanggit lahat ng pakikipaglaban sa kanila. Ang bagay na madalas banggitin ang Musku kasama ng Tabali (maliwanag na ang Tubal sa Bibliya) ay dahilan upang maniwalang hinalaw sa Mesec ang pangalang Musku. Nang maglaon ay tinukoy ni Herodotus (III, 94) ang Moschi at ang Tibareni sa gayunding paraan.

Maraming iskolar ang nagmumungkahi na ang Musku ay dapat iugnay sa mga Frigiano, na lumilitaw na nangibabaw sa malaking bahagi ng kanluranin at gitnang Asia Minor noong malapit nang magtapos ang ikalawang milenyo B.C.E. Si Haring Mita ng Muski, binanggit ng Asiryanong si Emperador Sargon, ay ipinapalagay ng ilang iskolar na si Haring Midas din ng Frigia, na inilarawan sa tradisyong Griego bilang namamahala noong yugto ring iyon.

2. Si Mesec ay lumilitaw sa tekstong Masoretiko sa 1 Cronica 1:17 bilang isang inapo ni Sem, ngunit ang katumbas na talaangkanan sa Genesis 10:23 ay kababasahan ng “Mas.”