Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mesopotamia

Mesopotamia

[mula sa Gr., nangangahulugang “[Lupain] sa Pagitan ng mga Ilog”].

Terminong Griego para sa malawak na lupain na nasa pagitan ng mga ilog ng Tigris at ng Eufrates. Lumilitaw na katumbas ito ng katawagang Hebreo na “Aram-naharaim” na may kaugnay na kahulugan. (Aw 60:Sup) Sa katunayan, kadalasang isinasalin ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint ang “Aram-naharaim” bilang “Mesopotamia.”​—Tingnan ang ARAM Blg. 5.

Kapuwa sa sinauna at makabagong paggamit, ang terminong “Mesopotamia” ay ikinakapit sa iba’t ibang paraan. Pangunahin na, sa malawak na diwa ng terminong ito, saklaw nito ang buong rehiyon na nasa pagitan ng Tigris at ng Eufrates at bumabagtas mula sa Gulpo ng Persia sa T hanggang sa kabundukan ng Turkey at Iran sa H. Kasama rito ang mabanlik na kapatagan ng sinaunang Babilonia na umaabot ng mga 400 km (250 mi) sa dakong T ng Baghdad. (Tingnan ang BABILONYA Blg. 2.) Gayunman, sa mas limitadong diwa, hindi kasama sa terminong “Mesopotamia” ang Babilonia, anupat tanging ang rehiyon sa dakong H ang tinatawag na Mesopotamia. Ang hilagaang rehiyong ito ay isang mababa at alun-along talampas na kakikitaan ng maraming lunas. Mabato rin ang lugar na ito.

Ang isang katibayan ng malawak na saklaw ng katawagang “Mesopotamia” noong unang siglo C.E. ay matatagpuan sa Gawa 7:2. Doon, binanggit ni Esteban na si Abraham ay nananahanan sa “Mesopotamia” samantalang si Abraham ay naroroon pa sa Ur, isang lunsod ng Babilonia. Gayunman, hindi matiyak kung kalakip din sa Hebreong “Aram-naharaim” ang Babilonia. Sa mga ulat kung saan may saligan upang matiyak ang heograpikong lokasyon na binanggit sa Hebreong Kasulatan, ang hilagaang lugar sa palibot ng Haran (Gen 24:2-4, 10) o ang hilagaang bulubunduking pook sa palibot ng Petor (Deu 23:4; ihambing ang Bil 23:7) ay inilalakip sa katawagang “Aram-naharaim” (Mesopotamia). Bagaman hindi tiyak ang saklaw ng lugar na nasa ilalim ng kontrol ng hari ng Mesopotamia na si Cusan-risataim (ang maniniil ng Israel noong panahon ni Hukom Otniel), ang sentro ng kaniyang pamahalaan ay maaaring nasa H rin. (Huk 3:8-10; tingnan ang CUSAN-RISATAIM.) Malamang na sa hilagang Mesopotamia umupa ng mga karo at mga mangangabayo ang Ammonitang si Haring Hanun para sa pakikipaglaban niya kay Haring David.​—1Cr 19:6, 7.

Kabilang sa mga Judio at mga proselita na presente sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E. ang mga tumatahan sa Mesopotamia. (Gaw 2:1, 2, 9) Maaaring kasama sa mga ito ang mga naninirahan sa timugang bahagi ng lupaing iyon, samakatuwid ay ang Babilonia. Hinggil dito, kapansin-pansin na ayon sa ulat ng istoryador na si Josephus, “isang malaking bilang ng mga Judio” ang nasa Babilonia noong unang siglo B.C.E.​—Jewish Antiquities, XV, 14 (ii, 2).