Mezuzah
Anyong Ingles ng salitang Hebreo na karaniwang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa isang hamba ng pinto o poste ng pinto. Ang mezu·zahʹ at ang anyong pangmaramihan na mezu·zohthʹ ay lumilitaw sa Exodo 12:7 (tlb sa Rbi8), 22, 23, may kinalaman sa pagwiwisik ng dugo ng hayop na Pampaskuwa sa mga poste ng pinto, at sa Exodo 21:6, hinggil sa isang alipin na nagnanais manatili sa paglilingkod sa kaniyang panginoon kung kaya siya dinala sa tapat ng pinto o ng “poste ng pinto” at nagpabutas siya ng tainga sa kaniyang panginoon sa pamamagitan ng balibol. May mga pagtukoy rin sa mga poste ng pinto ng templong itinayo ni Solomon (1Ha 6:31, 33; 7:5) at sa mga poste ng pinto ng makasagisag na templong nakita ni Ezekiel sa pangitain.—Eze 41:21; 45:19; 46:2.
Sa makabagong panahon, ang anyong Ingles na terminong “mezuzah” ay ginagamit upang tumukoy sa isang parihabang piraso ng pergamino na naglalaman ng tekstong Hebreo ng Deuteronomio 6:4-9 at Deuteronomio 11:13-21, karaniwang nakasulat sa 22 taludtod. Inirorolyo ang pergamino at inilalagay sa isang sisidlang kahoy, metal, o salamin na ikinakabit naman nang pahilig sa kanang poste ng pinto ng mga tahanan ng mga Ortodoksong Judio, anupat ang itaas na bahagi ay nakaturo nang papaloob at ang ibabang bahagi naman ay papalabas. Sa likuran ng pergaminong ito ay nakasulat ang salitang Hebreo na Shad·daiʹ (nangangahulugang “Makapangyarihan-sa-lahat”) at kalimitan nang makikita iyon sa isang salaming bahagi ng lalagyan. Kung minsan, ang mga sisidlan ng mezuzah ay may artistikong mga palamuti. Kapag ang mga debotong Ortodoksong Judio ay pumapasok o lumalabas sa isang bahay, hinihipo nila ang mezuzah at bumibigkas sila ng panalanging, “Bantayan nawa ng Diyos ang aking paglabas at ang aking pagpasok mula ngayon at magpakailanman.”—Ihambing ang Aw 121:8.
Ang paggamit ng mezuzah ay nakasalig sa isang literal na pagpapakahulugan sa utos na nasa Deuteronomio 6:9 (tlb sa Rbi8) at 11:20.